Dating varsity basketball player ang baguhang artista na si Carlo Gonzalez. Pero gaya ng mga pinsan niyang sina Dingdong Dantes at Arthur Solinap, he eventually gave in sa tawag ng showbiz.
Wala pang one year sa showbiz si Carlo, pero masaya naman daw siya sa projects na nagagawa niya. Una siyang napanood sa Stairway to Heaven nina Dingdong at Rhian Ramos; nasundan ito ng Langit sa Piling Mo, starring Heart Evangelista and Mark Herras.
"Happy po, kasi late last year pa lang po ako nag-start, pero parang tuloy-tuloy ang projects. At saka, parang regular roles din, vital roles din kahit papaano. So, masaya rin ako. Thankful din ako sa GMA na nako-consider nila, may nakikita silang potential sa akin," sabi ni Carlo sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Langit sa Piling Mo last week.
Si Carlo ay nasa pangangalaga ng PPL Entertainment, na humahawak din ng careers nina Dingdong, Arthur, Jolina Magdangal, Geoff Eigenmann, Angelika dela Cruz, Gabby Eigenmann, at Carl Guevara. Tinanong namin si Carlo kung ano ang alam niyang plano para sa kaniyang showbiz career ng manager na si Perry Lansigan.
"Actually, hindi ko rin nababanggit sa kanya. Tutal, marami rin kami. Kumbaga, nandoon pa rin na introductory stage pa rin ako. I can't complain kasi nakikita ko naman yung alaga ni Perry, as in tutok siya sa bawat isa. Nararamdaman ko naman po yung pagiging tutok niya sa bawat isa. Kahit papaano, alam namin na siyempre hawak niya sina Dong, Jolina, Gabby...siyempre, malalaking pangalan na 'yan sa industriya."
Hindi ba naging threat sa kanya ang pagpasok ni Carl Guevara, na isa rin sa tinututukan ngayon ng PPL?
"We don't see it as threat," sagot ni Carlo. "Yung sa amin kasi, hindi namin nakikita yung threat sa isa't isa. Kapag magkakakasama kami, nag-e-enjoy kami. Actually, noong makilala ko nga si Carl, noong Christmas, parang nag-Christmas dinner kami... Yun nga, siya ang bago. Tapos, nag-click agad kami.
"Feeling ko, personally, hindi ko nakikita sa mga PPL artists na may competition, at saka grateful ako sa mga projects na dumarating sa akin. And I just do my best in everything that comes my way."
INSPIRED BY DINGDONG. Na-inspire ba siya ni Dingdong kaya siya pumasok sa showbiz? May pressure ba na mapantayan man lang niya ang narating ng kanyang pinsan?
"Siya yung mentor ko," sambit ni Carlo. "Yun nga, on the pressure side, you would like to... Since siya yung mentor ko on this field, you would like to step up. Kung hindi man sa level niya, at least, dumating ka man sa kung nasaan siya. Kumbaga, yun na ang pressure sa sarili ko, na ganoong klase ng tao yung you would look up to. Then, eventually, alam mo yun, sana mahigitan mo.
"Yun naman sa lahat, kahit sa estudyante, you would like to parang excel talaga. Kasi, ganoon talaga ang motivation ko sa sarili ko. In everything I do, dapat hindi lang puwede na. Gusto ko mag-e-excel talaga ako."
Dagdag niya,"Si Dong kasi, ever since, parang kapatid ko na 'yan. We grew up together. Sa isang bahay pa kami dati. Kahit dati pa naman, parang kuya na ang tingin ko sa kanya."
DINGDONG'S GIRLFRIENDS. Si Carlo na mismo ang nagsabi na parang magkapatid na sila ni Dingdong. So, it means, lahat din ng naging girlfriend ni Dingdong ay na-meet niya. Kaya tinanong namin si Carlo kung kanino siya pinakaboto sa lahat ng naugnay sa pinsan niya?
"Siyempre si Marian [Rivera]," nakangiti niyang sabi. "Si Marian kasi, nakita ko na... Well, yung mga past ni Dong na girlfriend, parang si Marian lang yung nakukumpara ko na... paano ko ba sasabihin? Nakasundo niyang talaga. Yung tipong masaya siya. And at the same time, si Dong kasi, importante sa kanya ang pamilya. Yung bawat isa sa pamilya, kasundo rin. Naging malapit. Kahit kami, yung mga parents namin, mga tito-tita, ganoon."
Kung si Marian ang makatuluyan ni Dingdong, magiging masaya ba siya?
"Yes, I am. Sinasabi ko naman yun sa kanya."
STATUS: SINGLE. Single daw siya ngayon sa kabila ng mga naririnig naming balita na tila may namumuong relasyon sa kanila ng co-star niya sa Langit sa Piling Mo na si Joanne Quintas, na hiwalay na raw sa asawang si Domini Primero.
"No, actually, I just broke up with my girlfriend," paglilinaw naman ni Carlo.
Bakit sila natutukso ni Joanne?
"Wala yun, kasi inaasar kami sa set sa Langit... Ganoon kami ka-close sa set. Pero wala naman, e. Biru-biruan lang talaga. Magkaibigan kasi kami sa set. Siya yung isa sa mga una kong nakasundo sa set."
If ever, magkakagusto ba siya sa isang babae na kahihiwalay lang at may mga anak na?
"Well, sa akin kasi, regardless kung si Joanne man or kung sinuman, siyempre, importante na tanggapin mo ang past. Pero nasa tao kung kasundo mo talaga, regardless kung ano ang katayuan niya sa buhay," sagot ni Carlo.
