[x]
TV5s youth-oriented series, Bagets, is topbilled by (L-R) Josh Padilla, Nadine Lustre, AJ Muhlach, Rico dela Paz, Shy Carlos, Aki Torio, Meg Imperial, Johan Lourens, and Eula Caballero.

Ang isa sa mga pinakapopular na pelikula noong 1984 ay nagbabalik, hindi sa mga sinehan kung hindi sa inyong mga telebisyon. Ngayong 2011, ipalalabas sa TV5 ang television version nito, ang youth-oriented show na Bagets.


Ang orihinal na pelikula ay tungkol sa limang lalake na magkukrus ang landas habang nagdadaan sa iba't ibang mga problema na karaniwang nararanasan ng mga kabataan.

Ito ay pinagbidahan nina William Martinez, Herbert Bautista, J.C. Bonnin, Raymond Lauchengco, at Aga Muhlach.


Ngunit ngayon, bibigyan ng bagong anyo ang Bagets. Ipapakita rito ang mga mas napapanahong problema na pinagdadaanan ng isang typical na teenager. Katulad ng pagbabagong bihis sa palabas, ito ay pagbibidahan din ng mga pinakabagong young stars ng henerasyong ito.


Ang TV series ay pinagbibidahan ng XLR8 members na sina AJ Muhlach bilang Ace at Aki Torio na papapel bilang Hiro. Si AJ ang nakababatang kapatid ni Aga Muhlach, na isang contract artist na ng Kapatid network.


Makakasama nila ang bagong talent ng Viva Entertainment na si Josh Padilla bilang Jules, ang Star Factor finalist na si Rico dela Paz bilang JC, at si Johan Lourens na gaganap bilang Santi.


Kasama rin nila ang mga dalaga na mas magpapakulay sa istorya ng limang magkakaibigan—sina Nadine Lustre as Georgina, si Shy Carlos bilang Gayle (na kapwa nagmula sa grupong Pop Girls), si Meg Imperial bilang Leizl (na lumabas na sa ilang mga programa sa TV5) at ang Star Factor winner na si Eula Caballero na gaganap bilang Tara.


Sa nakaraang presscon ng Bagets, isa-isang kinuwento ng mga main cast ang kanilang magiging papel sa bagong youth-oriented show ng TV5. Si Ace (AJ Muhlach) ang pinaka-athletic sa grupo na magkakagusto kay Georgina. Ayon kay AJ, "Si Ace Delgado po is 3rd year high school student na sobrang mapagmahal sa mommy niya.


"May athletic scholarship po siya so ginagawa niya po yung lahat para ma-stay yung scholarship niya kasi prestigious school yung pinapasukan ko kaya dapat mag-excel."


Si Jules (Josh Padilla) naman ang mayabang na balikbayan na may masamang karanasan sa ibang bansa kaya bumalik ng Pilipinas at ang makakaribal ni Ace kay Georgina. Kuwento ni Josh, "Si Jules, basically siya yung maangas, he has problems with his family, dad niya particularly.

"Tapos galing siya ng Canada, from Philippines galing siyang Canada then back to the Philippines. Kasi may nagawa siya dun sa Canada kaya bumalik na siya sa Philippines."


Nandyan din si JC (Rico dela Paz) ang "emo" ng barkada na magiging love interest ni Gayle. Kuwento ni Rico, "Si JC is yung suplado guy, yung emo, pero makulit pag kasama yung friends."


Mama's boy, 'yan si Santi (Johan Lourens). Sabi pa ni Johan, "Si Santi po, mama's boy siya, mayaman, mayabang, pero loyal siya sa barkada niya, he helps out yung barkada niya in any way possible so good guy siya."


Si Hiro (Aki Torio) naman ang may interes kay Liezl. Ayon kay Aki, "[Si Hiro], siya yung pinakamakulit sa amin, meron din po siyang family issue, ka-love team ko po si Liezl. Patay na patay po siya sa kanya. Isa akong half-Japanese dito."


Ang "boyish" girl na pag-aagawan nina Ace at Jules ay si Georgina (Nadine Lustre). Isang matalinong estudyante naman ang karakter na si Georgina. "Georgina po siya, yung academically marked at the same time antipatika siya. Medyo tomboyish siya, medyo boyish siya tapos medyo tingin niya sa sarili niya mataas," ani Nadine.


Ang bubbly girl na patay na patay kay JC ay walang iba kung hindi si Gayle (Shy Carlos). Patutunayan ni Gayle na "opposites attract" dahil sa  kabila ng masayahin niyang karakter ay mai-in love siya sa isang "emo" na lalaki. Dagdag pa ni Shy, "Very bubbly parang 24/7 Miss Sunshine talaga. Tapos friendly, parang friend ng bayan. Very girl, mahilig sa color pink, tapos Hello Kitty addict."


Si Liezl (Meg Imperial) na love interest ni Hiro ang pinaka-proper sa mga girls. Ngunit may malungkot na buhay rin ito. Ayon kay Meg, "Siya [Liezl] yung pinaka-proper, and mayaman siya, almost perfect na sana kasi nakukuha niya yung luxuries in life pero yung parents niya laging out of the country so mag-isa lang siya sa bahay kasama niya lang yaya niya. Snob siya pagdating sa school, friends niya very few few lang."


Last but not the least ay ang social climber na si Tara (Eula Caballero), ang sosyalerang sa huli ay mahahanap ang ituturing niyang tunay na mga kaibigan.


"Si Tara she doesn't belong in any group pa at first, so gusto niya maging popular so nagpu-put up siya ng images of herself, so in short, pretender, poser, hindi siya ganun kayaman. She wants to be like others na nagsta-standout sa campus and to be popular. And then hindi naman siya totally bad, mabait siya pero nadala siya ng mga gusto niya, ng mga desires niya, mali yung paraan niya to achieve it, to achieve that."


Mga kabataan na iba't iba ang personalidad at katayuan sa buhay na magtatagpo at makakahanap na tunay kaibigan at karamay sa mga problema na kanilang kakaharapin bilang isang teenager, iyan ang kuwento ng Bagets.


Ang show na ito ay sa ilalim ng direksyon ni Mark Reyes, na siyang nag-direk sa dating youth-oriented series na TGIS.


Abangan ang pag-ere ng Bagets simula May 15 (Sunday) sa TV5.