"Kakaiba kasi madalas nga pa-tweetums po ang role ko. Nanibago po ako kasi hindi ko naman po ito madalas ginagawa," says teen actress Barbie Forteza about her role in the upcoming suspense movie of GMA Films titled The Road. Photo: Noel Orsal

Sadyang matatakutin daw ang dalagang aktres na si Barbie Forteza kaya naman hindi niya naiwasang matakot habang ginagawa ang suspense movie ng GMA Films na The Road.

Sa pocket press conference na inihanda para sa ilang cast members ng pelikula noong Lunes, Nobyembre 14, inamin ng 14-year-old actress parehong nakakatakot at nakakatawa ang karanasan niya sa set.

Kwento niya, "Nakakatakot kasi, alam mo 'yong feeling na parang may katabi ka. Nakakatawa kasi wala naman pala."

Dagdag pa niya, "Natakot po ako kasi 'yong location po namin sa sa Teresa, Rizal, parang liblib na lugar.

"Para siyang bukid na walang dumadaan.

"Walang problema ang crowd control namin kasi wala naman talagang dumadaan, walang kuryente, walang tubig.

"Hindi nga namin po alam kung paano nila nahanap ang bahay na 'yon.

"Kaya kahit wala akong na-experience habang nagsho-shooting kami, marami akong nai-imagine.

"Kahit 'yong pinaka-multo namin, masaya naman siya kausap, pero talagang nakakatakot. Ang hirap niyang lapitan."

WORKING WITH DIREK YAM LARANAS. Bagamat bahagyang nakakatakot ang karanasan ni Barbie habang ginagawa ang pelikula, natutuwa naman siya dahil naging mabuti ang pagsasama ng cast members at direktor nilang si Yam Laranas.

Ayon kay Barbie, strikto si Direk Yam pagdating sa trabaho pero marunong siyang makipagkulitan kapag shooting break.

Paglalarawan pa niya, "Noong first taping day namin, strikto siya, parang kotrolado niya lahat, e. So, parang masyadong disiplinado ang mga tao.

"Pero noong mga ika-tatlong araw na namin, nakikikulitan na rin. Sobrang galing niya talaga.

"Mukha lang strikto pero hindi niya kami pinakitaan ng [masama].  Kung magagalit man, hindi namin naririnig kasi ang layo po niya, e."

Sa pelikulang ito, sinabi ni Barbie na mas naging seryoso ang karakter na kanyang ginampanan.