KC Concepcion is the leading lady of ER Ejercito in the Metro Manila Film Fest entry Boy Golden. KC is currently training with Hollywood stuntman Kawee Seng, who previously worked with Angelina Jolie. 

Photo: Nimfa Chua (ER) / Noel Orsal (KC)

Isang mas exciting raw na Metro Manila Film Fest entry ang ibibigay ni Laguna Governor ER Ejercito sa latest movie niya na pinamagatang Boy Golden. Ito ang pelikula na pumalit sa My Super Kap na dapat sana ay pagbibidahan ni Bong Revilla, Ai-Ai delas Alas at Toni Gonzaga.

Ididirehe ni Chito Roño ang nasabing gangster movie at si KC Concepcion ang magiging leading lady ni ER sa Boy Golden.

Na-interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Governor ER noong September 18 sa Imperial Palace Suite Condotel bago siya tumungo sa birthday party ng tabloid editor na si Dondon Sermino at entertainment columnist na si Jun Nardo. Ipinagmamalaki ng politician-actor na hindi lang siya ang gagawa ng mga action scenes, kundi maging si KC.

Pagbabalita ni ER, “Pinagti-training ko siya ngayon.  I hired Seng Kawee once again, stunts director namin sa Asiong Salonga at yung fight director rin sa Ong Bak at Angelina Jolie sa Tomb Raider.

“We got Seng Kawee again for the fight scenes at siya ang nagti-training kay KC Concepcion.”

Sa kanyang Twitter account, kinumpirma ito mismo ni KC Concepcion nang sagutin niya ang isang follower niya sa micro blogging site.

Tinanong si KC kung totoong nag-aaral siya ng martial arts sa ilalim ni Seng Kawee na nagturo kay Angelina Jolie sa action movie na Salt. Sinagot ito ni KC ng #truth






Photo from official Metro Manila Film Fest Facebook page

Ang Manila Kingpin: Asiong Salonga naman ay ang 2011 MMFF entry ni ER kunsaan binigyang buhay niya ang Pinoy gangster na naghari sa Tondo noong 1940s at 1950s.

Ipinaliwanag noon ni ER na ang mga comments ng tao ang dahilan kung bakit pinili niya na gumawa ulit ng gangster movie. Si Boy Golden ay isang gangster na namuhay noong 1960s.

(Read: ER Ejercito shifts from Asiong Salonga to gangster Boy Golden)


Kamakailan lang ay naging controversial ang MMFF dahil sa pagkalas ng ilang mga official entry. Bukod sa entry ni Bong Revilla, nag back out rin mula sa 39th MMFF ang movie version ng Be Careful With My Heart na pagbibidahan sana nina Richard Yap at Jodi Sta. Maria.

Komento ni Governor ER, “E, gusto nating maging masaya ang panahon ng Pasko. Kasi napakarami na nating problema, nandyan yung PDAF scam, pork barrel scam, Zamboanga siege o war.  So, kailangang masaya ang darating na festival.

“So, sana makapasok muli ang Be Careful With My Heart para masaya ang festival.”

Nilinaw lang ni Governor ER kung paano naging MMFF entry ang Boy Golden.

Paliwanag niya, “Hindi, pasok naman talaga kami.  Na-disqualify ang number 9. Kasi number eleven kami. Nagback-out si Senador Revilla, nag-back out ang number ten, nadisqualify ang number 9. Pasok na kami, e.  Kaya pang-walo kami, e.

“So, nung nag-back out ang Be Careful With My Heart, naging number seven kami.

“Sana makapasok ang Be Careful With My Heart para kumpleto.   May drama, may comedy,  may action, may fantasy.”

Ano ang reaksiyon niya sa hindi pagkakapili ng pelikula niyang El Presidente para sa best foreign language category ng Oscars at sa halip ay ang Transit na pinagbidahan ni Jasmine Curtis Smith ang ipapadala?

“E, wala po tayong magagawa. Yun ang desisyon ng screening committee. I respect their decision. No problem.”

Sa palagay mo ba magiging exciting pa ba ang MMFF 2013 dahil sa pagba-back out ng ilang mga pelikula?

“Ahm, matsa-challenge na yung karisma ni Chairman Francis Tolentino.”

Laging nakapuwesto sa huli sa listahan ng mga entries ang pelikula niya kahit dalawang taon na siyang lumalahok sa festival.  Ito ba ay bunga nang diumano’y isa sa mga goal ng MMFF 2013 ang unahin ang mga potential money-maker entries?

“Hindi, kasi ang isyu, e, Pasko. Yung Christmas season.  Ayaw nila ng violence ang tema.  Siyempre, pag gumawa tayo, hard action.  Kaya naman nakita nila sa script pa lang, may putulan ng paa, putulan ng ulo, kamay. So, napaka-violent ng script.

“So, we have to trim down the script to fit the taste of the screening committee.

“So, tinone-down namin yung script para hind maging violent.  Konting violence na lang.”

Wala ba siyang tampo sa MMFF o sa Metropolitan Manila Development Authority na siyang humahawak ng festival?

“A, wala naman, wala naman. Happy ako. Lagi akong happy sa festival.”

May kissing scene ba si ER at si KC sa movie?

“Hindi maiiwasan, e, hindi maiiwasan.  Yung istorya e, gangster movie.  Sabi ko nga, 'Destroy property, defy authority, display nudity.'  Merong magagandang eksena.

“Eto may action, drama ang comedy.”

Balitang-balita naman na may problema raw ang launching movie ng anak niyang si Jericho Estregan na pinamagatang Ben Tumbling.

Ano ang update tungkol sa project na ito?

Tugon agad niya, “Next year for Valentine's Day.”

May lumabas na tsismis na hindi raw niya nagustuhan ang pagkaka-shoot ng ilang mga eksena sa pelikula.

Agad namang naglinaw ang actor-politician, “Hindi, tinatapos namin lahat ng competition ni Jericho, yung anak ko. Gusto naming manalo siyang muli, kasi nanalo na siya sa Mr. Philippines athletic category—yung body building competition.

“So, he has two more competitions to go in body building.  So, hopefully, magandang-maganda ang pasok ng Ben Tumbling.

Ibig sabihin hindi totoo na hindi mo nagustuhan yung mga shots sa pelikula kaya pinapaulit mo?

“Ahm, oo, may mga eksenang pinabago.”

Hindi lahat ng mga nakunang scenes ay irere-shoot?

“Hindi naman, inaayos namin.”

Parehas pa rin ba ang direktor? Ang nagdirehe ng mga nakunan nang mga eksena ay si Joven Tan.

“Inaayos namin yung direktor,” mabilis na sagot ni ER habang nangingiti.

Siya pa rin ba ang direktor ng Ben Tumbling?

“Fight director.  Fight scenes lang [kulang]. Sinama na namin si Direk Rico Gutierrez at saka si Ogie Salvador at Erik Torente para tumulong. Siya naman ang fight director namin sa El Presidente.

Giit naman ni Governor ER kasama pa rin sa project si Direk Joven Tan.

Pagpapatunay pa niya, “Oo kasama...teammate namin si Direk Joven. Yung mga drama scenes niya [mari-retain] yung iba...Pinapaganda kasi natin, e.

“Hindi naman puwedeng bara-bara, kailangang mapaganda natin.

“Pinagaganda. Bago i-release pinagaganda pa. Nai-showing na nga sa mga sinehan, pinagaganda pa. We spent six months pa pinagaganda pa yung DVD copy.”


MESSAGE FOR JINGGOY. Tungkol naman sa kanyang kamag-anak na si Sen. Jinggoy Estrada na nahaharap sa kaso ng pork barrel scam, narito ang mensahe ni Governor ER:

“Well, lakasan niya ang loob niya, meron naman tayong Diyos na sumusuporta sa atin. Dasal lang. Alam kong malalagpasan ni Senator Jinggoy ang mga pagsubok niya.”

Naniniwala ba siya sa mga accusations kan Jinggoy?

“Siyempre, kamag-anak ko si Sen. Jinggoy.  Ang aking simpatiya ay nasa kanya at sa buong pamilya ni Pangulong Joseph Estrada [na ngayon ay Manila Mayor].

“Bilang kapamilya, ipinagdadasal namin na sana ay maka-recover sila.”