Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, January 22, sa telepono ang Startalk co-host at talent manager na si Lolit Solis habang hinihintay niya ang kanyang flight sa Los Angeles International Airport.
Pabalik na si Lolit sa Pilipinas at nang makausap namin siya, ikinuwento niya na panay ang tawag sa kanya ni Gretchen Barretto noong Linggo ng madaling-araw (Linggo ng gabi sa Pilipinas).
Alam ni Lolit na may kinalaman ang missed calls ni Gretchen sa phone patch interview ng talent manager sa S-Files last January 21.
Sa naturang interbyu, ipinagtanggol ni Lolit ang mag-asawang Lani Mercado at Senador Bong Revilla laban sa mga batikos ni Gretchen.
Napanood ni Lolit ang VTR interview kay Gretchen ng Startalk na ipinalabas noong Sabado, January 20, at hindi niya nagustuhan ang mga statement ng aktres laban kina Lani at Bong.
Ayon kay Lolit, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni Gretchen, na tila "fatally attracted" daw kay Bong dahil updated ang aktres sa personal na buhay ng senador.
Nagsalita si Lolit na kapag ipinagpatuloy ni Gretchen ang mga paninira laban kina Lani at Bong, mapipilitan siyang sabihin ang mga nangyari noon sa 1994 Manila Film Festival Scam na hindi pa nalalaman ng publiko.
Nag-umpisa ang gulo nang ma-offend si Gretchen sa Christmas wish sa kanya ni Lani na magkaroon na sana siya ng "marriage" sa partner nitong si Tonyboy Cojuangco.
Naglitanya si Gretchen na "wedding" lang at hindi "marriage" na maituturing ang pagsasama nina Lani at Bong dahil hindi raw faithful si Bong sa asawa.
Sinabi ni Lani na "I have six beautiful children." Kinontra ito ni Gretchen dahil baka raw nalilimutan ni Lani na "Bong has seven beautiful children."
Nagalit si Lolit sa mga statement ni Gretchen dahil kung talagang masaya raw ito sa piling ni Tonyboy, bakit tungkol pa rin kay Bong ang sinasabi ng aktres?
Umapela naman si Bong sa GMA-7 at ABS-CBN na ihinto na ang pagbabalita tungkol sa nabanggit na kontrobersiya. Nahihiya raw siya dahil maraming tao na ang nadadamay.
Humingi rin si Bong ng paumanhin kay Tonyboy at sa ibang tao na nadamay.
Samantala, na-offend ang ilang miyembro ng media sa sinabi ni Bong na mataas na ratings ang dahilan kaya pinalalaki ng media ang isyu. Dapat daw ipaalaala kay Bong na nag-umpisa ang gulo dahil na rin sa pagsasalita sa media ng mga tao na sangkot sa isyu.
Sa kabilang banda, meron na ring mga miyembro ng media na sumasang-ayon kay Bong na sumusobra na ang alitang Gretchen-Lani. Dapat na ngang tigilan ng dalawa ang mga parinig at patutsada. Ngunit sa dalawa, si Gretchen ang sinasabi nilang dapat mas mag-isip isip bago magsalita.





