Hanggang ngayon ay patuloy pa ring inaalala ng kanyang mga tagahanga ang pumanaw na aktor na si Rico Yan.
Si Rico ay kilala rin sa tawag na "Mr. Dimples."
Sa darating na March 14, 2021, ay 46 years old na sana si Rico.
Pero, dahil sa bangungot, namatay ang isa sa hindi matatawarang matinee idols sa showbiz at ng kanyang henerasyon habang nasa bakasyon sa Dos Palmas Resort sa Palawan noong March 29, 2002.
Siya ay 27 taong gulang lamang noon.
RICO YAN’S FAMILY, EDUCATION
Kilala sa totong buhay si Rico bilang Ricardo Carlos Castro Yan.
Siya ay ipinanganak noong March 14, 1975 sa The Medical City, Pasig City.
Si Rico ay mula sa pamilya ng mga negosyante at sundalo.
Ang kanyang lolo na si Manuel Yan ay dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.
Naging ambassador din ng Pilipinas ang kanyang lolo sa Thailand, Indonesia, at United Kingdom.
Ang kanyang mga magulang ay sina Roberto Yan Sr. at Teresita Castro-Yan.
Meron siyang tatalong kapatid: sina Geraldine, Tina, at Bobby Yan.
Si Bobby ay sumubok ding mag-artista at naging TV host ng ilang programa noon sa telebisyon.
Si Rico ay nakapagtapos ng elementarya sa Xavier School noong 1988.
Sa De La Salle Santiago Zobel School sa Ayala Alabang na naman siya nag-graduate sa high school noong 1992.
Nasa huling taon noon si Rico sa De La Salle University sa Maynila bilang marketing management student nang aksidente siyang madiskubre ng isang talent scount.
Sabi niya sa panayam ng dating public affairs program ng ABS-CBN na Pipol, “I was eating in one of the fast foods in La Salle.
"A talent scout came over asking if I want to be a commercial model. Sabi ko, ‘Yeah, right.’
"Because pumipila ako, and he just comes over. So akala ko ginu-good time ako nito."
CAREER
Naging household name ang pangalan ni Rico dahil sa sikat na sikat niyang astringent commercial noon na may tagline na "sikreto ng mga guwapo.”
Masuwerte namang kasama sa screening committee ng kanyang first TV commercial ang noo’y star builder at ABS-CBN Talent Center big boss na si Johnny “Mr. M” Manahan.
Noong November 1995, kabilang si Rico sa inilunsad na Star Circle Batch 1 ng ABS-CBN Talent Center, ang dating talent management arm ng ABS-CBN na ngayon ay kilala bilang Star Magic.
Bukod sa kanya, kabilang din sa nasabing batch sina Victor Neri, Regine Tolentino, Cholo Escano, Jackie Manzano, Maricel Morales, at Trisha Salvador.
Taong 1996, nakatambal ni Rico si Judy Ann Santos sa youth-oriented series na Gimik.
Kabilang din sa cast ang ibang promising talents ng Star Circle na sina Jolina Magdangal, Marvin Agustin, Diether Ocampo, Mylene Dizon, Bojo Molina, Diego Castro, at Giselle Toengi.
Ilan sa mga pinagbidahan niyang prime-time series katambal ang kanyang reel-and-real-life sweetheart na si Claudine Barretto ay ang Mula Sa Puso (1997-1999) at Saan Ka Man Naroroon (1999-2000).
Sumikat din ang matinee idol sa mga pelikulang Dahil Mahal Na Mahal Kita (1998), Kay Tagal Kang Hinintay (1998), Mula Sa Puso: The Movie (1999), Gimik: The Reunion (1999), at Got 2 Believe (2002).
RICO-CLAUDINE LOVE STORY
Taong 1998 noong opisyal na naghiwalay sina Claudine at ang boyfriend niyang si Mark Anthony Fernandez.
Ang sumunod na naging karelasyon ni Claudine ay si Rico.
Nagkamabutihan ang dalawa sa set ng Dahil Mahal Na Mahal Kita (1998).
Bagamat nagkakatambal na sila dati sa mga pelikulang Radio Romance at Madrasta (1996), at Flames The Movie (1997), ito ang unang pagkakataon na pareho silang single at available.
Matagal nang hiwalay si Claudine kay Mark, at si Rico naman ay kakakalas lang sa long-time non-showbiz girlfriend nito.
Agad daw nahulog noon ang loob ni Rico kay Claudine dahil, ayon na rin sa mga nakakakita sa kanya sa industriya, ay likas na malambing ang aktres.
March 4, 1998, noong opisyal na naging magkasintahan ang dalawa.
Itinuring silang ideal couple ng publiko, bagamat may agam-agam na noon ang ilang industry insiders, dahil sa mga samu’t saring intrigang kumakapit sa kanila.
Inakala ng kanilang mga tagahanga na sila na ang magkakatuluyan.
Inilarawan pa ni Claudine si Rico na balang araw ay magiging isa itong “perfect husband” at “perfect father.”
Kaya’t ikinagulat ng lahat nang pumutok ang balitang naghiwalay sila noong March 4, 2002, mismong araw ng fourth anniversary nila bilang magkasintahan.
Hindi inakala ng marami na may pinagdaanan ang dalawa dahil sweet na sweet pa sila sa telebisyon habang nagpu-promote ng pelikulang Got 2 Believe, ilang linggo lang ang nakakaraan.
Ang hindi alam ng marami, matagal nang nagkakaproblema sina Rico at Claudine.
Diumano, may matitinding pinag-awayan ang dalawa ngunit kailangan nila itong itago sa publiko, dahil na rin nasa mga sinehan pa ang kanilang pelikula.
RICO YAN'S DEATH
Ilang linggo matapos ang kontrobersiyal nilang away at hiwalayan, pumanaw si Rico noong March 29, 2002, habang nagbabakasyon sa Dos Palmas Resort sa Palawan.
Ang itinuturong dahilan ng kanyang pagkamatay ay cardiac arrest due to acute hemorrhagic pancreatitis o bangunot.
Mabilis na kumalat noon ang balita tungkol sa kanyang kamatayan dahil uso na noon ang text messaging.
Inilipad ang bangkay ni Rico sa isang military plane mula sa Puerto Princesa patungong Maynila.
Sa isang live report nito, makikitang nasa likod ni Karen Davila ang bangkay ni Rico na nakabalot ng kumot na puti.
Naging national issue ang kanyang dagliang pagpanaw dahil sa kanyang kasikatan.
Palabas pa rin noon sa mga sinehan ang Got 2 Believe, ang blockbuster movie ni Rico at ng ex-girlfriend niyang si Claudine na nagbukas sa mga sinehan noong February 22, 2002.
Dahil sa untimely demise ni Rico, extended sa mga sinehan ang pelikula nila ng ex-girlfriend.
Ibinurol ang mga labi ni Rico sa La Salle Greenhills.
Dinagsa ng mga tao ang kanyang lamay gayundin ang kanyang libing sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Live ding napanood sa ABS-CBN ang paghahatid sa huling hantungan ng aktor.
Pinamagatan nila ang special coverage na Paalam, Rico.
Nadamay pa nga noon sa issue ang sexy star at Startalk host na si Rosanna Roces dahil sa kanyang pahayag sa live telecast ng show na drug-related at hindi bangungot ang ikinamatay ng aktor.
Dahil sa kanyang ispekulasyon, binatikos nang husto si Rosanna kaya pansamantala siyang pinagpahinga sa Startalk ng GMA management.
Pero base sa autopsy report ng Philippine National Police, negatibo sa droga ang katawan ng namayapang aktor.
THE RICO-CLAUDINE FALLOUT
Sa May at July 2002 issues ng YES! Magazine, isiniwalat ng number one showbiz magazine noon ang buong detalye ng mga kontrobersiyang nakapalibot sa hiwalayan nina Rico at Claudine, hanggang sa kamatayan ni Rico.
Isa sa mga tinalakay ng magasin ay ang insidente kung saan nagkasakitan diumano sina Rico at Claudine, noong gabing ipagdiriwang sana nila ang kanilang 4th anniversary.
Mas lalo pa raw itong lumala nang ihatid ni Rico si Claudine sa LPL Tower, ang condominium na tinitirhan ng aktres noon.
Ang nasabing insidente ang pinagmulan ng balitang balak daw kasuhan ni Claudine si Rico ng physical abuse.
Pero hanggang sa kanyang huling sandali, pinanindigan ni Rico na kahit kailan ay hindi niya pisikal na sinaktan ang dating kasintahan.
Bago pa man humantong sa demandahan, pilit na pinag-ayos ang dalawa sa isang meeting, na dinaluhan ng noo’y ABS-CBN Talent Center vice-president na si Mr. M at ang spiritual advisor ni Rico na si Father Tito Caluag.
MOVIES
1996
- Radio Romance
- Ama, Ina, Anak
- Madrasta
1997
- Paano ang Puso Ko?
- Home Along da Riles da Movie 2
- Flames: The Movie
1998
- Dahil Mahal na Mahal Kita
- Kay Tagal Kang Hinintay
1999
- Mula Sa Puso: The Movie
- Gimik: The Reunion
2002
- Got 2 Believe
TELEVISION
1995-2002
- ASAP
1996-1999
- Gimik
- Mara Clara
- ‘Sang Linggo nAPO Sila
1997
- Esperanza
1997-1999
- Mula Sa Puso
1999
- Kulturang Handog Para sa Bayan
- Flames
1999-2001
- San Ka Man Naroon
2001
- Laki sa Laya
2001-2002
- Whattamen
- Magandang Tanghali Bayan (MTB)
FILM, TV, OTHER AWARDS
1997
- Best Male Star, Kislap Magazine
- Best Male Star, Movie Star Magazine
- Most Popular Young Male Star, Movie Star Magazine
1998
- Most Popular Love Team, Rico Yan and Judy Ann Santos (Pabonggahan sa Moviestar '98)
- Parangal ng Bayan/People's Choice Awardee, People's Choice Philippines
- Medal of Honor, KASAMA Foundation
- Gawad KKK Outstanding Youth in the Field of Entertainment, National Centennial Commission
- Official DECS-CSCA Spokesperson and Role Model for Students and Youth, Department of Education Culture and Sports – CSCA
1999
- Philippine National Red Cross Pledge 25 Spokesperson, Philippine National Red Cross
- FAMAS Youth Achievement Award, FAMAS
2001
- Youth Ambassador, Philippine Youth
2003
- Best Actor (Got to Believe), FAMAS