Maluha-luha sa tuwa ang mahusay na mang-aawit na si Dulce dahil sa mga papuring natanggap niya sa pagganap niya bilang ang mayordomang si Ester sa Chito Roño musical na Emir.
Sa red carpet premiere na naganap sa SM Megamall last Monday, June 7, pinalakpakan ang performance ni Dulce, lalo na ang duet nila ng bida na si Frencheska Farr.
First time gumanap si Dulce ng isang full-length role sa movie at nagpapasalamat siya sa mga magagandang reviews na natanggap niya. Sabi-sabi'y siguradong mano-nominate si Dulce for Best Supporting Actress next year.
ROLE ONLY FOR DULCE. Muntik nang di tanggapin ni Dulce ang role. Hindi nga raw kasi siya artista at tama nang nakilala siya bilang isang singer.
"Nahihiya kasi ako," ngiti pa ni Dulce. "Kasi nga, hindi naman tayo artista talaga. Nakilala ako as a singer, pero nakakapag-guest ako before sa mga pelikula. Pero isang eksena lang, yun lang talaga.
"Ito kasing Emir, buong pelikula nandoon ako kaya nakakakaba, tapos si Chito Roño pa ang magdirek. Tapos ang choreographer namin ay si Douglas Nierras. Parang di ko kaya! Baka di ako makaarte at makasayaw!
"But I prayed na bigyan ako ng strength to do the role of Ester. May mga expectations na kasi kaya bahala na si Lord sa akin. I will do my best na lang."
According to Direk Chito, wala raw puwedeng gumanap sa role na Ester kundi siya lang kaya na-convince niya si Dulce na tanggapin ang role.
"Pinagdasal ko naman lahat 'yan. At mukhang maganda naman ang sign sa akin na tanggapin ko ang Emir. Flattered ako when Direk Chito said na when he read the script, ako raw ang pumasok sa utak niya to play the role of Ester. I was so touched.
"Kaya nagpapasalamat nga ako dahil ang ganda ng pagtatrabaho namin sa pelikula. Lahat kami ay nag-enjoy at talagang pinaganda namin ang kalalabasan ng mga eksena.
"Nagpapasalamat ako kay Direk Chito na naging patient sa akin. Alam niyang di ako sanay, pero nandiyan siya at tinulungan niya kaming lahat," ngiti niya.
PRAISE FOR FRENCHESKA. Puring-puri naman si Dulce kay Frencheska Farr. Nagulat raw siya rito dahil para raw hindi baguhan na artista.
"Hindi ako makapaniwala na first time niyang aarte sa pelikula. Magaling siya and she's the real star of Emir.
"Talagang pinahanga niya kami sa boses niya, sa ganda niya at sa pagiging mabait niyang katrabaho. Kaya I will not be surprised if she receives an award for this movie because she really amazed us all.
"Sana mabigyan pa siya ng maraming magagandang projects dahil mahusay ang batang 'yan. No doubt, para kay Frencheska itong Emir," diin pa ni Dulce.
Isa pang dahilan kung bakit tinanggap ni Dulce ang Emir ay maraming mga Pinoy overseas workers (OFWs) ang makaka-relate sa kuwento nito.
"Maraming mga kababayan natin sa buong mundo ang naghihirap na magtrabaho para lang sa mga pamilya nila rito. Dapat natin silang hangaan dahil sa sakripisyo na ginagawa nila para lang kumita ng pera pero malayo sila sa mga mahal nila.
"This musical is for them, para sa kanilang mga tinatawag nating mga bagong bayani. Alam namin ang lungkot at hirap na pinagdadaanan nila kaya dapat lang silang saluduhan at bigyan ng importansya through this musical," pagtatapos ni Dulce.
Nabigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board ang Emir. Ang ibig sabihin nito'y may 100 percent rebate on amusement tax ang pelikula.
