Photo: Arniel Serato

Malaking bagay para kay Arjo Atayde ang naging success ng kinasasalihan niyang afternoon drama series na Dugong Buhay sa ABS-CBN.

Para sa isang baguhan, na first time nabigyan ng mas malaking papel sa isang action-drama series, may patunay na si Arjo sa sarili na hindi nabale-wala ang ambag niya, bilang aktor at team player sa naturang show.

Naka-isang buwan na ang extension ng Dugong Buhay, matapos ang unang season last month.  

Nag-number one ito, among TFC subscribers, kaya proud ang buong production, ayon pa kay Arjo.

"Kahit nasa alanganing oras, airing at 3:30 pm [weekdays in the Philippines], tumaas po yung ratings,"  sabi ni Arjo, sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.   

"Nung tumaas yung ratings, nag-number 1 kaagad ang show sa TFC [The Filipino Channel], so parang double good news ba.

"Kasi na-stuck kami sa 10, 10, 10, 10 [ratings]...ngayon pumapalo kami sa 13, 12, 13, 12... ganun kami ngayon, e.

"Siguro, happy sila [sa management]... sana po, bigyan ako ng mas malaking role sa susunod.

"Sana, sa primetime," wish ni Arjo.



CHALLENGING.  Hindi man siya ang bida, pinagbubuti ni Arjo ang pagganap bilang pag-complement sa iba pa niyang kasama, lalo na sa bidang si Ejay Falcon.  

"Mas matagal na naman po yun [Ejay] sa akin. Deserved naman po niya yung [lead] role," sambit ni Arjo.

In Dugong Buhay, Ejay has dual roles as Gabriel de Lara and Victor Bernabe; the latter serves as a pawn to benefactor Nonie Buencamino's scheming Simon Bernabe, who is seeking revenge against his adversaries: the De Lara clan.

Arjo plays Rafael, the spoiled rich son of the De Laras (brothers Enrique and Alex).  It borders on the "bida-kontrabida" type.

"Hindi naman po yung solid na kontrabida, na masama talaga ang ugali," banggit ni Arjo.

"Yung character ko po, more of a poisoned mind siya. Yung tatay ko [Christian Vasquez as Enrique] at Tito ko [Ronnie Quizon as Alex], talagang sila ang... sorry for the word, pero talagang brutal, mga gago!  Weirdo ba...

"So, sa akin...  naimpluwensiyahan lang ako ng mga boys.

"Pero may mangyayari pa pong twist, soon, na mas magti-trigger sa aking maging kontrabida," informed Arjo.

"Ngayon, medyo mellow pa, e.  Puro mata na lang muna ginagamit ko, para mas controlled ba.

"Alam mo yung galit [ka], na nanggigigil  ka sa loob, pero outside, nakikita mo, parang kalmado?  

"Pero may mangyayari, na magbu-burst out ako.  Maganda talaga yung istorya," sambit pa ni Arjo.



STRUGGLE. Ayon kay Arjo, isang matinding hamon at pakikihamok sa kanyang propesyon bilang artista ang nararanasan niya ngayon sa Dugong Buhay.

"Kasi, akala ko it would be easy doing the role.  

"Coping with what they're giving me now is tough," pagtukoy ni Arjo.

"Akala ko, magiging madali.  Or, hindi naman sa madali, pero I mean, yung kahit papa'no, may balance akong makukuha.

"Kasi I've been doing this for four months now [Dugong Buhay premiered on April 8; na-extend ang airing after one season].

"Nu'ng pinagawa sa akin, ang hirap!  Hirap na hirap ako!

"Kahit 3 weeks [lang], it took me a month to adjust!

"Ang hirap!"  revealed Arjo.  "Para sa akin kasi, first part, happy-go-lucky... happy-go-lucky...

"Tapos, kakausapin ako bigla ng production, 'Magkaka-twist ka na. magkaka-krung-krung, magkaka-topak ka na!'

"'Unti-unti kang magkakaroon ng character change; development.'  

"I have to focus.  So, yung part 2, wala na.

"Nu'ng start po ng Dugong Buhay, all happy, pa-cute, di ba?  It's all like that. Yung ganon.

"But when they told me that my character was gonna change, from that day na yung pa-sweet-sweet, meron na akong pinapakita na mga topak na gano'n; mga tingin na gano'n... and simple nuances.

"Nakikita n'yo, na this guy [Rafael De Lara] is changing.  Slowly.

"Pero sa nuances, makikita mo dun yung ugali, parang... pak!  'Uy, sabi ko na nga ba, magbabago siya, e...'

"Di ba? Hindi yung bigla, na 'Bakit siya nagbago bigla?'

"At least, hindi magugulat yung manonood.  

"Ang mga Pinoy pa naman, very judgemental sa mga ganyan," sambit pa ng seryosong young actor.

Nakatakda pang magkaroon ng isang buwang extension ang action-drama series hanggang September.

Hintayin na lang ng mga manonood kung magkakaroon ng isa pa uling extension ang afternoon action-drama series sa Kapamilya Network.

Ang original na Dugong Buhay ay pelikula na tinampukan ng mag-amang Ramon Revilla, Sr. at Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr. (his debut film-starrer) noong 1983. Ang original movie ay written and directed by Carlo J. Caparas.  

Ang ABS-CBN TV series na Dugong Buhay ay sa ilalim ng direksiyon ni Toto Natividad.  Kabilang din sa cast sina Yam Concepcion (as Sandy De Guzman), Jed Montero (as Trisha Santos), Lito Pimentel (as Pablo de Guzman), Sunshine Cruz (as Isabel De Lara), Ana Capri (as Elena Pineda), Rolando Inocencio (as Santi del Mundo), at Ketchup Eusebio (as Christopher "Tope" Bukid).