Photo: Allan Sancon

Matapos ang ilang buwang paghahanap kung sino ang karapat-dapat na manalo sa The X Factor Philippines, itinanghal si KZ Tandingan bilang grand champion ng naturang reality singing competition.


Ang band vocalist mula sa Digos City, Davao del Sur ay nakakuha ng 54.77% ng pinagsamang text at online votes mula sa viewers ng ABS-CBN show.


Lumuluha si KZ habang tinatanggap ang kanyang premyo at inamin niya ang totoong rason kung bakit siya sumali sa X Factor: “Simple lang naman ang goal ko—ang mapaayos ang church namin at mapatunayan na hindi lang biritero’t biritera ang puwedeng manalo.”


Si KZ ay tinuruan ni Charice na siyang naging mentor sa Girls Category.


Ang naging second placer ay si Gabriel Maturan na may 32.33% at tumanggap ng P150,000. Ang 19-year-old balladeer na mula sa Boys category ay sumailalim sa training ni Martin Nievera.


Third placer naman ang all-male singing group na Daddy’s Home na may 12.90% at nakakuha ng prize na won P50,000. Si Gary Valenciano ang naging mentor sa Groups category kunsaan bahagi ang Daddy’s Home.


Ang ikaapat na mentor-judge ay ang veteran singer na si Pilita Corrales. Si KC Concepcion ang nagsilbing host ng The X Factor Philippines.

Naging emosyonal ang 20-year-old singer na si KZ habang tinanggap niya ang a check worth P4 million at isang recording contract mula sa Star Records.


Hindi na sana itutuloy ni KZ ang pagiging isang singer noon dahil sa pinagdaanang problema sa lalamunan. Muntik na siyang mawalan ng boses dahil sa throat polyps na natagpuan noong noong nasa high school pa siya. Nawala ang kanyang kumpiyansa sa sarili lalo pa’t hindi na niya naibibirit ang mga kanyang dati’y naibibirit niya. Ngunit sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan, nagkalakas ng loob si KZ na muling pasukin ang mundo ng musika.


Narito ang interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay KZ matapos ang results night na ginanap sa PAGCOR Theater, Paranaque noong October 7, 2012.  

Iniexpect mo ba na ikaw ang tatanghaling first grand champion ng The X Factor Philippines?

KZ: “Hindi po talaga! Sabi ko po kasi, kahit gaano ka pa kagaling kung hindi sa ‘yo ibibigay ni Lord, wala kang magagawa. Kaya nga po pinag pe-pray ko na lang. Pero, sabi nga ni Madam [Charice] don’t expect. Kanina nung kami na lang ni Gab [Gabriel Maturan, who became second runnerup] ang naiwan. Sabi ko na lang sa sarili…’Lord, may your will be done.’ Gusto ko pong manalo pero kung hindi po ito venue ko para manalo, Kayo po ang bahala.  Pero kahit di po ako ang manalo…Bahala ka na po…at least may X Factor journey po ako worldwide. Salamat kay Lord!”

Anong gagawin mo sa napanalunan mo na P4 million prize?

KZ: “Tutuparin ko po yung commitment ko po sa Church namin. Kasi po yung Church namin sa ‘prayer mountain’ sa Digos medyo malapit nang gumuho yung building. Ipinangako ko sa kanila, bago ako sumali sa X Factor na magbibigay ako ng P1 million. Nag commit po ako ng pera kahit hindi ko alam kung saan manggaling at kung saan namin kukunin yung ganun kalaking halaga. Pero nung tinawagan ako ng X Factor after my audition, nag-pray kami ng Daddy ko, ‘Lord, eto na po ba yung paraan para mapaayos yung church natin?’  Kaninang umaga tumawag yung Daddy ko sa Digos. Sabi nila doon, yung building ng Church namin dun sa ‘prayer mountain,’ bumagsak na daw po! Sabi ko kay Lord na this is the sign na pag nanalo ako sa X Factor ay mapapatayo na natin yung church.”

Ibig sabihin ba nito na dun sa P4 million na napalunan mo, yung P1 million ay ido-donate mo sa simbahan ninyo?

KZ: “Opo, ganun po yung gagawin ko.”

Ano ang unang gagawin mo after nitong pagkapanalo mo sa X Factor?

KZ: “Hindi ko pa po alam! I feel now that everything is not so real. Sabi ko nga kay Ate KC kanina, ‘Sampalin n’yo nga po ako, kasi baka nanaginip lang ako.’ Grabe!”

Ano ang first thing na pumasok sa isip mo kanina nung tinawag na yung pangalan mo bilang first X Factor Philippines grand champion?

KZ: “Thank you Lord!” Yun yung unang pumasok sa isip ko! Lahat ng nakikita nyo, lahat ng nangyari, kung hindi galing sa Kanya, hindi mangyayari.”

Sabi mo kanina na hindi dapat maging biritera para maging successful ka sa showbiz? Bakit mo nasabi yun kanina?

KZ: “Kasi akala ko po dati, kung hindi ka biritera,  hindi ka maganda, wala kang pangalan or hindi ka matangkad at hindi ka makinis ay mahirap ka mabigyan ng break sa showbiz kasi kailangan presentable yung mukha mo. Pero napatunayan ko po na kung maniwala ka lang, na lahat ay kayang gawin ni Lord, ang lahat possible.”

Kailan mo na realize ang lahat ng iyan?

KZ: “Simula nung nagkasakit ako sa throat, hinahanap ko yung genre kung saan parang na realize ko na hindi pala kailangang bumirit para ma-appreciate ka ng tao.”

Sa palagay mo ba, yung pagkakasakit mo na iyon ay naging blessings para marating mo itong pinapangarap mo ngayon?

KZ: “Super po! Super! Everything happens for a reason kung bakit ako binigyan ni Lord ng sakit kasi iniisip Niya na kung ganun pa rin yung style ko before, mahihirapan ako sigurong mag-shine. Bibigyan ka Niya ng ganitong sakit para mahanap ko yung tamang genre para akin.”

Gaano ka importante yung dasal sa pagkapanalo mo rito sa X Factor Philippines?

KZ: “Napaka importante po,  kasi na build nito  yung self-confidence ko. Kasi po palagi akong nag da-doubt sa sarili ko kasi nga po hindi po ako biritera.”

Ano yung natatandaan mong advice ni Charice bilang mentor mo para marating mo ang success na ito?

KZ: “Remember that you are singing because you love to do it not because you just need to do it. Everything will go smooth pag mahal mo yung ginagawa mo at hindi na kailangang ipilit.”