Si Geneva Cruz ang napili ng Solar Films big boss na si Wilson Tieng para kumanta ng Philippine National Anthem sa laban nina Manny Pacquiao at Jorge Solis sa Alamodome sa San, Antonio, Texas, sa April 15 (April 14 sa United States).
Humingi ng tulong si Wilson Tieng sa talent manager na si Shirley Kuan para makahanap ng singer na puwedeng kumanta sa laban ni Pacquaio. Ang ilan sa mga singers na sinubukang kunin para kumanta ng Philippine National Anthem sa Pacquiao-Solis fight ay sina Lani Misalucha, Rachel Alejandro, Rachelle Ann Go, at Carol Banawa. Pero ang naging final choice ay si Geneva dahil siya lang ang available on Sunday.
May mga shows on that day sina Lani at Rachelle Ann (kasama ang boyfriend na si Christian Bautista), same thing with Carol Banawa. Si Rachel naman ay nakauwi na ng Pilipinas.
Natutuwa naman si Geneva na siya ang napili. Dapat sana ay magpapadala na lang thru FedEx ng terno ang manager niyang si Arnold Vegafria para may maisuot siya sa boxing match. Mabuti na lang at nagpadala si Geneva ng dalawang terno sa mister niyang si KC Montero, na sumunod sa kanya sa Amerika, kaya may isusuot siya sa pagkanta niya sa Alamodome kung saan gaganapin ang laban nina Pacquiao at Solis ng Mexico.
Ayon kay Shirley, nang kumpirmahin kay KC ang pagkanta ni Geneva sa laban nina Pacquiao at Solis, narinig niya sa background na nagre-rehearse si Geneva ng "Lupang Hinirang," ang National Anthem ng Pilipinas.
Binilinan pa ni Shirley si Geneva na hindi siya dapat magkamali sa lyrics at tono ng National Anthem. Sabi naman ni Geneva, since grade school ay kinakanta na niya ito kaya hindi siya magkakamali. But just to make sure ay nagre-rehearse si Geneva for this.