The show must go on for Lolit Solis. Walang nakahalata na nagluluksa si Lolit dahil namatay sa sakit na cancer noong April 12 ang kaniyang bunsong kapatid na si Evelyn S. Bonner.
Hindi nalaman sa showbiz ang pagkamatay ni Evelyn dahil nailihim ito ni Lolit. Ni isa man sa mga alagang artista niya, hindi alam na nagluluksa ang kanilang manager.
Nag-report pa si Lolit sa Startalk noong Sabado at nakadalo pa siya sa mga press cons nina Senator Manny Villar, Senator John Osmena, at Richard Gomez.
Clueless din ang Startalk staff sa nangyari dahil hindi rin ipinaalam sa kanila ang pagpanaw ni Evelyn. Wala silang kamalay-malay na may mabigat na dinaramdam si Lolit habang ipinagtatanggol nito ang staff sa pambabastos na ginawa sa kanila diumano ni Patrick Garcia.
Namatay si Evelyn sa Cedars Sinai Medical Center sa Los Angeles at iniuwi sa Pilipinas ang kaniyang labi noong Linggo, April 22. Dalawang gabing ibinurol sa Forest Hill Funeral Home (Novaliches, Quezon City) ang labi ni Evelyn, at kaninang umaga, April 24, inilibing siya sa Holy Cross Memorial Park.
Noong Lunes ng gabi, April 23, kumalat ang balita na namatay ang kapatid ni Lolit. Nagtanong ang maraming showbiz personalities, pero walang nagkumpirma kung totoo ang isyu dahil pinili ng Solis family na magkaroon ng pribadong pagluluksa.