"Nakakahiya naman kasi baka isipin ng mga taga-Dos ay ginagamit ko sila. Mas nakakahiya naman sa Siete because I'm presently working with them," explains Sheryl Cruz about the rumor that she received an offer from ABS-CBN. Photo: Courtesy of GMA-7


Natawa lang ang aktres na si Sheryl Cruz sa balitang nagbalak daw siyang lumipat sa ABS-CBN pagkatapos ng Bakekang. May nakakita raw kasi kay Sheryl na nasa bakuran ng Dos kamakailan. Ayon pa sa balita ay mas mataas daw ang talent fee na offer kay Sheryl kaya kinu-consider daw niyang tanggapin ito kung hindi lang daw siya nakapagsimula na sa Sinasamba Kita, ang first offering ng Sine Novela ng GMA-7.



Pinabulaanan ni Sheryl ang mga ito. Wala raw siyang natanggap na offer mula sa sa rival station ng GMA-7 at matagal na raw siyang hindi pumupunta sa premises ng Kapamilya Network.



"The last time I was at ABS-CBN was noong December 2006 pa when we were promoting Shake, Rattle & Roll 8. After that ay never na akong nakabalik doon kasi naging busy na ako sa Bakekang," sabi ni Sheryl.



"There is no such offer mula sa Dos," patuloy niya. "Nakakahiya naman kasi baka isipin ng mga taga-Dos ay ginagamit ko sila. Mas nakakahiya naman sa Siete because I'm presently working with them. Kung sinuman ang nagsabi na may offer ako, mali sila because wala akong kaalam-alam."



Isang mabigat na role na naman ang napunta kay Sheryl sa Sinasamba Kita, ang role ni Divina, na unang ginampanan sa pelikula ng kaniyang ninang na si Vilma Santos.



"I saw the film pero ayokong i-pattern ang magiging acting ko sa ginawa ni Ninang Vi," sabi ni Sheryl. "Iba ang style na gusto ni Direk Joel [Lamangan] at naibigay ko naman. I also want to create a new character after doing Valeria in Bakekang. Masyado kasing strong ang naiwang impact ng role kong ‘yon and a lot of people still call me Valeria hanggang ngayon. Kaya sana next time ay Divina na ang maitatawag nila sa akin."

 

Dahil sa sunud-sunod na projects sa GMA-7 ay hindi na muling nakapagbakasyon si Sheryl sa United States, kung saan naka-base ang kaniyang mister na si Norman Bustos. Baka raw sa September na siya makapagbakasyon with her family sa US dahil ikakasal din daw ang sister-in-law niya roon.



"As much as I want to take a vacation, hindi puwede kasi sunud-sunod ang work. Pero after Sinasamba Kita ay may plano na talaga akong magpahinga. Timing na ikakasal ang sister-in-law ko sa States by September kaya itataon na nandoon ako para tuhog sa pagbakasyon ko with Norman and our baby girl Ashley," panghuling pahayag ni Sheryl.