Photo: Courtesy of ABS-CBN

Maririnig na sa ASAP 2012 ngayong Linggo, Setyembre 9, ang theme song ng pinakabagong drama-fantaserye ng ABS-CBN na Little Champ.

Ito ay ang “Kung Kailangan Mo Ako,” na kakantahin ng actor-singer na si Piolo Pascual.

Magkakasabay ding ipalalabas ang music video nito sa ABS-CBN music channel MYX, movie channel na Cinema One, at DZMM Teleradyo. Sa kabilang banda, mapakikinggan din ito ng sabay sa radio stations na Tambayan at My Only Radio (MOR) sa lahat ng probinsiya na sakop nito.
       

Espesyal ang theme song na ito, ayon kay Piolo, dahil ito ang unang teleserye theme song na ni-record live ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra at isa rin itong milestone para sa kanya.

“Noong sinabi nila na live orchestra yung accompaniment ng aawitin ko at first of its kind, na-excite ako ng sobra kasi ngayon ko lang ito ma-e-experience.

“Isa itong milestone para sa akin,” sabi ni Piolo base sa isang release mula sa Kapamilya Network.

          

Hindi pangkaraniwan na tumugtog ang isang orchestra para sa isang TV show.

Kaya naman sumang-ayon din ang head ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra na si Gerard Salonga na espesyal ang theme song na ito.

Aniya, “Unang teleserye po ito sa ating bansa na may accompaniment ng live orchestra.

“Para magkaroon ng ganitong tunog ang isang TV show, ibig sabihin lang na sinisikap po talaga ng ABS-CBN na bigyan ang mga manonood ng mga palabas na mataas ang kalidad.”

Ayon sa mga bumubuo Little Champ, nababagay ang awiting “Kung Kailangan Mo Ako” dahil sa heroic theme ng serye.

Abangan ang pagdating ng drama-fantaseryeng Little Champ sa ABS-CBN Primetime Bida.