Veteran director Elwood Perez, who figured in the Noramania during the '70s, also gives his reason why he's hesitant to join the digital wave. Photo: Mark Pimentel

 

It's always a pleasure talking to somebody considered an authority on the subject of local cinema, tulad ng veteran movie director na si Elwood Perez.

 

Kamakailan ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang direktor ng maraming pelikulang Pilipino na noo'y kumita sa takilya at nagwagi ng mga parangal. Memorable para sa Pinoy movie fans ang mga obra ni Elwood Perez, tulad ng Ibulong Mo Sa Diyos (1988), starring Vilma Santos; ang Till We Meet Again (1985), I Can't Stop Loving You (1985), at Bilangin Ang Bituin Sa Langit (1989), na pinagbidahan ng love team nina Nora Aunor and Tirso Cruz III.

 

Ilan lamang ito sa napakaraming pelikula ng nasabing direktor na tinangkilik ng masa through the years, simula noong early 1970s.

 

Lately, madalas daw makipagkita si Direk Elwood sa producer ng karamihan sa mga commercial hit movies, si Mrs. Lily Monteverde o Mother Lily. We are inclined to think na muli siyang hahawak ng project under Regal, subalit hindi ito tiniyak ng masayahing direktor.

 

Matagal na ring hindi nagdidirek para sa outfit ni Mother Lily ang dating "signature director" ng Regal. Sinasabing nagkaroon daw dati ng hidwaan sa pagitan niya at ng nasabing prodyuser, pero ayon sa kanya, tapos na raw ito, and he refuses to deal with past strifes and issues na sangkot siya kanino man.

 

"Let's focus on the positive," aniya. "Siguro dahil pala-dasal ako ngayon, kaya ang desisyon ko, 'dedmahin' na lang."

 

Napakarami nang pagbabago. Naparami na ring bago sa industriya. At kahit na may mga baguhang direktor  na hindi marunong rumespeto sa tulad niyang beterano sa larangan, nangingiti lang si Direk Elwood.

 

"Anne Bancroft ako," kuwelang pagbanggit niya patungkol sa Hollywood actress na napanood noon sa  Agnes of God, kung saan nagtamo ito ng Academy o Oscar nomination in the early '80s. Dugtong niya, "Hindi ko sinisiraan ang mga batang direktor."

 

Tumitiyempo na kaya siya sa paggawa ng pelikula sa alinmang major studio outfit? O ayaw pa niyang gumawa ng out-and-out commercial movie, kung saan puwedeng mako-compromise ang kanyang directorial craft?

 

"Wala naman... you know, I never compromised my aesthetics," makahulugang banggit niya.

 

BOLD TREND.  Sa mahaba-haba at paputul-putol na pakikipag-usap namin sa premyadong direktor ay nabanggit ang iba't ibang makabuluhang paksa na may kaugnayan sa kasalukuyang daloy ng mga pangyayari sa Pinoy cinema industry.

 

Halimbawa na lang ang panahon ng digital films, na akma na ring subukin ni Direk Elwood, pero tila hindi pa niya nakikita ang sarili na sasabak din dito.

 

"Ako kasi, hindi ako marunong gumawa ng 'indie,' o yung mabilis," sabi niya. 

 

Noong mid-'70s, nasubukan niyang gumawa ng kung tawagin ngayon ay "pitu-pito" movies (with seven shooting days or less).

 

"Quickie ang tawag do'n, e, 'pag seven days shoot. Pero yung Bawal: Asawa Mo, Asawa Ko (1974), seven days ang bawat episode," banggit ni Elwood.

 

Independently-produced ang nasabing pelikula, na ang mga bida'y aktibo pa rin hanggang ngayon—sina Gina Pareno, Boots Anson-Roa, at Liza Lorena.

 

"Bawal: Asawa Mo, Asawa Ko started a trend," dagdag pa ni direk Elwood. Matatandaang ang pelikulang ito ang nagpasimula ng tinatawag na "bold" trend. Mas sophisticated, disimulado, less vulgar na pagpapaseksi sa pelikula, kaiba sa mga ginawa noong early '70s na panahon ng so-called '"bomba'" movies.

 

Sa isip ni Direk Elwood, ang pelikulang "bold" na pinasimulan niya at karamiha'y sinubukan rin ng mga kontemporaryong direktor tulad nina Joey Gosiengfiao, Emmanuel H. Borlaza, or even  Lino Brocka, Ishmael Bernal and Celso Ad Castillo, among others, ay kakaibang uri ng pelikulang Pilipino.

 

"Bold is not a genre...it's a movement," pagtukoy niya, na inihahalintulad ang pagiging popular ng mga pelikulang may ganitong tema sa pagkakaroon ngayon ng new wave cinema movement. Dahil sa mabilis at napapanahong pagkaka-develop ng digital technology, naging alternatibo sa tinatawag na mainstream/studio system ng paggawa ng pelikula ang  independent cinema industry o indie.

 

Pero tulad ng nabanggit ni direk Elwood, hindi pa niya makita sa ngayon ang sarili na sasabak sa paggawa ng digital films. Back then, ang mga bold movies na nilikha niya ay mula rin sa malalaking film studios, o kaya'y independent outfits na nagiging major movie companies.

 

"Yung mga 'bold' movies nung araw, wala naman," ibig niyang sabihin, hindi masasabing pornograpiya.  "And it doesn't mean na porke't sexy, e, bold na..."

 

Offhand, mababanggit ang mga titulo ng iba pang pelikulang sex-oriented na mula sa direksiyon ng nasabing direktor: Isang Gabi, Tatlong Babae (1974), Divorce: Pinoy Style (1976), Masikip, Maluwang: Paraisong Parisukat (1976), Diborsyada (1977), Disgrasyada (1979), Problem Child (1980), Sugar Daddy (1980), Shame (1983), Puri (1983), Silip: Daughters of Eve (1986), hanggang sa mga katulad na pelikula of recent vintage, gaya ng Lupe (2004) and She Walks By Night (2004).

 

"FEEL BEAUTIFUL!"  A lot of movie fans during the '70s, '80s, and even up to the early '90s would love to remember the films they've grown watching on the big screen, bago pa umusbong ang mga cineplexes sa iba't ibang malls ngayon.

 

Bahagi si Elwood Perez ng Noramania noong '70s (up to the early '90s) kaya hindi malilimutan ang mga pelikula niyang Lollipops & Roses (At Burong Talangka) noong 1975, kung saan kasama ng Superstar si Cocoy Laurel; ang Mahal Mo, Mahal Ko (1978) na napagsama sa pelikula ang reel & real-life love triangle nina Nora, Tirso Cruz III and Christopher de Leon; ang Till We Meet Again at I Can't Stop Loving You (1985), na parehong Nora-Tirso melodrama; at ang multi-awarded na Bilangin Ang Bituin Sa Langit (1989) na nagwaging best picture at best director awards sa FAMAS at Film Academy of the Philippines.

In 1981, ginawa ng Nora-Elwood actress-director tandem ang classic film na Ang Totoong Buhay Ni Pacita M., na major winner sa Metro Manila Filmfest nung taong 'yon.

 

With Vilma Santos, Elwood Perez also did the actress's team-up movies with Christopher de Leon: Masarap, Masakit Ang Umibig (1977), Nakawin Natin Ang Bawat Sandali (1978), Pinay: American Style (1978) and Pakawalan Mo Ako (1981).

 

Noong '80s, kung saan nauso ang Regal babies, si Elwood Perez din ang naging direktor ng mga nag-hit na pelikulang Santa Claus Is Coming To Town (1982), Summer Love (1983), Miracle of Love (1983), to name a few. 

 

In the '90s, ginawa niya ang Island of Desire with Ruffa Gutierrez and Zoren Legaspi; Pangako Ng Puso nina Kris Aquino, Gabby Concepcion, at Gary Valenciano; Dolora X pinagbidahan nina Aga Muhlach at Sheryl Cruz; at Yakapin Mo Akong Muli, na Snooky Serna-Albert Martinez comeback, among many others.

 

Halos lahat ng mga Pinoy stars na sumikat ay nakatrabaho ni Elwood mapa-pelikula, launching o relaunching, o special projects.  Kilala siya sa pagiging magiliw with his actors. "Feel beautiful!" ang lagi raw niyang bukambibig, para ganahan sa pagsu-shooting ang mga artista.  Hindi siya naninigaw o nagmumura sa set ng kanyang pelikula.

 

But then, Direk Elwood qualifies: "Hindi ako kailanman nakikipag-chummy-chummy sa mga nakatrabahong artista. I always make it a point to maintain aesthetic distance with stars."

 

Wala sa bokabularyo ni Direk Elwood ang pagiging "nanay-nanayan" o "tatay-tatayan" ng mga artista, na sa kasalukuyang panahon, o maski noon man, sa local showbiz, ay walang malalim na pakahulugan.

 

BLUE BOY. Bihirang magkuwento si Elwood Perez ng tungkol sa pagsisimula ng career niya sa showbiz. Naging mandudula (writing scripts for PETA and Balintataw TV drama series) muna siya bago maging direktor para sa mga nabanggit na medium, at nang lumaon, sa pelikula.

 

"How I was discovered for Blue Boy? I directed Fred Cortez, Jr., second generation star, anak nina Anita Linda at Fred Cortez. Amerikano yun," banggit ni direk Elwood. Ang nasabing pelikula'y kanyang debut film noong 1970.

 

"Kaya lahat ng dinirek kong pelikula noon, may Anita Linda," sabi pa ng beteranong direktor. "May utang na loob ako kay Anita Linda dahil yung anak niya, siya ang nag-discover sa akin. Dinirek ko sa Balintataw, at nilagay niya ako sa pelikula."

 

"Sabay kami ni Celso Ad Castillo; siya naman yung Usapang Lalake.  Si [Ishmael] Bernal, galing sa India [nagdirek ng debut film na Pagdating Sa Dulo, in 1971], si Lino Brocka, kasabay din namin ni Joey Gosiengfiao, sa Balintataw, pero umalis siya kasi sumikat na nga siya [after doing his debut film, Wanted: Perfect Mother in 1970]."

 

"Magkakaibigan kami, pero mas mature sila sa akin, kasi mas matatanda sila sa akin," natatawang pagbabalik-tanaw pa ni Direk Elwood, na isa nang senior citizen.

 

Among his peers, si Joey Gosiengfiao ang mas matagal nakasabayan ni Elwood. Kapwa sila signature directors ng Regal Films mula mid-'70s hanggang '90s. Nang umalis sa Regal si Elwood, nanatili si Gosiengfiao bilang katuwang na producer hanggang early 2007.

 

"Hindi naman ako nanggaling kung saan lang," sabi ni Elwood.  "At alam ko naman ang ginagawa ko, because nung nagsisimula ako...I started as a playwright, writing plays, which even Joey Gosiengfiao directed."

 

"Baka akala nila, kung sino lang siya [Gosiengfiao], dahil binibiro nina Peque [Gallaga] na 'Peking Duck'. My God! Joey Gosiengfiao directed for Repertory Philippines, ng Gigi, Luther, The Boys On The Band...

 

"Sa Balintataw kami lahat nag-start. Kami ang young blood doon," sabi pa ni Elwood.  Sa Balintataw series noon ipinapalabas ang mga dulang orihinal, na bahagi ng panitikang Pilipino na pinasimulan ng ngayo'y kontrobersiyal na NCCA chairperson, Cecille Guidote-Alvarez, with literary icon Alberto Florentino, as production manager. 

 

Sa telebisyon ay nagdirek si Elwood ng episode na pinamagatang Vrrrooom!!!, his first directorial assignment. "Ako ang nagdirek ng first TV-within-a-TV political drama, titled Idolo Ng Madla, and I wrote a play, Bahay Mo, Bahay Ko..."

 

Noong March 2007, pumanaw ang direktor na si Joey Gosiengfiao. Wala raw silang naging alitan ng kapanabayan at nadamayan ni direk Elwood hanggang sa mga huling araw nito. 

 

Last year, bilang tribute, naging tampok sa Adarna Theater ng UP Film Institute ang ilan sa mga pelikulang bahagi ng makabuluhang kontribusyon sa Philippine cinema—sa direksiyon ni Elwood Perez.