"Hinamon ko si DJ Mo na i-guest niya ako sa show niya, pero ayaw niya. Takot mag-one-on-one sa akin. I don't know. I really want to."
Ito ang pahamon na pahayag ng former Pinoy Big Brother housemate na si Uma Khouny nang makapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) nuong January 16, sa Italianni's Restaurant, SM Megamall, pagkatapos ng premiere night ng Agent X44.
Kinunan ng PEP ng reaksiyon ang Filipino-Israeli actor tungkol sa controversial radio program ni Mo Twister na Good Times. Ilang beses na kasing nababanggit ang pangalan ni Uma sa kilalang-kilalang "Forbidden Questions" segment ng programa.
Sa tanong na sino ang closet gay sa showbiz, si "Uma" ang isinagot nina John Lapus at Hero Angeles sa magkahiwalay na panayam. Kahapon nga lang, nang mag-guest si Luis Alandy sa Good Times ay si Uma rin—at si Paolo Ballesteros—ang binanggit.
Maging noong nasa loob pa lang siya ng Pinoy Big Brother house ay pinagdududahan na ang kasarian ni Uma. At hanggang ngayon, hindi pa rin siya tinatantanan ng isyung ito.
"Wala akong magagawa...Keep on saying whatever you want. Actually, natutuwa ako kasi sumisikat lalo ako. Diyos ko, kahit murahin nila ako, kahit gawin nila gusto nilang gawin o sabihin, I love it! Nandun yung pangalan ko sa kanila. Pinapakita nilang how inggit those tao are," reaksyon ni Uma sa madalas na pagbanggit ng kanyang pangalan sa radio show ni DJ Mo.
Nang tanungin naman kung papaano niya hinaharap ang ganitong isyu, ang sabi niya ay: "Di ko kailangang i-handle kasi kilala ko sarili ko. Kahit ano sabihin nila, ‘eto sa kanila!" (Uma flashes the dirty-finger sign.)
Gumaganap bilang vampire si Uma sa Agent X44 na nagsimulang ipalabas kahapon, January 17.