Tila inatake na naman ng nerbiyos si Snooky Serna dahil sa gitna ng celebration ng kanyang 43rd birthday, kung saan nagkaroon siya ng simple gathering sa Mom and Dad's Resto sa Sunset Strip ng SMX Mall of Asia noong isang gabi, dumaing ito sa ilang kaibigan na nagdudumi raw ito nang may dugo.
Actually, very casual ang pagkakasabi ni Cookie pero maaaring nag-over-react siya noon. Sa phone interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kanina, April 6, sa very close friend ng aktres na nali-link sa kanya, ang businessman na si Jun de Vera, nasabi nitong false alarm ang ipinagpapalagay ni Cookie na maaaring serious health problem.
"There's nothing like that," sabi ni Jun. "Actually, may monthly period si Snooky kaya ganoon. Nataon na nagka-diarrhea siya, and she thought, may problema ang katawan niya dahil naghalo ang dumi at wee-wee niya, na siyempre, may blood kasi nga, may monthly period siya.
"Pero, there's nothing serious. Naka-attend pa nga siya ng birthday party niya, di ba?" sabi pa ng sinasabing misteryosong lalaki sa buhay ni Cookie.
Ang medyo pino-problema ni Snooky ay ang ina niyang si Mila Ocampo. Sa website ng aktres, naroroon ang ilang larawang nagpapakita ng health condition ng kanyang ina. Ayon pa kay Jun de Vera, nagkakaroon na nga raw ng rashes o sakit sa balat ang dating showbiz personality.
Labas-masok sa Makati Medical Center noon si Tita Mila dahil sa lumalalang sakit nito na emphysema. Ayaw na lang mag-elaborate ni Cookie tungkol dito, at para sa kanya, life has to go on.
Ani Snooky during her birthday party, "Mas marami na kasi akong responsibilities ngayon. Thank God, ang walang katapusan yatang pagsubok sa buhay ko ay nakakayanan ko. If there's something na hindi masyadong magandang nangyayari, through the blessings of God, may mga tumutulong para malagpasan ko ang mga problema.
"May perfume ako na partnership with a company, yung Fragrance of the Stars, may four outlets na kami, they are all in SM malls. Mayroong semi-precious stones being sold through the Internet. Soon, baka mag-open ako ng boutique para may showroom for that, lalo na roon sa hindi nakagagamit ng Internet, they can avail of my products.
"May manpower pa kami, tumutulong ako roon...Nagpapaalis kami ng OFWs. Hindi kami rito sa Pilipinas nag-e-employ, puro sa ibang bansa, mayroong sa Saudi Arabia, Malaysia, Cyprus. Recently nga, sa Lebanon, dahil na-lift na ang ban doon ng OFWs at puwede na muling tumanggap uli roon...May mga trabaho na kasi.
Medyo natigilan si Snooky matapos sabihin ang kanyang mga pinagkakaabalahan.
"Parang ang yabang ko ba? Tinatanong kasi ako kung ano ang pinagkakaabalahan ko, at saka hindi naman ako active sa showbiz, maliban sa ibang indie productions na nasasalihan ko," paliwanag niya.
Nakalimutan pa nga raw banggitin ng aktres yung Essenxa Spa, na naka-acquire sila ng franchise for that, located sa may Tambo, Parañaque. Partner daw nila riyan si Mary Mae Victorino.
Ano ba ang rason ng pagbangong muli ng aktres na dating napabalitang naghihirap?
"Hindi naman sa nagpapaka-self-righteous, I just believe kasi in the power of faith," nasabi na lang ng dating child star. "Basta, pray na lang ako. Sabi siguro ni God, marami na akong kamalasang napagdaanan, enough na...Three years old pa lang ako, nagtatrabaho na ako. May mga naranasan akong hindi dapat napagdaanan ng isang batang ganoon ang edad, parang ito na yung reward ko. Naku, baka maiyak ako!"
Open book ang buhay ni Snooky, mula sa paglubog at pag-ahon niya mula sa kahirapan, lalo na noong down na down siya na sumasakay na lang ng tricycle at jeepney para makarating sa gustong puntahan.
"Hindi naman talaga ako naniniwala sa mga signos, pero yung '8' sa 2008, nagbigay sa akin ng better luck talaga," ani Snooky. "Hindi naman ako naniniwala sa mga 7 years of bad luck, pero, may nakita akong pattern na ganoon. Kasi, nagsimula yung sunud-sunod na problema sa akin simula noong 2000 hanggang 2006.
"Naospital pa ako twice, at mukhang muntik na akong mamatay. One time, nagka-ectopic pregnancy pa ako, 2005 yun. The next year, I was hospitalized again. Nag-internal bleeding pa ako.
"Mayroon pa ring mga pagsubok ngayon, pero hopefully, mas matatag ko nang nahaharap at mas maluwag dahil naririyan yung mga sumusuporta, at gumaganda rin naman talaga ang buhay ko. Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos para sa lahat ng 'yan,"masayang pahayag ni Snooky.