Will Juanita Banana (Bianca Manalo) end up with Rikitik (Matt Evans, left) or with Joaquin (Rodjun Cruz, right)? Find out when ABS-CBN's afternoon series ends in three weeks' time. Photo: Allan Sancon

Malapit nang magtapos ang sinasabing "pinakamasustansyang" teleserye ng ABS-CBN, Juanita Banana, na pinagbibidahan ng beauty queen-turned-comedy actress na si Bianca Manalo.


Halos umabot ng 17 weeks ang afternoon series na ito na solo TV project ng 2009 Bb. Pilipinas-Universe title holder. Unang napanood si Bianca sa primetime teleserye na Magkaribal.


"Nalulungkot po ako na natutuwa sa pagtatapos ng Juanita Banana. Natutuwa ako dahil sa teleseryeng ito, marami po akong natutunan hindi lang po sa mga directors namin, maging sa mga co-stars ko po na  itinuring ko na rin pong tunay na kapamilya.

"Nalulungkot po ako dahil ma-miss ko po silang lahat, lalung lalo na po si Ate Katya [Santos], na halos itinuring ko nang kapatid dito," sabi ni Bianca sa farewell presscon na ginanap kagabi, January 31, nang tanungin siya kung ano ang nararamdaman niya sa pagtatapos ng kanyang teleserye.


Gano'n din ang nararamdan ng kanyang co-stars sa pagtatapos ng TV show na idinirehe ni Jeffrey Jeturian. Halos maluha-luha nilang ipinahayag ang kanilang kalungkutan sa pagtatapos ng kanilang teleserye.

Ngunit abangan daw ang pagtatapos nito dahil mas marami pang masasaya at kapanapanabik na pangyayari sa mga susunod na episode ng Juanita Banana.


Makikita sa trailer ang mangyayari sa huling tatlong linggo ng Juanita Banana. Bahagi sa trailer nito ang nakakakilig at sweet kissing scene ni Bianca sa dalawa niyang leading men na sina Rodjun Cruz at Matt Evans.

Ang tanong tuloy ng marami ay kung kanino nga ba mapupunta si Juanita Banana? Kay Rikitik (Matt) ba na magpapabalik sa ina niya sa lupa or kay Joaquin (Rodjun) na kanyang sweetie?


Nang tanungin ng press si Bianca kung sino ang may pinaka-sweet na halik, hindi makasagot ang dalaga kung sino sa dalawa ang kanyang pipiliin. Pabiro niya na lang sinabi na kay Aaron Junatas daw ang pinakamatamis na labi kasi lagi daw siyang hinahalikan nito sa set ng kanilang taping.


Nang si Rodjun naman ang tanungin upang i-describe ang kissing scene nila ni Bianca, ito ang kanyang sinabi: "Kung ikukumpara sa isang saging yung halik ni Bianca Manalo, parang siyang isang sa pinakamasarap na saging, para siyang minatamis na saging sa tamis."


Ano naman ang mami-miss ni Rodjun sa pagtatapos ng Juanita Banana?

"Mami-miss ko lahat ng cast, staff, yung mga crew, halos lahat mami- miss ko dahil yung bonding namin dito ibang-iba talaga. Di nga namin namamalayan na nagtatrabaho kami, parang naglalaro lang kami dito. Na kahit pagod na kami, lahat ng tao sa taping nakangiti kaya nawawala pagod mo. Kaya sobrang mami-miss ko silang lahat."


Higit tatlong taon nang magkasintahan sina Rodjun at Dianne Medina. Nagseselos ba ang kanyang girlfriend sa kissing scene nila ni Bianca?


"Hindi naman po, alam naman ni Dianne na magkaibigan kami ni Bianca. Alam niya pati yung kissing scene namin na yun, 'saka kahit di ko naman ipagpaalam sa kanya yun, alam niya naman trabaho lang yun at di maiiwasan yung mga ganung eksena."


Nilinaw rin ni Rodjun na hindi na siya Star Magic artist dahil lumipat na siya ng ibang manager. Under na siya kay Noel Ferrer na humahawak ngayon ng kanyang career. 

Sinabi niya rin na bagamat nakikita siya as regular performer sa Sunday variety show ng TV5 na P.O.5, wala siyang kontrata sa TV5, kaya puwede siyang mag-appear sa iba't ibang shows ng TV networks.