Jenica Garcia (left), Jean Garcia's (right) daughter with former matinee idol Jigo Garcia, formally joins the showbiz world via GMA-7's drama series Impostora. Photo: Noel Orsal (Jean) & File photo (Jenica)

Ready nang sumabak sa showbiz ang 17-year old daughter ni Jean Garcia kay Jigo Garcia na si Jenica Alexis Garcia.



Naka-graduate na ng high school si Jenica at nakapagdesisyon na siyang sumunod sa yapak ng kanyang mga magulang. Si Jigo ay dating miyembro ng That's Entertainment gaya ni Jean at lumabas sa ilang pelikula ng Regal Films.

Ang request lang daw ni Jean sa anak ay huwag itong tumigil sa pag-aaral.



"Pinayagan ko na siyang mag-showbiz kasi matagal na niyang gusto ito, e. Pero sinabi ko sa kanya na gusto kong makatapos siya ng college degree. Pangarap ko sa kanya ‘yon," sabi ni Jean.



"Tutal at summer naman, puwede siyang mag-showbiz. Excited na nga siya kasi mukhang matutupad na ang wish niya na umarte sa TV at sa pelikula. Kasi noong bata pa siya, naranasan na niyang mag-commercials, di ba? Ngayon at dalaga na siya, she wants to experience naman acting with people her age."



Ayaw raw matawag ni Jean na isang stage mother kaya hindi raw siya makikialam sa anumang gawin ng kanyang anak sa showbiz. Ipagkakatiwala raw niya ito sa manager ni Jenica na si Manny Valera.



"I trust naman Tito Manny na maaalagaan niya si Jenica. Kung ako pa ang mag-aasikaso sa kanya, paano na ang career ng mother niya, di ba?" paliwanag ni Jean.

"Tsaka whatever ang pasukin niya sa showbiz, nandiyan lang ako. Pero hindi ako magbabantay sa set, ‘no! Hindi ko feel! Ayokong matawag na stage mother at baka pagtawanan lang ako ng mga tao kapag nakialam ako sa anak ko," natatawa pa niyang kuwento.



Alam naman daw ng ama ni Jenica na si Jigo na pangarap talaga ng kanilang anak na pasukin ang showbiz. Ayon pa kay Jean, open ang communication nina Jigo at Jenica at sa katunayan, tuwing Sunday ay magkasamang nagsisimba ang mag-ama sa GCF sa Greenhills.



Ani Jean, "Kahit naman noong maliit pa si Jenica, nandiyan naman si Jigo to guide her. Hindi naman siya nawala sa anak niya. Kung anuman ang kailangan pagdesisyunan for Jenica, may say pa rin si Jigo.



"May mga plano pa nga kaming sa States mag-aaral si Jenica, pero mukhang maiiba ang plano dahil hilig ng bata ang showbiz. Kanino pa ba magmamana, e, parehong artista ang mga magulang niya, di ba?" sabi pa ni Jean bilang pangwakas.



Tampok si Jean sa bagong sitcom ng GMA-7 na Who's Your Daddy Now?, kung saan bida sina Joey Marquez, Raymart Santiago, at Alynna Asistio.

Si Jenica naman ay kasama sa bagong sopa opera ng GMA-7, ang Impostora starring Sunshine Dizon, Iza Calzado, at ang kanyang mommy na si Jean. Makaka-love triangle si Jenica nina Mart Escudero at Rich Asuncion.