Ginanap kahapon ng umaga, April 24, sa Branch 226 ng Quezon City Regional Trial Court ang unang hearing para sa P7-million Damages with Application for Writ of Preliminary Injuction suit na isinampa ni Ms. Wilma Galvante, SVP for Entertainment TV ng GMA-7, at ng asawa nitong si Mr. Eleuterio Galvante laban sa talent manager na si Annabelle Rama.
Napuno ang loob at labas ng annex ng QC RTC dahil sa pagdagsa ng mga artista, executives, managers, directors, writers, at supporters upang maipakita ang kanilang suporta kay Ms. Galvante.
Kumpleto ang iba pang lady executives ng Kapuso network na kinabibilangan nina Marivin Arayata, Lilybeth Rasonable, Darling de Jesus, Bang Arespacochaga, Redgie Magno, Ida Henares, at iba pa.
Naroroon din ang ilang sa mga artista ng GMA-7 na sina Marian Rivera, Dennis Trillo, Iwa Moto, Butch Francisco, Rich Asuncion, Victor Aliwalas, Paulo Avelino, Vaness del Moral, at Jace Flores; pati na ang GMA resident directors na sina Louie Ignacio, Mac Alejandre, at Jun Lana.
Kulay puti ang suot nila bilang suporta sa lady executive ng GMA-7, na maagang dumating sa sala ni Presiding Judge Leah Domingo Regala. Ayon kay Ms. Galvante, hindi niya inaasahan ang pagdating ng kanyang mga kasamahan at pati na ang mga artista sa first hearing ng kasong isinampa nila ng kanyang asawa.
Hindi pinapasok ng security ang mga TV crew na gustong i-cover ang pagdinig sa kaso. Ipinabawal din ang cell phone sa loob ng courtroom.
THE ARTICLES. Hiniling ni Atty. Alfred Villamor, ang abogado ni Ms. Galvante, sa korte na i-subpoena (Request for Issuance of Subpoenae Duces Tecum and Ad Testificandum) ang mga entertainment reporters na makapagpapatunay na sila ang sumulat at nag-report ng mga sinabi ni Annabelle sa interviews sa kanya.
Kabilang sa affidavit na isinumite ni Ms. Galvante kaugnay ng demanda niya laban kay Annabelle ang mga artikulong nailathala sa mga pahayagan at sa Internet, partikular na rito sa PEP (Philippine Entertainment Portal), at ang TV at radio interviews ni Annabelle.
Ang mga ipinatawag na mga entertainment reporters ay sina Reggee Bonoan ng Pinoy Parazzi at Balita; Salve Asis ng Pilipino Star Ngayon; Butch Roldan ng Taliba; Allan Diones ng Abante Tonite; Yani Bautista ng Startalk; Ogie Diaz ng Wow! Ang Showbiz! radio program sa dwIZ; Mario Dumaual at Marie Lozano ng ABS-CBN; Dinno Erece, Erwin Santiago, at ang writer na ito (Jojo Gabinete) para sa PEP.
Sa sampung reporters na pinadalhan ng subpoena, lima lamang ang sumipot sa sala ni Judge Leah Regala. Sila ay sina Erwin Santiago, Dinno Erece, Butch Roldan, Yani Bautista, at ang writer na ito.
Dumating din si Ogie Diaz ngunit umalis din siya agad at iniwan na lamang ang tape ng radio interview niya kay Annabelle. Sina Reggee Bonoan at Salve Asis naman ay nagpadala na lang ng representatives.
Hindi ikinatuwa ni Judge Regala ang hindi pagsipot ng ibang pinadalhan ng subpoena kaya nagsalita siya na magpapalabas siya ng arrest warrant. Pero dahil walang ibinigay na motion ang mga legal counsel nina Galvante at Rama, padadalhan na lang uli ng subpoena ang mga hindi nakarating.
Pinagalitan din ni Judge Regala ang empleyado ng Balita na nag-represent kay Reggee Bonoan dahil hindi ito ang ipinatatawag ng korte, kaya wala raw siyang karapatan na manatili sa loob ng courtroom.
Sa pamamagitan ng korte, hiniling ni Atty. Villamor na dalhin ng mga reporter ang kopya ng kanilang mga isinulat na magpapatunay na nakausap nila si Annabelle at sila ang may-akda ng mga artikulo.
Ang mga artikulo at alleged text messages na natanggap ni Ms. Wilma mula kay Annabelle ang gagamitin nilang mga ebidensiya sa kaso na isinampa laban sa huli.
THE HEARING. Siyam na kaso ang dininig ni Judge Regala kahapon at pang-siyam ang Galvante-Rama case. Alas-otso y medya ng umaga nang mag-umpisa ang pagdinig sa mga kaso, pero 11 a.m. na nang maisalang sa witness stand si Ms. Galvante.
Bago nag-umpisa ang direct examination ni Atty. Villamor kay Ms. Galvante, hiniling ng abogado ni Annabelle na si Atty. Agnes Maranan kay Judge Regala na palabasin muna ng courtroom ang mga ipina-subpoena ng korte.
Mag-aalas-dose na nang matapos ang pagtatanong ni Atty. Villamor kay Ms. Galvante. Dahil sa kakulangan ng oras, hindi natapos ang direct examination sa lady executive ng GMA-7.
Ipagpapatuloy ang pagtatanong ni Atty. Villamor kay Ms. Galvante sa June 26, ang napagkasunduan na petsa ng magkabilang-panig para sa second hearing.
Tiniyak ni Atty. Villamor na maagang ipadadala ang mga subpoena sa mga hindi nakarating para makasipot na sila sa June 26 hearing.
Pagkatapos ng hearing ay nakausap ni Nelson Canlas ng GMA News si Ms. Galvante. Sabi ng lady executive, "I'm also affected but we have to go through the process already... I'm doing this for our integrity—my integrity, the integrity of my family, my husband."
WHERE IS ANNABELLE? Hinanap ni Judge Regala si Annabelle Rama, pero tinanggap niya ang paliwanag ni Atty. Maranan na hindi pa kailangan ang presence sa korte ng kanyang kliyente.
"Sa Injunction [case] pa lang ang hearing. It's a regular case. Hindi pa required ang presence ni Annabelle. I knew, may lakad siya," ani Atty. Maranan sa PEP.
Ipinaliwanag ni Atty. Maranan na standard operating procedure (SOP) na pinalalabas mula sa courtroom ang mga witness para hindi sila maimpluwensyahan ng testimony ng nakaupo sa witness stand.
Idinagdag pa ni Atty. Maranan na kapag natapos ang direct examination ni Atty. Villamor kay Ms. Wilma sa June 26, sisimulan na niya ang cross-examination sa susunod na hearing.
Kasabay ng hearing ng kaso ang parangal sa anak ni Annabelle na si Richard Gutierrez. Personal na tinanggap ni Richard mula kay Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ang Fr. Neri Satur Award for Environmental Heroism at ginanap ito sa NBN 4 compound sa Quezon City.
Ipinagkaloob kay Richard ang Fr. Neri Satur Special Citations for Media and Culture dahil sa kanyang advocacy ng pagpapalaganap ng awareness tungkol sa masamang epekto sa mundo ng climate change at pagiging celebrity spokeperson ng Greenpeace.
Pinuri ang "efficient hosting" ni Richard sa Signos: Banta ng Nagbabagong Klima, ang kauna-unahang full-length Philippine documentary ng GMA News and Public Affairs tungkol sa global warming na ipinalabas sa TV noong April 20, 2008.
Sinamahan ni Annabelle ang kanyang anak sa pagtanggap ng award. Nangako siya na dadalo sa hearing ng kaso nila ni Ms. Wilma sa June 26.
Sa panayam sa kanya ng 24 Oras, nakunan ng reaksiyon si Annabelle tungkol sa isinagawang hearing noong umagang yun. Ito ang maikling pahayag ni Annabelle: "Sana, Wilma, magsabi ka lang ng totoo para magkaroon ka ng peace of mind."