Angeline Quinto admits that she gets to know Coco Martin more as they shot the film You Light Up My Life . Photo: Noel Orsal

Dalawang buwan din naudlot ang taping ng pelikula nina Angeline Quinto at Coco Martin na You Light Up My Life.

Noong isang taon pa sinimulan ang kanilang taping ngunit panandalian itong nahinto dahil sa taping ni Coco para sa teleserye na Walang Hanggan.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment press si Angeline noong Biyernes, Marso 7, sa Cravings Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

"A, hanggang ngayon naman po tinutuloy namin 'yong pelikula," sagot ni Angeline nang tanungin siya tungkol sa pelikulang ginagawa niya.

"Medyo nag-stop nga lang po mula no'ng December hanggang no'ng January po, kasi nga po dahil sa Walang Hanggan, kaya medyo na-stop po 'yong shooting.

"Pero, ngayon pong February at March tuloy na po, kasi alam ko po medyo malapit na 'yong play date kaya minamadali na rin po."

ACTING PREPARATIONS. Inamin ni Angeline na malaking preparasyon ang kanyang ginawa para sa pelikulang You Light Up My Life.

"Siyempre kahit kayo alam naman po ninyo na singer lang talaga ako," pahayag ni Angeline.

"Kaya parang ang bilis na sa pelikula agad, parang nakakagulat po talaga. Hindi man lang ako napalabas sa MMK [Maalaala Mo Kaya]  para gumanap sa buhay ng isang artista.

"Kaya ng nalaman ko nga po na magkakaroon ako ng pelikula, akala ko hindi totoo, e, kaya sabi ko, talagang ang bilis-bilis po ng pangyayari.

"Pero masasabi ko na, talagang ilang buwan akong nanonood ng mga lumang pelikula nina Ma'am Sharon [Cuneta], ni Ms. Regine Velasquez, 'yong mga idol ko po talaga, si ms. Nora Aunor, talagang pinanood ko 'yong mga pelikula nila noon. Tapos pinag-aralan ko po talaga 'yong bawat pag-arte nila."

Sa ilang buwan nilang taping ng pelikula, tiwala naman si Angeline na kaya na niyang "makipagsabayan" sa iba pang mga cast.

"A, para sa akin po, sa tingin ko naman po... A, kaya ko naman po siguro makipagsabayan sa ibang artista," nakangiti niyang sagot.

"Pero sa ngayon po nagsisimula pa lang ako, pero ginagawa ko naman po ang makakaya ko, tinutulungan po ako nila direk [Jerome Pobocan], lalung-lalo na po si Coco."

SWIMSUIT SCENE? Nabalitaan ng PEP na magkakaroon daw ng isang eksena si Angeline kung saan swimsuit lamang ang kanyang suot.