Photo: Noel Orsal

Balik-telebisyon ang dating action star na si Raymart Santiago sa pamamagitan ng wholesome family show na Home Sweet Home ng GMA-7.

Magsisimula ito on April 22 kunsaan makakasama niya sina Roxanne Guinoo,  Rochelle Pangilinan, Gladys Reyes, ang  mga young stars na sina Jake Vargas, Bea Binene at child stars na sina Jillian Ward. Arkin Magalona at Rain Quite.

Sa press launch nito noong April 16 sa GMA Network ay kinumusta ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Raymart after six months na pagpapahinga sa pag-arte.

Bungad niya,” Okay naman ako. Nakapagpahinga. Nakaka-two week taping na rin kami dito sa Home Sweet Home at magaan ang pakiramdam ko.

“Ini-enjoy ko ang show na ito--magaan ang istorya, magaan ang cast, magaan ang director.

“Masaya kami lahat dito.”

Bilang isang married man, masasabi pa niya na naka-identify siya sa role niya dito sa totoong-buhay?

Ang role niya sa Home Sweet Home ay si Reden Caharian na sobrang mahal ang kanyang pamilya  more than anything else.

Aniya, “Oo naman. Kung ilang beses na rin akong gumanap bilang father so madali ko na lang siyang inaral.

“Kung anuman yung values na itinuturo ko sa mga anak ko, parang ganundin sa show na ito.

‘Like yung mag-po at opo.”

Sa personal experience  niya, paano ba nila pinanatili ni Claudine ang isang masayang pamilya sa kanila.

“Well, andun na yung factor na nagsisimba kami,” saad niya. “Hindi naman nakakalimutan ang Diyos pero may mga pagsusubok, di ba?

“Andun talaga yung dasal. Hindi ka matatalo sa Diyos sa pagsubok.”

Kumusta naman siya bilang ama?

Pabirong paninita niya, “Dapat sila [mga anak nila] ang tinatanong n’yo.

“Ako naman bilang ama, ginagawa ko naman ang lahat para sa kanila.

“Pero, hindi naman ako perpektong ama, di ba?”

Sa kanilang married life naman, paano naman nila napapanatiling maganda ang kanilang relasyon ni Claudine Barretto?

“Dapat si Dr. love ang kausap n’yo,” natatawang sagot niya. “Well, it’s a process.

“Hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa rin namin.

“May mga pagsubok pa rin.”



CONCEPTUALIZING THE SHOW. Bakit natagalan bago nasundan ang kanyang project?

Sabi niya, “Ang huling project ko ay Luna Blanca (2012). Pero, meron namang  ibinibigay na show ang GMA sa akin.

“Ako kasi kapag hindi ko gusto yung concept, hindi ko ginagawa.

“Pero nung i-offer ito sa akin at nagustuhan ko, tinanggap ko. Ang maganda kasi dito ay kasama ako sa pag-conceptualize ng show.

“So talagang excited ako. Kada taping, I’m looking forward.”

Ano ang pinagkaabalahan niya nung mga panahong wala siyang ginagawang TV project?

“May business naman ako,” sagot ni Raymart. “’Yung aerial video. May iba pa. Hindi na rin tayo bata, tumatanda na rin tayo, so, naga-exercise. Nagda-diet.

“Alam mo na para makasabay sa mga kabataan.”

Natutuwa  siya kasi pati mga anak niya na sina Sabina at Rodrigo Santino ay indirectly involved sa project.

“Ah, oo,”  pagmamalaki  niya. “Sila kasi ang tinatanong ko kung ano ang gusto nilang mapanood.

“Hayun, nagsusulat sila sa notepad kung ano gusto nila.

“Gusto nga nilang sumali sa show,” natatawa pa siya.

Bilang ama, paano ba niya pinalalaki ang dalawang anak nila ni Claudine Barretto.

Pahayag niya, “Siyempre, pinapaalam ko sa kanila kung ano ang tama o mali.

“Kinakausap. Kasi siyempre, hindi pa naman talaga nila alam kung ano nga ba yun.

“Nagagalit din naman ako sa kanila lalo na mali ang ginagawa nila.”

It seems na isang Home Sweet Home ang kanilang tahanan.

“Oo,” nangingiting pahayag niya. “Pero, hindi naman everytime ay home sweet home ang isang tahanan, di ba?

“May mga timesna merong tampuhan. Yung mga ganun.”

Dahil may inclination nga na dalawa niyang anak  na pumasok sa showbiz, bakit hindi nila payagan.

Ani Raymart, “Sa akin kasi, gusto kong payagan sila kapag naka-graduate na sila.

“Yun ang gusto ko kasi hindi naman natin puwedeng pigilan kung ano ang gusto ng mga bata.

“Kung tapos na silang makapag-aral, okay na rin sa akin.”

Natatawang dugtong pa niya, “Sila na nga itong nagtatanong sa akin kung kelan sila lalabas sa show na ito.

“Siguro, tawid-tawid, puwede.”

Sa anim na buwan niyang pagpahinga sa showbiz, masasabi ba niyang mas nagkaroon siya ng oras sa  family bonding nila?

Mabilis niyang tugon, “Ah, oo. Lalo na summer ngayon, so, yung bawat minuto ay kasama namin yung mga bata.

“Siyempre, sa isang relationship ay kailangan ang communication.”

Kinumusta naman namin ang kanyang asawa na si Claudine. Pasubali niya, “Bahagi ba ito ng show?

“Okay naman siya. Huwag na nating pag-usapan ,may mga issues ba?” sabay tayo at tinapos na ni Raymart ang panayam.