Nakakalungkot na balita ang natanggap ng produksiyon ng indie film na Sitio Camcam. Ito ang indie film na pinagbibidahan ng actor na si Allen Dizon at sa ilalim ng direksiyon ni Joel Lamangan.
Ang naturang pelikula ay tungkol sa mga tao na nakatira sa isang slum area na kung tawagin ay Sitio Camcam. Kahapon, April 6, ibinalita na nasunog ang mga bahay na pinag-shootingnan ng mga aktor sa Barangay Aplaya, Kawit, Cavite.
Nakatanggap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng text message mula sa supervising producer ng pelikula na si Dennis Evangelista at ayon dito, “Nakakalungkot na balita, natupok ng apoy ang pinag-shootingan ng Sitio Camcam sa Brgy. Aplaya, Kawit, Cavite. Ang bahay nina Jean Garcia, Sunshine Dizon at Jackie Rice sa movie ay kasama sa nasunog. Mabuti na lang natapos an gaming shooting dun at yung natirang eksena ay medyo malayo na sa area na naapektuhan.
“In fairness, mababait ang mga tao dun. Our prayers to all the victims.”
Ilang araw bago mag-last shooting day sa naturang lugar ang pelikula, nakapunta pa ang PEP sa naturang lugar at nakausap ang director at ilang cast members nito, kabilang na ang bida ng pelikula na si Allen.
Masaya itong nagkuwento tungkol sa pelikula na produced by Heaven's Best Entertainment.
Ayon kay Allen, “Masaya ang shooting namin at yung mga kasama ko rito, first time ko silang maka-trabahong lahat. Sina Jean Garcia, Sunshine Dizon at Jackie Rice. Kahit si Jean, first time ko pa lang siyang makasama.
“Si Jean nga, nakakatawa kasi, first scene namin together, love scene na agad. Nagulat siya pero sabi niya, sinusubukan tayo ni Direk. Pero sabi ko, sige, ayusin natin, nandiyan na, e.”
Take one naman daw ang naturang unang eksena nila ni Jean.
May pagka-“kingpin,” ang dating ng karakter ni Allen sa Sitio Camcam.
Isa sa maituturing na masuwerte rin na aktor si Allen sa industriya dahil madalas, magaganda at iba-ibang karakter ang naipagkakatiwala sa kanya lalo na sa mga indie films na nagagawa niya.
Kahapon, April 6, ay pinarangalan si Allen bilang Pinaka-Pasadong Aktor sa 16th Pasado Awards na ginanap sa Far Eastern University para sa naging pagganap niya sa Lauriana.
Ngayon naman sa Sitio Camcam, malaki ang kaibahan ng ginagampanan niyang karakter.
Ayon kay Allen, “Dito kasi, first time kong gumanap bilang kingpin, hari ng Sitio Camcam at gumanap na may tatlong asawa. Parang ang hirap balansehin ng may tatlo kang asawa.”
Biniro naman namin si Allen kung mahirap nga ba.
“In real-life siguro, mahirap, pero, it’s a film naman.”
Mas okay ba sa kanya sa mga “bad roles” tulad sa Lauriana?
“Okay sa akin, kasi, hindi palaging sympathetic, hindi palaging mabait. Hindi naman actually bad boy talaga. Kumbaga, mahal naman niya ang mga anak niya. Yung mga asawa naman, may kanya-kanya sila, hindi ko sila pinapabayaan, inaasikaso naman sila. Okay naman ang role niya, mabait naman siya.”
Nanalo siya sa Gawad Pasado bilang Best Actor, ano naman ang masasabi niya?
“Siyempre, tuwang-tuwa ako. Ma-nominate nga lang, masayang-masaya na ko. Isa na rin yung karangalan para sa akin bilang isang artista, bilang isang gumanap na character sa Lauriana, kay Direk Mel Chionglo, isa na rin yun malaking karangalan.
“Sana magpatuloy ang paggawa ng mga pelikula ng mga Filipino na makatotohanan at saka, mas marami pang mag-produce ng pelikula para mas dumami pa ang trabaho ng mga tao, mga nakapalibot sa atin. Marami sanang opportunity na dumating lalo na ngayong 2014.”
Isa rin si Allen sa masasabing sa mga kasabayan niya, siya pa rin yung sunod-sunod ang mga pelikulang nagagawa, nakakapagbida.
“Oo nga, blessing na rin sa akin dahil yung staying power ko, nandiyan. Hindi rin nawawala. Kahit na sinasabi nilang patay na ang pelikula, patay na ang movie industry, hindi ko nakikitang patay na. Mas feeling ko, mas marami pang gumagawa.”
Kakatapos lang din i-shoot ni Allen ang Ang Magkakabaung kunsaan Kapampangan ang mga linya niya at ang location ng pelikula ay sa Pampanga.
Kung tutuusin, bukod kay Coco Martin, isa rin siya sa mga indie actors na nakakapag-cross-over mula sa indie hanggang sa mainstream.
“Siguro dahil na rin sa mga director, kung paano kami idirek. Hindi na sila nahihirapan na kapag sinabing ito ang role, o kaya ni ano ‘yan. Siguro yun ang edge namin. Maraming beses na naming nakakasama ang mga director.
“Si Direk Joel, ang dami na naming nagagawa, siguro, hindi na rin siya nahihirapan.”
Sila ni Coco, may komunikasyon pa rin?
“Kapag nagkikita lang at saka siyempre, alam naman natin, mas busy siya sa akin. TV star siya, siya ang in sa ABS[-CBN]. At saka, natutuwa ako kay Coco, hindi naman nagbago. Mabait at saka magaling naman siya. At ang maganda ron, naka-cross siya sa path na gusto niyang gawin.”
Kumusta naman si Jackie na unang sabak sa indie film?
“At first, naninibago siya lalo na kay Direk Joel. Actually, lahat sila. Ayaw nilang masigawan. Kinakausap ko naman na ganyan lang si Direk, kapag sinigawan ka, kulang, so, dapat ayusin natin
|
“At saka, after naman non, wala na.”
Gaano ka-daring ang mga eksena nila ni Jackie na sinasabing diumano’y naging dahilan kung bakit kinailangang mag-back-out ni Charee Pineda?
“Maraming halikan, love scene. Siguro kasi, mas wild yung love scene kay Jackie kasi, mas bata. Kay Jean naman, tame naman. Kasi, siyempre, nandoon na ang love ng asawa.”

Allen Dizon and Jackie Rice

Allen Dizon and Jackie Rice
Nadismaya ba siya nang malaman niyang nag-back-out noon si Charee?
“Hindi naman, siyempre, kailangang respetuhin yung desisyon niya bilang Konsehal siya. Baka maapektuhan ang career niya. Pero sana, bago rin tinanggap, before the story conference, alam na niya ang limitation niya.”
PEP Live
