"Shot in the spirit of independent filmmaking but with a mainstream budget," that is how Eugene Domingo and director Joyce Bernal describe their upcoming film Kimmy Dora: Kambal sa Kiyeme. It will open in cinemas starting September 2, 2009. Photo: Courtesy of Star Cinema

Mas kilala si Uge sa pagiging sidekick o best friend sa mga nakaraan niyang mga proyekto kaya labis ang kanyang pasasalamat sa Spring Films na pinili siya upang maging bida sa pelikulang Kimmy Dora: Kambal sa Kiyeme. Directed by Joyce Bernal, ipapalabas na ito sa mga sinehan simula September 2, 2009.

Habang nagkukuwento si Uge, hinawakan siya ni Direk Joyce upang magpakita ng suporta. Nag-iba ang boses ni Uge at inakala ng lahat na maiiyak ang komedyana. Yun pala ay uma-acting lang ito, na siyang ikinatuwa naman ng mga manunulat na pumunta sa press conference na ginanap kahapon, August 12, sa Dolce Latte, Quezon Avenue, South Triangle, Quezon City.

Bigla siyang naging seryoso at sinabi: "It's always good to support. Hindi naman ako nagsasabi na matapos ang pelikulang ito, puro bida na lang ang tatanggapin ko. Artista ako, e. Sa pagkakataong ito na ako ay bida, and in the spirit of independent filmmaking ang Kimmy Dora, naramdaman ko na hindi naman kinalimutan ng mga sinuportahan ko sa nakaraang pelikula. At this point, sila naman ang sumuporta sa akin nang wala silang hinihinging kapalit.

Binanggit nila ang mga artista na nagkaroon ng cameo appearance sa Kimmy Dora: Regine Velasquez, ang Pop Icons (Piolo Pascual, Christian Bautista, Erik Santos, Mark Bautista, and Sam Milby), Rufa Mae Quinto, Marvin Agustin, Vhong Navarro, at Aiza Seguerra.

Inamin rin ng Eugene na minsan ay nadadala siya ng kanyang mga emosyon kung paano gagampanan ang mga dalawa niyang karater sa pelikula, sina Kimmy at Dora.

"Minsan nagkakainitan kami ng ulo ni Direk Joyce kasi meron akong suggestion, then hindi niya tatanggapin. Meron siyang suggestions na parang hindi ko nagugustuhan pero nagkakaroon ng compromise."

Direktang sinabi naman ni Uge sa direktor ng pelikula (na katabi niya sa sofa nung panahon na iyon), "Kahapon napanood ko yung parts 1-3, I think you did a good job." 


KIMMY AT DORA. Sa Kimmy Dora: Kambal sa Kiyeme, si Uge ang gumaganap sa kambal na sina Kimmy at Dora.


Para sa kanya, aling karakter ang mas nahirapan siyang gampanan?

"Sabi ni Direk, mas nahihirapan ako kay Dora kasi iisipin mo talaga na naïve ka, sweet ka. E, ang layo na nun, ang tagal ng recall. Si Kimmy naman, parang every day may Kimmy [moment] ako lalo na pagdating sa trabaho. Business minded si Kimmy.

"Ang pinakamagandang naituro sa akin ni Direk at gawin silang tao. Gawing tao ang characterization ng dalawa at hindi cartoon. Every now and then, Direk Joyce would remind me, be sincere." 

Bukod kay Dingdong Dantes, kasama rin sa pelikula sina Zanjoe Marudo, Baron Geisler, Miriam Quiambao, Ariel Ureta, Gabby Eigenmann, at marami pang iba.

Si Zanjoe ay si Gary, ang isa pang leading man ni Uge at gaganap siya bilang isang magsasaka sa pelikulang ito. Kinuwento ni Uge: "Si Gary ang lalaking kukupkop sa isa sa mga kambal, hindi ko pa pwede i-reveal. Meron din siyang mga insights on life na makakatulong para mabago ang ugali ng twin na yun. May konting kilig scenes kami.

"Si Baron Geisler naman ay kasama sa opisina, pivotal rin kasi meron siyang desisyon na makakagulo sa lahat."

Tinanong naman si Direk Joyce tungkol sa budget ng Kimmy Dora at ayon sa kanya, "We have the same budget as the production of Star Cinema, GMA Films, Viva Films. Ganun din po ang budget namin because we shot it in 35mm, ang effects namin, pinadala pa namin sa Hong Kong." 


SYNOPSIS. Mula sa panulat ni Chris Martinez at sa direksiyon ni Bb. Joyce Bernal, gagampanan ni Eugene Domingo ang roles ni Kimmy at Dora Go Hong Dae, kambal na magkaibang-magkaiba and personalidad. Matalino, sexy, at ambisyosa si Kimmy habang simple, mahiyain at sweet si Dora.

Magaling si Kimmy habang mentally challenged naman si Dora. Agresibo si Kimmy at sunud-sunuran naman si Dora. May dugong salbahe si Kimmy habang Mother Teresa incarnate naman sa kabaitan si Dora. Riot na walang patid nang ma in love ang dalawa sa isang lalaki, ang misteryoso at ubod ng guwapong si Johnson (Dingdong Dantes).


Ang Spring Films ay binubuo ng apat na magkakaibigan na sina Piolo Pascual, business manager Erickson Raymundo, cinematographer Shayne Sarte at Kimmy Dora director Joyce Bernal. Tumulong rin sa pagproduce ng pelikula ang MJM Productions. 

Humandang humagalpak sa tuwa sa pagbibidahang pelikula ni Eugene Domingo, ang Kimmy Dora: Kambal sa Kiyeme. Mapapanood na ito sa mga sinehan simula September 2, 2009.


 


Courtesy of Spring Films