GORGY RULA: Sadyang hindi ba in-announce ang pagdating ng Miss Universe 2018 Catriona Gray sa bansa?
Ilang miyembro ng media ang nagulat sa pagdating ni Catriona bandang 9:05 kagabi, February 15, Biyernes, lulan ng Qatar Airways mula Doha.

Mangilan-ngilan na lang ang mga staff sa airport at walang fans na sumalubong dahil hindi siguro nila alam na darating ang reigning Miss Universe.
Pero kahit walang nagkakagulo sa pagdating ni Catriona, matindi pa rin daw ang pagbakod ng security guards nito.
Ang pagkakaalam ko, sa February 20 pa dapat siya nakatakdang dumating at doon siya bibigyan ng hero’s welcome.
Bakit kaya napaaga ang pagdating niya?
NOEL FERRER: ‘Yan din ang tanong ng media na naghintay kay Catriona sa airport kahapon.
Hindi raw siya pinaharap sa media at, oo, napaaga siya ng pagdating, nakasimpleng damit paglapag sa Pinas at sa likod idinaan.
Bakit kaya?
JERRY OLEA: Better early than late! Pebrero 20, Miyerkules ang napabalitang uwi niya sa bansa.
Pebrero 21, Huwebes, 2:00 ang homecoming parade niya sa Pasay City, Manila City at Makati City.
Mag-uumpisa ang parada sa Sofitel Grounds, at dadaan sa Sotto St., Roxas Blvd., Kalaw St., Taft Av., Buendia Avenue, patungong Ayala Avenue.
Pebrero 23, Sabado, 4 P.M. naman ang parada niya sa Araneta Center, Quezon City.
Mag-uumpisa ito sa Novotel Manila, at magtatapos sa Green Gate ng Araneta Coliseum.
Habang nasa bansa, bibisita at susuporta siya sa mga organisasyong malapit sa kanyang puso, gaya ng Love Yourself, Smile Train, at Young Focus Philippines.
Abangan natin kung magla-lava walk siya sa Tondo, Manila!
Makakasama kaya niya sa isang picture frame ang tatlong iba pang Pinay Miss Universe na sina Gloria Diaz, Margie Moran, at Pia Wurtzbach?
Welcome home, Catriona!
