Dianne Hernandez promises, “I will not settle for being mediocre. I’ll have to do my best talaga sa lahat ng gagawin ko sa show na ito, para magustuhan ng audience.”

Photo: Noel Orsal

Isa si Dianne Hernandez sa mga bagong mukha na mapapanood sa bagong youth-oriented show ng GMA-7 na Teen Gen.

Bagamat ngayon pa lamang siya pormal na nakilala ng press, may ilan nang nakapuna ng pagkakahawig niya sa Kapuso actress Heart Evangelista.

Nang mabanggit ito’y napangiti lamang ang dalaga at nagpasalamat.

Nabanggit ni Dianne sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Disyembre 6, sa presscon ng Teen Gen sa 17th floor ng GMA Network, Timog Avenue, Quezon City na “flattered” siya sa komentong iyon ng ilan.

“Uhm, thank you kasi ang daming nagsasabi na kamukha ko siya,” wika pa ng 18-year-old na baguhang aktres.

“But then, I haven’t met her personally din, and I’m looking forward to meeting her.

“Siyempre I look up to her din, siyempre she’s Heart Evangelista.”

LUCKY GIRL. Ito ang unang beses na sasabak si Dianne sa pag-arte.

Bagamat nakagawa na siya ng ilang TV commercials, iba pa rin daw talaga kapag umaarte ka para sa isang programa.

Kung tutuusin ay suwerte nga raw siya dahil magandang role agad ang napunta sa kanya, at si Angelu de Leon pa ang gaganap na mommy niya.

Siya ang gaganap sa karakter ni Lyca, ang "shy" at "smart" na anak ni Peachy (Angelu de Leon).

“Siyempre no’ng first po, hindi ako makapaniwala na nakuha ko ‘yong role. Pero eventually, ‘yon, parang nape-feel ko naman na.

“Siyempre sobrang overwhelmed at thankful ako, kasi siguro nakita talaga sa akin ni Direk Mark [Reyes] na may potential talaga ako.”

Malaki nga raw ang pasasalamat niya kay Angelu na laging nakaalalay sa kanya tuwing mayroon silang eksena.