Simula Lunes, March 28, mag-iiba ang viewing habit ng mga Pilipino sa pagsisimula ng Poor Senorita, ang light comedy-drama series na pagbibidahan ng nag-iisang Asia's Songbird na si Regine Velasquez para sa GMA Telebabad.
Ito ang hudyat ng pagbabalik-serye ni Regine matapos ang ilang taong pamamahinga upang mag-focus sa pag-aalaga sa panganay na anak nila ni Ogie Alcasid na si Nate.
Ang kuwento ng Poor Senorita ay sumesentro sa buhay ni Rita Villon (Regine), isang mayamang tagapagmana ng perfume company ng kanilang pamilya. Isa siyang perfectionist at kinakatakutan ng kanilang mga empleyado.
Ngunit mag-iiba ang takbo ng buhay ni Rita nang ma-diagnose siyang may maselang karamdaman at may taning na tatlong buwan na lamang mananatili sa mundo.
Ano ang mangyayari sa kanyang yaman? Paano gagamitin ni Rita ang nalalabing tatlong buwan niya sa mundo upang maranasan ang mga gawaing hindi pa niya nagawa?
Sa Lunes, pagkatapos ng 24 Oras sa GMA, abangan ang isang nakakatawa ngunit may kurot sa puso na kuwento ng isang Poor Senorita.