Sa maraming hindi nakapanood ng engrande at world-class concert ng international pop icon na si Billy Crawford, may pagkakataon na kayong masilayan ang first-rate performance na inihandog ni Billy sa kanyang mga fans. Ipapalabas na sa telebisyon ang kanyang kauna-unahang major concert sa Pilipinas na It's Time ngayong Linggo, October 21, sa Sunday Night Box Office ng GMA-7.
Ginanap sa Araneta Coliseum noong October 6, mapapanood na ang pinakahihintay na telecast ng It's Time na dinumog ng mga supporters at fans ni Billy. Malalaman na rin kung bakit patuloy na pinag-uusapan ang nasabing concert.
Hindi dapat palagpasin itong two-hour concert na todo-todo sa sayawan at kantahan. Kabilang sa mga kanta ni Billy dito ay ang kanyang mga sikat na awitin, tulad ng "Bright Lights," "Steamy Nights," at "Trackin." Kasama niya ang international choreographer na si Maryss from Paris, R&B Prince JayR, Karylle, Kris Lawrence, ang dance group na Maneouvers, at ang mga nanalo sa kanyang dance reality show na Move! bilang guest.
Kailangan ding maumpisahan ang telecast ng It's Time concert dahil sa opening number pa lang, hahanga na ang lahat sa galing ng 25-anyos na international artist. Ang naturang concert na ito ay sumailalim sa direksiyon ni Gabriel Hoareau.
Abangan ang It's Time concert ni Billy Crawford ngayong Linggo, October 21, sa Sunday Night Box Office (SNBO) pagkatapos ng Ful Haus sa GMA-7.
