GORGY RULA
Matindi pala ang hirap na pinagdaanan ni Jaya nitong pandemya kaya nagdesisyon siyang bumalik ng kanyang pamilya sa Amerika at doon na muna manirahan.
Isinalaysay ng Kapamilya singer na nang nagsimulang mag-quarantine noong March 2020, kararating lang daw niya mula sa isang tour.
Nang nagsimula na ang ECQ at hindi na lumalabas ng bahay ang karamihan ng mga tao, siya na raw ang nagtrabaho sa loob ng bahay.
Wala kasi silang kasambahay at driver. Naglinis daw siya nang naglinis sa isang bahay na mahirap linisin ng isang tao lang.
“Naramdaman ko lang na nag-focus ako sa isang bagay na hindi ko alam, nalulungkot na pala ako, natatakot, at nadi-depress.
“I started to lose weight. Hindi ko na-anticipate na hindi na pala ako kumakain nang tama o tamang oras, o nag-one meal a day lang ako. Hindi ko yun napansin.
“And of course, I have my kids here… wala namang problema,” sabi ni Jaya nang nakapanayam namin siya sa virtual mediacon ng online show na Grateful Tuesdays ng chemist na si Pinky Tobiano.
Dagdag pang pagsubok na dumating sa kanilang buhay nang na-stroke ang kanyang asawa na si Gary Gotidoc, at naospital ito ng ilang araw.
Lahad ni Jaya, “Hindi namin alam na na-stroke na pala yun. So, na-hospital siya, ako rin ang nagbantay, lahat… three days later, gumaling siya.
“Pero sa likod ng utak ko, parang, 'Teka... anong nangyayari? Nakakulong tayo, wala tayong work, at may asawa kang nagkasakit, paano yung mga bata?'
“So, nagkasunud-sunod na yung fear na ‘Oh my God, baka yung mga anak ko naman magkasakit, hindi pwedeng dalhin sa hospital.’
“There was a bit of panic in my head, and the only thing that saved me at that time…because we go to church online.
“So, talagang nakikinig kami ng service. It started to boil up this different kind of faith na wala kang iba talagang kakapitan. Wala.
“Wala kang ibang pupuntahan, wala kang ibang gagawin kundi be still. There is the only God, be quiet ang pray. Leave it to Him, and that’s what exactly happened.”
Dito na raw nila napagdesisyunang mag-asawa na bumalik ng Amerika.
Nauna na raw ang kanyang mister na si Gary kasama ang stepson ni Jaya.
May ilang properties daw sila sa Tarlac na ibinenta nila para may perang gagamiting pa-Amerika.
Patuloy na kuwento ni Jaya, “Two days before they leave, nagkaroon ng sale. Napakamura lang pero nagkaroon ng sale. May lupa kaming nabenta, they were able to go.
“You know, God had better plans. He made us sell the property, nagbayad the same day… that was January 5… January 7, they departed.
“They were able to find a job 22 hours later and they were able to find a home to rent na ang laki-laki, ang ganda-ganda na parang pwede ba nating bilhin yun someday? Hindi naman binebenta… but you know, He provides.
“Things happened and things start to arise when your faith rises.
“That’s the reason why I’m going to the States because I think He’s telling me talaga to go there, don’t worry about it,” dagdag niyang pahayag.
Sa ngayon ay bahagi si Jaya ng season 3 ng Grateful Tuesdays. Magsisimula ito sa March 16 sa FB page ng Cornerstone at ni Pinky Tobiano, at sa CS Entertainment Channel. Kasama rin nila rito si Zephanie.
Kahit nasa Amerika na si Jaya, kaya raw niyang gawin ito online.
NOEL FERRER
Sinubukan ni Jaya na itaguyod ang pamilya niya rito sa ‘Pinas, pero hindi talaga kagandahan ang sitwasyon dito ngayon.
Marahil, tulad ng nanay niyang si Ms. Elizabeth Ramsey, sana ay mas tangkilikin siya sa U.S. habang mukhang mauuna pa talaga silang makakapagpabakuna, at magbubukas ng ekonomiya.
Basta, all the best, Iyay.
You are a survivor. Ang dami mo nang bagyo at hamon na sinuong at napagwagian.
Ipagdarasal ka namin na bumuti ang iyong kalagayan, kasama ng iyong pamilya sa Estados Unidos.
JERRY OLEA
Lampas 600,000 na ang naitalang kaso ng COVID-19 sa ating bansa.
Sa Marso 15, Lunes, ang unang anibersaryo ng community quarantine sa NCR (National Capital Region) at mga kalapit na lalawigan.
Marami-rami sa local showbiz ang nagka-COVID. Ikinalumbay natin na pumanaw ang ilan sa kanila.
May mga personal akong kaibigan at kakilala na na-depress. Hanggang ngayon ay on medication pa sila.
Inspirational ang Facebook post ng kaibigang Ogie Diaz nitong Marso 9, Martes ng hapon.
Aniya, “Mahiya ka sa sarili mo kung nagkaka-eyebags at nagkaka-wrinkles ka na wala ka man lang naa-achieve sa buhay kundi eyebags at wrinkles lang.
“Set your priorities.
“Set your goals.
“Wag mag-attitude in a negative way.
“Masarap pa rin sa pakiramdam yung maraming natutuwa sa iyo at mas maraming nagdadasal para sa yo dahil naging mabuti ka sa kanila, lalo na sa mga tao sa paligid mo na kilalang-kilala ka at silang mga magtatanggol sa iyo kung kinakailangan.
“Kung matagumpay ka sa buhay, iangat mo sila. Kung hindi man nila kaya, gabayan mo sila. O kung feeling mo, mas maalam ka kesa sa kanila, turuan mo sila.
“Wag maramot. Wag puro sarili at para sa sarili lamang ang iisipin mo.
“Sabi nga sa isang kanta, ‘Walang sinuman ang nabubuhay, para sa sarili lamang. Walang sinuman ang mamamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa...’
“Kita mo yan, napakanta ka tuloy....
“Ngiti ka lang habang kaya mo pa, dahil diyan tayo pinakamayaman.”