Idinismis ng San Juan Prosecutor's Office ang libel case na isinampa ng aktres na si Sunshine Cruz laban sa entertainment columnist na si Jojo Gabinete limang buwan na ang nakararaan. Kasama rin sa mga inakusahan ni Sunshine ang sister-in-law niya na si Ma. Mercedes "Ched" Manhilot-Cantu, kapatid ng asawa niyang si Cesar Montano. (Click here to read related article.)
Ang kaso ay dulot ng alitan sa pagitan nina Sunshine at Ched, kung saan ang una ay naakusahan ng pagpapalayas sa ina ni Cesar mula sa kanilang tirahan.
Sa ulat ng PEP noong Hunyo 23, ipinaliwanag ng abogado ni Sunshine, si Atty. Bonifacio Alentajan, kung bakit sinampahan din ng kasong libelo si Jojo Gabinete. Ayon kay Atty. Alentajan, inulit daw kasi ni Jojo sa column niya sa Abante ang mga sinabi ni Ched sa interview nito kay Ricky Lo sa programa nitong Ricky Lo Exclusives sa QTV 11. Nakasaad sa batas na puwede ring idemanda ang isang manunulat dahil sa pag-uulit ng mga kasiraan ng binitawan ng ibang tao laban sa kapwa niya.
Samantala, sa counter-affidavit naman na isinumite ni Jojo, idinipensa niya na ang nasabing pag-uulit sa Abante ay paglalahad lamang ng nasabing interview at walang halong komento.
Sa resolusyong inilabas ng San Juan Prosecutor's Office, napagdesisyonan ng city prosecutor na i-dismiss ang kaso laban kay Jojo dahil sa "insufficiency of evidence amounting to lack of probable cause."
Sa kabilang banda, patuloy pa rin naman ang kaso laban sa hipag ni Sunshine. Nakasaad sa resolusyon na "defamatory" ang binitiwang salita ni Ched sa interview niya. Dito, sinabi niya na nakatira sa tahanan nina Cesar at Sunshine sa Quezon City ang kanilang ina na si Mrs. Emma Manhilot, pero pinalayas ito ng aktres.
Bukod sa kasong libelo, nagrekomenda din ng P10,000 piyansa ang San Juan Prosecutor's Office para sa panandaliang paglaya ng akusado. Sa kasalukuyan ay nakabase na sa Italy si Ched.