Julie Anne San Jose is cast as a blind girl in GMA-7's upcoming teleserye Kahit Nasaan Ka Man. This soap opera is expected to replace the primetime series Anna Karenina.

Photo: Noel Orsal

Kahit na kasagsagan ang ulan noong nakaraang Lunes, September 16, hindi ito naging hadlang para hindi matuloy ang taping ng bagong GMA primetime teleserye na Kahit Nasaan Ka Man. Ito ang unang proyekto na pagsasamahan nina Julie Anne San Jose at Kristoffer Martin.

Ito rin ang papalit sa malapit nang matapos na Anna Karenina.

Sa naturang taping day, kinunan ang unang pagtatagpo ng characters nina Julie Anne at Kristoffer. Kaso nga lang ay bulag ang role ni Julie Anne kaya hindi niya alam na tinititigan na pala siya ni Kristoffer.

Nagpapasalamat si Julie Anne dahil sa pagbigay sa kanya ng magandang role sa Kahit Nasaan Ka Man. Inspired raw ito sa kuwento ni Fatima Soriano, isang bulag na umaawit ng mga religious songs.

Pinanganak na bulag si Fatima at ipinakita ang life story nito noong nakaraang taon sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN.

“Sobrang inspiring ang tunay na kuwento ni Fatima Soriano.

“Nakilala ko na po siya before at natutuwa po ako na inspired ng buhay niya ang ginagampanan kong role ngayon.

“Gusto ko pong magampanan ng maayos ang role ko kaya pinag-aaralan ko ng husto ang mga kilos ng mga taong bulag,” kuwento pa ni Julie Anne nang makapanayam namin siya pagkatapos ng kanyang recording sa GMA Network Center.

Matagal nang hindi nagawa ng TV series si Julie Anne. Huli pa niyang nagawa ay ang Together Forever kasama ang ka-loveteam na si Elmo Magalona.

“Mas nag-concentrate po ako sa recording after Together Forever.

“Nagpasabi naman ako mas magiging priority ko yung album at hindi muna ako gagawa ng teleserye.

“Worth it naman po kasi naging maganda ang kinalabasan ng album. Umabot po siya ng 5 times Platinum.

“Ngayon po, right timing lang na bumalik ako sa acting and nagkataon na maganda ang project na hinanda nila para sa aming dalawa ni Kristoffer.”

Nagkuwento si Julie Anne ng unang taping day nila ni Kristoffer na magkasama sila. Maayos naman daw ang trabaho nila ni Kristoffer dahil matagal na nga raw silang magkakilala.

“First time po namin to work with one another sa isang teleserye. Though nakapag-guest ako before sa Reel Love Presents Tween Hearts.

“Pero we’ve been working with one another noong Party Pilipinas pa at ngayon sa Sunday All Stars. Nasa team Instagang ako ngayon and Kristoffer is with Tropang Trending.

“Hindi po mahirap katrabaho si Kristoffer dahil very professional siya at masaya siyang kasama off-cam,” ngiti pa ni Julie Anne.

Wish ni Julie Anne na matanggap siya ng mga fans ni Kristoffer at ng girlfriend nitong si Joyce Ching. Aware si Julie Anne na may sariling fans ang dalawa at sana’y suportahan daw sila sa kanilang teleserye.

Maging ang mga fans nila ni Elmo Magalona ay hinihingan ng suporta ni Julie Anne na abangan ang teleserye nila ni Kristoffer.

“Ang ginagawa naman po namin ni Kristoffer ay trabaho na binigay sa amin ng GMA-7.

“Gusto naming maging maganda ang kinalabasan nito and we need the support of our fans—fans ko at fans ni Kristoffer.

“Maganda po ang kuwento nitong Kahit Nasaan Ka Man at marami ang makaka-relate sa mapapanood nila sa amin.”

Walang panghihinayang si Julie Anne nang tanggalin siya sa cast ng teen suspense thriller na Dormitoryo dahil mas malaki at mas magandang role ang binigay sa kanya sa Kahit Nasaan Ka Man.

“I would have loved to worked with the cast of Dormitoryo.

“Pero siguro nga po hindi para sa akin yung role sa Dormitoryo at mas nabigyan ako ng role na matsa-challenge ako.”

Nakapag-recording na rin sina Julie Anne at Kristoffer ng theme song ng Kahit Nasaan Ka Man. Ito ay may titulong "I’ll Be There" na galing sa self-titled album ni Julie Anne.

Nagkatuwaan sina Julie Anne at Kristoffer during the recording ng kanilang duet. Tinuro pa ni Julie Anne kay Kristoffer kung paano awitin ang part niya sa kanilang duet.

“Matutuwa po ang mga fans namin ni Kristoffer kasi maganda ang kinalabasan ng duet namin.

“First time ko ngang maka-duet sa isang recording si Kristoffer at mabilis po kaming nakapag-blend ng boses namin.

“Kahit na paminsan-minsan ay nagkakatawanan kami, nagawa pa po namin ng maayos ang recording namin.”

Kasama rin sa Kahit Nasaan Ka Man sina Ronaldo Valdez, Tessie Tomas, Eula Valdes, Yayo Aguila, Lucho Ayala and Ricky Davao.