Johnny Manahan, who has been in the industry for over three decades, will receive the Lifetime Achievement Award during the 23rd Star Awards for Television. Photo: Noel Orsal

Nang itatag ng Philippine Movie Press Club (PMPC) ang Lifetime Achievement Award, pinangalan nila ito kay Ginoong Ading Fernando, ang sikat na komedyante noong 1970s at naging direktor ng popular na TV series na John en Marsha. Namatay si Mr. Fernando noong 1984, ngunit hanggang ngayon kinikilala pa rin siya bilang isa sa mga "haligi" ng industriya ng telebisyon sa Pilipinas. Bilang pagpupugay sa kanya, ang pinakamataas na karangalan ng PMPC Star Awards for Television ay pinangalan sa kanya.

Ngayong 2009, karagdagan sa prestihiyosong listahang 'yon si Ginoong Johnny Manahan na gagawaran ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award.

Ayon sa PMPC, ang award ay para sa kanyang mga natatanging kontribusyon sa daigdig ng telebisyon, bilang isang batikang direktor ng mahigit tatlumpung taon, sa kanyang pagmamahal sa propesyon, sa kanyang walang kuwestiyon na kredibilidad at integridad bilang director-actor-writer, at sa kanyang husay bilang talent manager na patuloy ang pagtuklas at pag-alaga sa mga sikat na kabataang artista ng bansa.

Sinu-sino nga ba ang mga artistang ito na lumaki na ang mga pangalan at patuloy na nagniningning ang kanilang bituin—dahil sa pagma-manage ni Johnny Manahan na mas kilala bilang si "Mr. M" ng showbiz?

Kabilang dito sina Piolo Pascual, John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, Diether Ocampo, Angelica Panganiban, Kristine Hermosa, Sam Milby, Vina Morales, Jake Cuenca, at ang tinuturing na hottest young loveteam ngayon na sina Gerald Anderson at Kim Chiu.

Ilan lamang sila sa mga sikat at iniidolo ng masang Pilipino na mina-manage ni Mr. M sa ilalim ng ABS-CBN Star Magic (na dating kilala bilang Talent Center).

Bilang isang respetado at makabagong "Star-Maker," ayon sa PMPC, siya ang isa sa mga utak na naglunsad ng Ang TV noong 1992 upang mag-develop ng home-grown talents ang Dos. Taong 1995 naman nang "ipinanganak" ang Star Circle, with Batch 1 led by Rico Yan.

Para kay Mr. M, upang sumikat ang isang baguhang artista, importante para sa kanya hindi lamang ang itsura nito, kundi pati na ang talent, charisma, personality, constant reinvention ng sarili, at ang tinatawag na "X-factor."

Ngunit sino nga ba si Mr. M bago siya naging isang sikat na "Star-Maker" at television and film director?

Si Juan Ledesma Manahan, o Mr. M, ay ipinanganak noong February 11, 1947. Mula sa Quezon City, ang mga magulang niya ay sina Dr. Constantino Perez Manahan at ang socialite na si Ms. Elvira Ledesma Manahan na nakilala rin sa telebisyon noong araw with her Two For The Road show.

Isang Katoliko, at may taas na 6'2", si Mr. M ay nagtapos ng high school sa Ateneo de Manila noong 1964 at ng kolehiyo naman sa University of California sa Berkeley ng kursong AB Art History noong 1969.


Bago pa man kinilala bilang director-talent manager, ipinamalas ni Mr. M sa kanyang personal na buhay ang pagmamahal niya sa larangan ng sining o arts.

Siya ay naging isa ring visual artist, pintor, at sculptor. Katunayan, dahil sa "passion" niyang ito, nagwagi siya ng "Special Citation" award sa Paris Beinnale of Art noong 1979.

Sa simula ay naging freelance TV director muna si Mr. M, mula 1971 hanggang 1986. Sa mga unang taon niya sa telebisyon, naging direktor siya ng The Big, Big Show, Mana, at 2+2 (sa BBC-2, lumang ABS-CBN). Dinirek niya rin ang Julian Talisman, Kaluskos Musmos, Alab ng Lahi, at Model (sa RPN 9 lahat); Musmos Pa Si Boss , at ang For the Boys (IBC 13).

Pinagdaanan rin niya ang maging "guest director" ng shows tulad ng Two for the Road (GMA 7), In the Money (IBC 13), Mga Kwento Ni Lola (RPN 9), Dina (BBC 2), at Late Hour with June & Johnny (GMA 7).