Kathryn Bernardo (right) and Julia Montes (left) portray sisters who are reunited in Way Back Home. Photo: Star Cinema

Naging matagumpay ang remake ng Mara Clara sa ABS-CBN na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Julia Montes. Nakilala ang dalawang young actresses at sinubaybayan ng mga manood ang nasabing teleserye. Pinatunayan nina Julia at Kathryn na kaya nilang bigyang buhay ang karakter nina Judy Ann Santos at Gladys Reyes na mga bida sa naunang Mara Clara.

Ngayon ay masusubukan naman sa big screen ang kakayahan nilang makipagsabayan sa drama. Bida sina Julia at Kathryn sa bagong pelikula ng Star Cinema, ang Way Back Home, isang family drama na tumatalakay sa pag-ibig at pagpapatawad.

Kasama sa pelikulang ito sina Tonton Gutierrez, Lotlot de Leon at Agot Isidro. Kabilang sina Enrique Gil and Sam Concepcion bilang mga ka love-team nina Kathryn at Julia. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Jerry Lopez Sineneng.

Ang Way Back Home ay tungkol sa dalawang magkapatid na nagkahiwalay sa loob ng 12 taon. Si Kathryn ay gaganap bilang Ana Bartolome samantalang si Julia naman ay si Jessica Santiago.

Magkakahiwalay sila at titira sa magkaibang mundo. Si Ana (Kathryn Bernardo) ay kinupkop ng mga mangingisda samantalang si Jessie (Julia Montes) ay lumaki sa isang middle-class family. Dahil sa isang swimming competition, magkakatagpo muli ang landas ng dalawa.

Ngunit si Jessie ay hindi sanay na may kahati sa atensiyon ng kanyang mga magulang. Makukuha ba niyang tanggapin ng buong loob ang kanyang kapatid na matagal na nawalay sa kanilang pamilya?

Sa press conference ng pelikula na ginanap kagabi, August 3, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN compound, nakapanayam ng media ang cast members na sina Kathryn Bernardo, Julia Montes, Enrique Gil, Sam Concepcion at Ms. Agot Isidro, kasama ang kanilang direktor na si Direk Jerry Sineneng.

Ayon sa beteranong director, sina Kathryn at Julia ang mga susunod na Judy Ann Santos at Claudine Barretto sa henerasyon ng pelikulang Pilipino ngayon dahil sa galing nilang ipinamalas. Habang nakipagtrabaho si Direk Jerry kina Kathryn at Julia, nakita raw niya ang potential ng dalawang young stars.

Sabi ni Direk, "This is the launching of Kathryn at Julia na minahal ng mga manonood sa Mara Clara. Malayo ang mararating ng dalawang ito. Sila ay maituturing na future superstars."

Nakapanayam din ng PEP.ph ang dalawang bida sa pelikula—Kathryn Bernardo at Julia Montes—tungkol sa kanilang launching movie.

Ano ang kaibahan ng pag-arte sa pelikula sa pag-arte para sa telebisyon?

"Ibang-iba ito sa Mara Clara, ibang problema ng pamilya na nag tina-tackle po dito, yung forgiveness at acceptance po ng magkapatid sa pamilya. Wala pong bida or kontrabida dito. Pareho po kami ritong biktima ng isang sitwasyon," ani Julia na nakilala bilang kontrabidang si Clara sa dating teleserye ng Kapamilya network.

Dagdag pa niya: "Hindi talaga kami makapaniwala na may movie na talaga kami ni Kathryn matapos po yung success namin sa Mara Clara. Nagpapasalamat kami sa ABS-CBN sa pagbibigay sa 'min ng ganitong kalaking break at the same time po may pressure on our part kasi po malaking challenge po na i-please ang mga manonood ng pelikula namin."

Para naman kay Kathryn, inamin niya na nararamdaman niya ang bigat ng responsibilidad na binigay sa kanila bilang mga bida ng pelikula na ito.

"Talagang binigay po namin dito ang lahat ng aming makakaya para mapaganda yung pelikula at para naman po sulit yung ibabayad ng mga manunuod. Kasi medyo pressure po kami, yung sa Mara Clara, bubuksan lang nila yung telebisyon nila at mapapanood na nila kami, dito po sa pelikula namin, talagang magbabayad pa ang mga manonood para panuorin yung pelikula naming. Kaya po ginalingan talaga naming para naman po sulit yung ibabayad nila.

"Sobrang thankful po kami at sobrang masaya dahil binigyan po kami ng chance na maipakita naman yung ibang side namin. Hindi lang basta si Mara or si Clara ang makikita n'yo po rito sa pelikula namin kundi kakaibang Julia at Kathryn ang mapapanood n'yo po rito."