"Sabi nga ng iba naming mga friends, sana wag kaming matulad sa ibang showbiz couples na naghihiwalay. Sabi ko, lahat ng paraan gagawin namin para siyempre hindi, saka sana huwag naman," says Glydel Mercado about her marriage to Tonton Gutierrez. Photo: Noel Orsal


Kung pahaba nang pahaba ang listahan ng mga showbiz couples na naghiwalay o nasa balag ng paghihiwalay, masasabing exemption to the rule ang three-year marriage nina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado.



Anim na taon ang hinintay nina Tonton at Glydel bago sila nagdesisyong magpakasal. Ito raw ang isa sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay matibay ang kanilang samahan. Siyempre, malaki ring bahagi ng tagumpay ng kanilang pagsasama ang anak nilang si Aneeza Julia.



Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Glydel nang minsang mag-guest siya sa ABS-CBN sitcom na Aalog-Alog, she shared with us the secret of their almost heaven-sent married life.

 

Ayon kay Glydel, "Kami kasi ni Ton, simula nung nagsama kami as husband and wife, parang ganun pa rin ang turingan namin nung mag-boyfriend kami—magkaibigan. Hindi nawala yung communication, na pag may kaunting tampo, sasabihin agad para di na lumaki nang lumaki.

 

"Kung nagiging issue din sa ibang mag-asawa ang pera, never itong naging issue sa amin ni Ton. Pareho kami ng asawa ko na ayaw naming pinag-aawayan yung money. Kasi ang pera, kinikita ‘yan, pero yung mabubuo ninyong pagsasama or relationship, di ninyo kikitain.



"Siyempre, nakatulong nang malaki na may bulilit na kami. Aneeza is turning three this coming July. Sabi nga ng iba naming mga friends, sana wag kaming matulad sa ibang showbiz couples na naghihiwalay. Sabi ko, lahat ng paraan gagawin namin para siyempre hindi, saka sana huwag naman."

 

Kinumpirma rin ni Glydel sa PEP na balak na nilang sundan ang anak nilang si Aneeza. May konting takot lang si Glydel na mapagdaanan ulit ang sakit na naranasan niya nang ipanganak ang panganay nila ni Tonton.



"It was a normal delivery, masakit ang naramdaman ko, even though mahaba naman ang tolerance ko sa pain. But babies are blessings from God. So kung masusundan, let it be. Gusto ko na rin naman talaga. Since girl yung first baby namin, gusto ko naman baby boy this time," sabi niya.

 

Since nasa dugo ni Aneeza ang pagiging artista, hindi kataka-taka kung mahilig man ito sa showbiz. But like most showbiz moms, mas gusto ni Glydel na magkaroon na lang ng normal life ang anak at magtapos ito ng pag-aaral.



"Sa nakikita ko, parang showbiz ang anak ko," sabi ni Glydel. "Pero ayokong i-tolerate na baka mas piliin niya ang mag-artista at hindi ang mag-aral. Kami kasi ni Ton, di kami nakapagtapos, so gusto namin, ang mga anak namin, makatapos sila. Gusto ko i-enjoy din niya ang normal life. Kasi ako, teenager pa lang, nag-That's [Entertainment] na ako."