Hindi itinatago ni Gabby Concepcion ang kanyang excitement kapag napag-uusapan ang muli niyang pagbabalik sa concert stage with his two-night concert on July 2 and July 3 at the Music Museum, billed as Gabby'ng K Ganda with special guests K Brosas and Vice Ganda. Matagal-tagal din kasi bago nasundan ang first concert niya sa Music Museum last August 15-16, 2008.
Dahil pangalawa na ito, masasabi niya bang nahasa na siya sa pagpe-perform on stage?
"Hindi ko alam pero nag-e-enjoy ako e. Ako, ang na-realize ko lang pag nagpupunta sila, marami palang natutuwa dahil nga kung minsan kinukuha ko sila tapos pinapakanta ko. Yun, highlight yun e. Never kong nakita yun na pag nagsu-shooting ka o nagpapalabas ka ng pelikula hindi mo naman sila nakakasama nang harapan. E, live pa ito kaya nakikita ko yung reaksyon nila," pahayag ni Gabby nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press last June 19 sa Congo Grille restaurant sa presscon ng kanyang upcoming concert na produced by Front Media Entertainment.
K & VICE. Anong maaasahan ng mga tao sa second concert niya?
"Iba ito. Ang mga songs na gagawin namin ay from my second album Unforgettable. Meron ding kaming kukunin from the first dahil maraming nagre-request. At ang kakaiba dito ay kasama ko si K Brosas and si Vice Ganda.
"Pero ano pa ang kakaiba? Alam mo, ang napapansin ko, ang mga kumakanta sa ganyan, like sa Araneta o saan man, napapansin ko sila-sila lang ang kumakanta sa stage. Sabi ko, ang maganda siguro mabigyan din ang audience ng chance. Kukunin ko sila, sa stage kakanta kami. Tatanungin ko kung sino yung gustong makasama akong kumanta, kukunin ko sila from the audience para maiba naman. Maganda yung ganun kasi kung minsan sinasabayan nila, makikita mo kumakanta rin sila, e. So, 'Aba, alam mo itong kantang ito ha, halika lalapitan kita.'"
May pagka-comedy ba ang concert dahil naroon ang dalawang magagaling na komedyante na sina K at Vice?
"Oo, may pagka-comedy din kasi meron silang sari-sariling gagawin. Ako nga, gusto kong panoorin yun e. Pagkatapos siguro magsasama kami, meron kaming gagawing kanta, ganun. Ako rin, gusto kong panoorin si Vice nang live. Hindi kasi ako nakapanood ng concert niya."
Handa na ba siya sa mga banat nina K at Vice?
"Oo naman, this is showbiz anything goes, di ba? Hopefully, it would be fun."
GABBY, THE SINGER. As a singer ay nakakadalawang albums na si Gabby na parehong under Warner Music Philippines. Una nga ay ang kanyang self-titled album na nai-release noong 2008, composed mostly of OPM revivals. Ang second album niya, titled Unforgettable, ay kinapapalooban naman ng mga classic songs of the '50s, '60s and '70s.
"Yung second album ko ay dedicated para sa Daddy ko [Rollie Concepcion, who died last September 23, 2008]. Yun kasi ang mga kinakanta niya para sa Mommy ko e."
Paano niya na-realize na marunong pala siyang kumanta?
"Hindi ko pa nga nare-realize hanggang ngayon e," biro ni Gabby. "Ang ginagawa ko lang e magpasaya. Sabi nga ng Daddy ko noon, 'Just give it to them.' Ang pakiramdam ko parang ginagalingan ko naman."
Sa tingin ni Gabby, natuto na lang siyang kumanta noong magpunta siya ng States, lalo na't nagkakaroon siya ng shows and mini-concerts doon para sa mga kababayan natin doon.
"Hindi talaga ako marunong kumanta. Palagay ko, nung nagpunta ako ng Amerika doon na ako natuto e. Nagkita kami doon ni Jam Morales [dating OPM singer]. Siya ang nagturo sa akin. Although noong may pelikula kami ni Sharon [Cuneta], naalala ko may kinanta kami na nasa plaka niya. Boses ko talaga yun. That was in 1982 yata, yung "Come What May." Tagal na noon. Yun ang kaisa-isa kong nai-record noon. Tapos pagbalik ko dito sa Pilipinas nakadalawang albums na ako."
SHARON & KC. Speaking of Sharon, ano yung itinuro sa kanya ng ex-wife niya pagdating sa pagkanta, na nabanggit pa ng Megastar sa pagsasama nilang tatlo nina KC Concepcion sa programang Sharon?
"Baka yung vocalization. Kasi merong parang warm-up. Hindi ko alam kung tama ito sa lahat ng manganganta. Yung ma-me-mi-mo-mu, ganun," ani Gabby, sabay nag-sample siya ng kanyang vocalization.
Invited ba sina Sharon at KC sa concert niya?
"Hindi ko na sila kinumbida dahil nakakahiya naman e. Alam ko pang-Araneta sila e. Ako, e, pang-Music Museum lamang," biro ni Gabby. "Kung gusto nilang pumunta hindi ko naman sila pipigilan. Pero ang point ko naman dito ay magiging masaya tayo."
"BATHROOM CONCERT KING." Kung si Martin Nievera ang Concert King, ang tawag naman ni Gabby sa kanyang sarili ay "Bathroom Concert King," dahil sa banyo daw siya madalas kumanta.
"Yun na ang aking titulo, e, kaya palagay ko paninindigan ko na yun. Dun tayo nag-uumpisa lahat, e. Lahat ng tao palagay ko kumakanta sa banyo, e."
Ano ang favorite niyang kantahin sa shows at concerts niya?
"Well, yung 'Mula Sa Puso' at saka 'Nandito Ako' pero wala sa plaka ko yun, e. Noon kasing naghahanap ako ng mga kanta bukod sa 'My Way', kasi yun ang una talaga, di ba? Sabi ko nga, kung mag-aaral kang kumanta palagay ko magandang umpisahan yung 'My Way'. Although kahit anong kanta puwede mong gawin."
Natutuwa naman si Gabby dahil buo ang suporta ng mga movie fans niya kahit sa kanyang singing career.
"Oo nga e, talagang pumupunta sila. E, kasi nagsimula naman talaga ako bilang artista na umaarte sa pelikula at telebisyon. Hindi naman talaga ako manganganta. Hindi ako nag-umpisa sa ganun. So, ang ginagawa ko lang pasayahin sila. Siguro gusto lang nilang marinig ang boses ko. Parang ano pa ba ang puwedeng gawin ng isang Gabby Concepcion. Palagay ko yun ang isang bonus na puwede kong gawin," pagtatapos ni Gabby.
Tickets to Gabby'ng K Ganda on July 2 and 3 at the Music Museum are available at all TicketWorld (891-9999) outlets at National Book Store, Robinsons Department Stores and Malls, Ayala Malls, and at the Music Museum (Tel. Nos. 721-0635/425-7077).