Nina (in photo) says that her relationship with Sarah Geronimo has not been affected because of the protests raised by the latter's fans. The Popsters are claiming that Sarah should be the first Filipina singer to be given a Diamond Record award. Photo: Noel Orsal

After Eraserheads and Jose Mari Chan, tanging ang Soul Siren na si Nina ang female singer na nakakakuha ng Diamond Record Award.  Simula nang ilabas ito sa record bars noong 2005, nakabenta na ng 200,000 copies ang album niyang Nina Live. Hanggang ngayon ay nasa market pa ito at patuloy na bumebenta.


Nabahiran naman ito ng intriga dahil sa protesta na mula sa mga masusugid na tagahanga ni Sarah Geronimo. Hindi raw nila matanggap na naka-Diamond Record Album na si Nina samantalang mas sikat at mas marami raw ang bumibili ng album ng kanilang idolo na Pop Princess.


"Actually di ko kasi alam ang mga intrigang ganyan pero since natanong nga wala ako actually masasabi.  For me kung naka-Diamond  na sila, i-award na dapat sila, like ako, inawardan ako nung nag-Diamond ako. Wala namang problema, kung Diamond, di Diamond. 


"Di ako nao-offend, gaya nga ng sinabi ko kung totoong Diamond awardee siya, bakit naman ako magagalit, mai-insecure o magagalit na Diamond siya [Sarah]?"


"Basta sobrang nakakasarap ng feeling, for every artist naman, for every singer, fulfillment 'yan na kahit hindi nga Diamond award, kahit na anong award, kahit na Gold yan, Platinum, fulfillment 'yan ng isang singer, what more kung Diamond award pa? So sobrang sarap ng feeling, masaya, masarap sa pakiramdam."  

Nang tanungin namin kung nakaapekto ba ito sa samahan nila ni Sarah, siniguro sa amin ni Nina na wala silang problema ng Pop Princess.


"Actually di ko na-feel na parang nagalit si Sarah o nagkagalit kami.  Everytime na nagkikita kami, same pa rin naman, hi, hello, pag nag-uusap kami, ganun pa rin naman."


Magkasama sina Nina at Sarah sa Sunday variety show ng ABS-CBN na ASAP XV.

Sa karangalang ine-enjoy ngayon, hindi naman daw ito nagbibigay pressure kay Nina lalo't sa paggawa ng bagong album.

"I'm hoping na magkaroon ako ng album na halos lahat original kasi medyo matagal na rin di ako nago-original album.


"For me kasi di ko nararamdaman 'yung pressure kasi sinasabi ko nga pag gumagawa ko ng album, di ko naman ine-expect  na magka-award ako so there's no expectations.  Ginagawa ko lang ang album, paghihirapan ko lang 'yun, ilalabas ko lang siya, ise-share ko sa ibang tao para magustuhan nila.   Kung magkaka-award, sobrang thankful ako  na magkaka-award siyas, kung hindi, okey lang.  At least nai-share mo sa kanila kung ano ang gusto mong i-share."

Isa rin sa magandang nangyari ngayon kay Nina ay ang nalalapit niyang pagge-guest sa Variety Asia na ang tanging Filipinang nakapag-guest lang ay si Lea Salonga.


"Siyempre sobrang privelege para sa akin 'yun, it's an honor, ang sinundan ko ay si Leah Salonga, hindi kung sinu-sino lang, Lea Salonga 'yan. "

ON NYOY VOLANTE. Di pa ring maiiwasang pag-usapan ang ex-boyfriend niya na si Nyoy Volante at ang pangungutang raw sa kanya ng singer na umabot ng P1.4 million na nauwi sa pagdedemanda dito ni Nina.  Ayon sa Soul Siren ay tuloy pa rin ang demanda niya sa ex-boyfriend at minsan nga ay nagkita sila sa ABS-CBN at pagkainis ang naramdaman niya para dito.

"Okay naman siya, umuusad 'yung kaso.  Kumbaga 'yung sagot dun sa plinead namin,  makukuha siya this January medyo natatagalan lang.  We filed the case August of last year.

"Nagkita kami sa ABS-CBN, parang nagkasalubong.  Deadmahang umaatikabo, ang nangyari sa akin parang nainis ako kasi parang for me, may guts pa siyang salubungin ako. Siyempre ako, kung mayroon akong pagkakasala sa isang tao, lilihis na lang ako ng daan, iiwas na lang ako  malayo pa lang.  Hindi ko siya tiningnan, malayo pa lang may nagsabi na sa akin, 'uy, si ganyan, nandun.' Parang nakita ko pa siya from afar na nakangisi, nakangisi pa, di ba?'

Nang tanungin kung may posibilidad pa na maayos pa ang lahat outside court at mauwi ito sa isang settlement, kahit si Nina ay naiimposiblehan na mangyari pa ito.


"Hindi rin e, galit lang din ang natanggap ko.  Parang ine-email ako kung bakit raw kailangan ko pang ipa-press. Sinasabi niya na gusto niyang makipag-usap at di ba sinasabi din niya na wala siyang utang sa akin?  Di na lang ako mage-explain baka iba ang lumabas sa bibig ko.  May utang siya, di nga lang nakakontrata kasi. Di ko talaga akalain na magagawa niya 'yun sa isang tao."

Naibalita rin na may utang din daw ang isa pang ex-boyfriend ni Nina na si Jimmy Bondoc.  Pero imbis na pera, ang utang ay isang property sa Boracay.  Klinaro naman agad ng singer na  naayos na ito ni Jimmy at balak na nga niyang patayuan ng cottage ang nabiling lupa.


"'Yung kay Jimmy, okay na akong magsalita about it kasi okay na kami.  Bumili kasi kami ng land sa Boracay, sa Station 3, naghati kami dun pero nasa name muna niya. Naghiwalay kami, medyo di na-settle, nagyon medyo naayos na niya.  Hiniwalay niya 'yung property. "


"Gagawa siguro ako ng paupahan, isang cottage para if ever na magbabakasyon kami sa Boracay,mayroon kaming bakasyunan.


"Mayroon din akong pinapagawang building in Cubao parang apartment siya.  Hanggang third floor but eventaully baka dagdagan namin."

Sa ngayon, three years na silang magkasama ng kanyang non-showbiz boyfriend na si Enrico "Coy" Enriquez.  She assured to us na kung nagkaproblema sa pera sa mga naunang karelasyon ay hindi na ito mangyayari sa bagong boyfriend dahil bukod sa mas may-kaya ito sa kanya ay may natutuhan na siya sa mga nangyari.


"Hindi siya uutang sa akin, baka nga ako ang umutang sa kanya.  Sobrang naging lessons 'yon for me.  Ngayon di na ako natatakot sabihin na kontratahin natin ito kahit boyfriend ko pa siya.  Ayoko na ng verbal na pag-uusap, siguro maiintidihan naman nila pag sinabi kong kailangan may kontrata."

How about ang isang kontrata para sa pagpapaksal?


"Wala pa, wala pang napag-usapang ganun. Nagiipon pa siya, nagiipon pa ako."

This coming March 5 and 6, mapapanood siya sa concert titled Nina, The Diamond Soul Siren produced by ASAP Live.