Higit sa 10 episodes na ang nagagawa ni Direk GB Sampedro sa Sunday showbiz talk ng TV5 na Paparazzi, hosted by Cristy Fermin, Dolly Ann Carvajal, Mo Twister, at Ruffa Gutierrez.
Mula sa bakuran ng ABS-CBN, lumipat siya sa TV5, at sa panayam niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal), sinabi niyang "masaya" siya sa desisyon niyang ito.
"Masarap kasi yung naka-experience ka ng bagong katrabaho... No'ng nag-TV5 ako siyempre, bagong mundo. No'ng una siyempre mahirap, nangangapa ka... Siyempre, comfort zone na sa akin ang Channel 2, dahil more than three years ako doon," paliwanag niya.
Ang description nga niya, "Para kang papalaot sa isang bagong lugar..."
Sa ABS-CBN, ang una niyang directorial job ay sa Real Pinoy Fighter, isang mixed martial arts show. Nasundan ito ng Homeboy ni Boy Abunda, at napalitan ng Boy & Kris. Siya rin ang nagdirek ng Ruffa & Ai at nabigyan ng pagkakataong magdirek ng light dramas sa Your Song at Precious Hearts Romances.
DIFFERENT WORLDS. Paano siya napasok sa TV5?
"Nag-alok lang sila sa akin kung puwede akong gumawa ng isang talk show. No'ng time na yun, wala na akong Ruffa & Ai... mga bandang October... Nagpi-Precious Hearts ako early this year, tinawagan na ako at kinumusta na ako sa posibilidad ng Paparazzi. Siyempre, kinonsulta ko si Tito Boy [Abunda] tungkol doon. Wala naman kaming nakitang conflict kaya tinanggap namin."
"Magkaiba, totally magkaiba," ang sabi niya sa work experience niya sa dalawang istasyon. At ito'y wine-welcome niya. "Masaya ako sa aspeto na may bago akong grupong makakasama, may bago akong taong makikilala. Open kasi ako sa gan'on. Kahit sa production, gusto ko sa iba-ibang grupo ako kaya hindi lang ako nag-i-stick sa TV lang. Gusto ko nagku-concert ako, nagmu-music video ako, nagku-commercial ako, nag-i-events ako..."
Bagamat natsitsismis na malakas ang pulitika sa Kapamilya network, hindi matukoy ni Direk GB ang isyu kung ang pagbabasehan ang sarili niyang karanasan.
"Hindi ko masabi kung anong ibig sabihin ng pulitika, e, kung palakasan ba sa trabaho, ganyan?" pagtatanong niya.
Kinakailangan daw kasi ng matinding pakikisama at sipsipan para magkaroon ka ng maraming trabaho.
"Hindi ko na-experience yung ganyan," sabi ng direktor. "Hindi kasi ako parang dito lang ako, e. Kumbaga, kung may show sila sa akin, salamat. Pag wala, pag medyo bakante ng konti, trabaho naman sa labas. Hindi siguro ako puwedeng pumirmi sa trabaho lang dahil nabu-bore ako."
PRESSURE TO SUCCEED. Aminado naman si Direk GB na mas matindi ang pressure sa Kapamilya network kaysa sa nilipatan niya.
"Siyempre, mahigpit ang kumpetisyon sa ratings, sa mga kalabang programa. Talagang matindi ang pressure, mas matindi doon. Though, matindi rin naman ang pressure dito [TV5] na paangatin yung show, kailangang maganda ang produkto mo. Kaya lang doon, kaya masasabing ramdam mo ang pressure gawa nang nandoon na yung ABS, e, GMA... inabutan na ng TV5 na nagku-compete na sila... Meron na silang pinuproteksyunang ratings, image, 'yan."
Per show ang pinirmahang kontrata ni Direk GB sa TV5 kaya hindi siya esklusibong direktor ng network.
"Pero respetuhan din 'yan, e... Na-encounter ko yan no'ng tinanggap namin ni Tito Boy itong Paparazzi, na parang there was a point na kailangan ko raw talagang mamili, which ako noong una, hindi ko talaga kailangang gano'n talaga.
"Hindi ka pala talagang kumu-cross over sa isang istasyon. Kasi akala ko, understanding namin, okey lang. Hindi pala gano'n. Ako naman, nirerespeto ko yung ano ng management ng ABS-CBN, na hindi puwede. Kung hindi puwede, ako naman, hindi ko naman ipipilit. Nagkataon lang na nagkaroon ako ng option na mamili. Hindi ko naman pinili ang TV5 over ABS...
"No'ng nag-usap kami ni Direk Loren [Dyogi] na papunta nga ako ng TV5, ako, ayoko talagang mamimili, pero since kailangang mamili, gusto ko lang i-try, sabi ko, hoping na hindi mag-work dito, hindi naman tayo naghiwa-hiwalay nang may samaan ng loob."
Hindi masasabi ni Direk GB na nabakante siya nang matagal sa Kapamilya network kaya nagdesisyong siyang lumipat sa TV5. At the time, inaayos na nila ang series ni Cristine Reyes para sa Precious Hearts Romances.
Hindi naman daw siya pinabayaan ng Kapamilya network dahil habang hinihintay ang series ni Cristine, ipinadirek sa kanya ang Precious Hearts episode nina Mariel Rodriguez at Zanjoe Marudo na "Love Is Only In The Movies." Magkasintahan pa noon ang dalawang artista.
Dapat sana raw ay magiging assistant director si GB ng Impostor nina Maja Salvador at Sam Milby, pero pumasok na yung alok ng Paparazzi sa kanya.
Wala ba siyang pagsisisi dahil pinakawalan niya ang mas malaking opportunity sa Kapamilya network?
"Wala naman kasi pag nagdesisyon ako, kailangang panindigan ko yung desisyon ko. Siyempre, aaminin natin na nakakapanghinayang din na nawala ako sa ABS. Pero balang araw, makakapagtrabaho rin ako sa kanila," sagot niya.
LIFE WITH CANDY. Sa usaping lovelife, wala naman daw problema sa kanila ng kasintahan niyang si Candy Pangilinan.
"Time management lang... Ako kasi, pag nasa isang relationship, I see to it na binibigyan ko ng importansiya yung partner ko. Binibigyan ko siya ng time, whatever time na meron ako. Kunwari kahit simple text, simple na tawag... Every time na may chance na magkita, nagkikita naman kami... Ang hilig lang namin manood ng mga pelikula... Pero lumalabas din kami, nanood din ng sine, kumakain sa labas. Pero mostly pag lumabas kami at nagdi-dinner kasama ang family niya, minsan pag may chance, yung family ko."
More than a year na raw sila ni Candy at ang maayos nilang pag-uusap ang isa sa dahilan kung bakit click sila.
"Okey kaming mag-usap... Magaan, gusto ko yung magaan lang. Siyempre, hindi mo maiwasan na nagkakaroon kayo ng problema. Actually, mga simple lang. Magsisimula lang sa hindi nasagot na tawag. Kahit ako naiinis ako pag hindi siya sumasagot sa text, sa tawag. Mga gano'n lang, mga simple lang."
Base sa natatandaan ni Direk GB, naging malapit sila ni Candy sa programa niyang Boy and Kris.
Kuwento niya, "Nag-guest siya sa Boy and Kris. Nagkaroon ng idle time. Siya lang ang guest na nandoon, tapos naghihintay lang kami ng take. Yun, kuwento-kuwentuhan. Pero wala pala talaga kasi ang interest lang naman nagsisimula kapag nagkasundo kayo sa pinag-uusapan, yun ang unang basehan. Pag hindi kayo nagkasundo sa unang usapan, parang useless."
Ramdam naman ni Direk GB noong mga panahong iyon na okey sila ni Candy. Pero ayon sa kanya, noong hiningi na niya ang number ng komedyana, doon na siya nagkaroon ng interes dito.
"Kasi noong una, hindi ko ugaling kumuha ng number din...kahit yung mga guest dito o sa kahit na anong show ko, 'Anong number mo? Sige, text-an tayo.' Unless may pag-uusapan kayong importante. No'ng mga second time na nagkita kami ni Candy after ilang weeks, nagkita kami sa Boy and Kris rin uli, guest rin yata siya. Ayun nga, nagtuluy-tuloy na, nagti-text na kami sa isa't isa."
Natatandaan pa ni Direk GB kung saan ang una nilang date ni Candy.
"Sinundan ko siya na tumatakbo siya sa UP [University of the Philippines], nagdya-jogging siya sa UP. Tinanong ko siya kung ano ang ginagawa niya? Tumatakbo raw siya. Tinanong niya ako kung ano raw ang ginagawa ko? Sabi ko wala. Sabi ko, 'Kung gusto mo punta ako diyan.' Ayun, dumaan lang ako sa kanya."
MARRIAGE PROPOSAL. Nag-propose si Direk kay Candy noong nakaraang taon. Ipinaliwanag niya kung bakit.
"Kasi seryoso ako sa relasyon. Hindi naman tayo bumabata. Siyempre, gusto mo na rin na may kasama ka sa buhay, hindi yung nag-iisa ka lagi. Mga six months na kami noon. Saka dumating yung time na close na ako sa family niya, sa daddy niya, sa mommy niya, sa mga kapatid niya. So, parang yun na yun, e, parang senyales na yun...
"Pero hindi mo pa rin alam kung ano ang mangyayari sa mga darating na araw, e. Sa ngayon kasi, wala pa yung church annulment namin pareho. Kami, gusto namin sana na matapos na yung church annulment," sabi niya.
Hiwalay si GB sa una niyang asawa at talent manager na si Maristel Sampedro, mga tatlong taon na ang nakararaan. May tatlo silang anak. Si Candy naman ay separated kay Gilbert Alvarado, at may isa silang anak.
Actually, pareho nang pinawalang-bisa civilly ang kanilang mga kasal noong 2008 pa. Ang hinihintay na lang nila ay ang annulment ng mga kasal nila sa simbahan.
Last November daw nag-propose ng kasal si Direk GB kay Candy, pero wala pa raw silang detalye.
"Wala pang konkretong plano," sabi niya. "Pero ano lang yun, e, parang masarap din yung long engagement kasi alam ninyo sa isa't isa, secured kayo sa isa't isa na kayo."
Umaasa lang si Direk GB na hindi lumamlam ang relasyon nila ni Candy lalo't wala pang malinaw na detalye ang pinaplano nilang kasal. Ayaw raw niyang muling maranasan ang nangyari sa unang niyang kasal.
Manager ngayon ni Jaya ang dating asawa ni Direk GB, at ayon sa kanya, maayos naman ang relasyon nila ni Maristel.
Pero pagdating sa mga bata, nakakasama na ba ni Candy ang mga ito sa lakaran?
"Hindi pa," pag-amin ni Direk GB. "Siyempre, kailangan yung tamang timing. Mahirap biglain yung mga bata, though alam naman ng mga bata yung existence ni Candy sa buhay ko. There are times na nakakausap nila si Candy sa telepono or kasama ko sila. Tumatawag si Candy, nakakausap nila. Pero yung talagang nag-bonding, hindi pa. Hopefully soon."
Open naman daw siya sa kanyang mga anak kaya kapag nag-uusap sila at nababanggit si Candy, hindi niya ito itinatago.
Magti-thirteen years old na ang panganay ni Direk GB, sumunod ay eight years old, at ang bunso niya ay six.
Hindi naman umiwas si Direk GB sa pang-uusisa namin tungkol sa nauna niyang kasal at kung bakit hindi ito nag-work.
"Siguro may point na kapag hindi talaga nagkakasundo, mahirap ipilit," ang sagot niya.
