[x]
  Ai-Ai delas Alas (in photo) will topbill Wako Wako, ABS-CBN's fantaserye about a creature that can grant wishes. Photo: Allan Sancon

Matapos iderehe ang mga fantaserye na Kampanerang Kuba, Marina at Kokey na tumatak sa puso ng mga manonood, muli na namang gagawa ng fantaserye sa ABS-CBN si Direk Wenn Deramas. Ito ay ang Wako Wako kunsaan makakasama niya muli si Ai-Ai delas Alas, matapos ang matagumpay nilang pagsasama sa blockbuster franchise na Tanging Ina Mo. Ito naman ang unang pagkakataon na magkatrabaho sila sa isang fantaserye. Sa pictorial nila kamakailan ay nagkaroon ang PEP.ph na makapanayam sina Direk Wenn Deramas at Ms. Ai-Ai tungkol sa bago nilang fantaserye.

Makakasama rin ni Ai-Ai sa Wako, Wako sina Gladys Reyes, Vandolph Quizon, Carlos Agassi, Franco Daza, Maricar De Mesa, Liezl Garcia, Markki Stroem, Dennis Padilla, Malou De Guzman, Abby Bautista, at Eagle Riggs. Introducing rin sa palabas na ito ang batang gumanap na Coco Martin sa Walang Hanggan na si Yogo Singh. Ipapalabas na Marso 2012 ang bagong fantaserye ng Kapamilya Network.

AI-AI DELAS ALAS.

"Eto ang muli naming pagsasama namain ni Direk Wenn at ito ay pambatang fantaserye at ito ay tinatawag nating Wako Wako. Excited ako kasi kita n'yo naman na ponkan na ponkan ang kulay ng damit at costume ko, orange na orange ako. At yan ang ating color of the year: orange! Because of Wako Wako."


Ano po ang role n'yo dito sa show?

"Ako rito ang Diyosa ng mga Arukan. Diyosa ako! In short, ako talaga ang Diyosa rito."

DIREK WENN DERAMAS.

Kamusta po itong bagong teleserye ng ABS-CBN na kayo po ang magdidirek?

"Excited ako kasi balik fantaserye ako, from Marina, Kokey, Kampanerang Kuba at marami pang iba. Tapos ngayon, balik ako sa bagong fantaserye na pinamagatan ngang Wako Wako."


Paano n'yo po iko-compare ito sa huling fantaserye n'yo na Kokey?

"Ibang iba! Iba yung istorya, iba yung mga artista. Iba yung kwento at iba mismo yung creature na gagamitin. Kasi di ba si Kokey at isang alien di ba? Si Wako Wako ay isang Wish Elf. Dun pa lang ibang iba na talaga yung karakter talaga nung dalawang creature na yun na iba yung pino-provide. Si Kokey ay aksidenteng lumanding dito sa earth at dito siya nagsabog  ng kanyang ka-cute-an while si Wako ay mayroon talagang misyon at mayroon siya talagang dapat baguhin dito sa mga karakters katulad nina Gladys, Vandolph at saka ni Yogo."

Eto ang pagbabalik trabaho n'yo ni Ms. Ai-Ai matapos yung matagumpay ninyong Tanging Ina Mo, Last Na 'To. How excited are you na makatrabaho uli siya this time hindi sa pelikula kundi sa isang fantaserye?

"Oo naman! Sabi ko nga nung nag ka casting kami, ayaw ko si Ai-Ai na siya yung nanay, gusto ko iba naman, para may bago na naman kaming ibibigay at ipapakita. Gusto ko siya yung Diyosa, kasi mas mapapaglaruan ko kasi siya bilang Diyosa ng mga Wako Wako."

Ano po yung bagong challenge na nakikita n'yo sa pagbuo nitong bagong fantaseeye n'yo?

"Kapag may ginagawa ako, ang lagi kong tanong sa management: ano ang bago rito? Ibig sabihin, the fact na tinanggap ko yung Wako Wako, ibig sabihin bago na naman ito sa paningin ng mga manonood. Baka kasi sabihin nila it's another creature like Kokey. Hindi! Hindi lang siya talaga ganun. Makikita naman nila talaga kung ano ang kaibahan. Ang masasabi ko lang sa mga manonood yung mga wishes nila ay matutupad dito sa Wako Wako."

Pwede po ba kayo magbigay ng konting info tungkol sa bago ninyong fantaserye?

"Katulad nga ng sabi ko, si Wako Wako ay isang creature na pwede kang humiling ng kahit na ano. May limitasyon pala yun pagdating sa pag-ibig mga ganyan, pero mag iingat ka palagi sa hinihiling mo. Kasi baka may kapalit ito. Kumbaga yun ang idea nung kwento."