After finishing a movie with the film arm of ABS-CBN, lady director Joyce Bernal has transferred to GMA-7. She is set to direct the Pinoy version of Marimar. Photo: Noel Orsal


Nasa bakuran na ng GMA-7 si Direk Joyce Bernal—kilala rin sa tawag na Binibining Joyce Bernal—na mas associated sa ABS-CBN at Star Cinema.

 

Maraming nagulat nang mag-guest recently si Direk Joyce sa morning show na SiS bilang judge sa "Search for Fulgoso, Ang Superstar na Aso." Si Fulgoso ang alagang aso ng Mexican star na si Thalia sa telenovela na Marimar noong '90s.



Ang Marimar ay gagawan ng Pinoy adaptation ng GMA-7 at si Bb. Joyce ang magdidirek ng nasabing teledrama.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa telepono kagabi, June 15, si Direk Joyce at kinumpirma niyang isa na siyang certified Kapuso.

 

Hiningi na rin namin ang side ni Direk Joyce tungkol sa isinulat ni Tito Alfie Lorenzo sa column nito sa Abante noong June 14. Ayon kay Tito Alfie, pinalayas diumano si Direk Joyce sa Star Cinema dahil siya raw ang sinisisi na hindi maganda at mahina sa takilya ang Regine Velasquez-Piolo Pascual movie na Paano Kita Iibigin? na siya ang direktor.



Sagot ng petite na direktora, hindi niya raw alam kung saan nakuha ni Tito Alfie ang balitang ‘yon, pero hayaan na lang daw natin ito.

 

"I needed to do it for myself," ang maiksing rason na ibinigay niya sa amin kaugnay ng paglipat niya ng istasyon.



Dagdag niya pa, "Ayokong ma-strain ‘yong relationship ko with Star Cinema because we had a good talk. Maayos ang naging pag-uusap namin ni Ma'am Malou [Santos, executive producer ng Star Cinema] and I promised them one thing.

 

"Basta ang sabi ko sa kanila, I'll be back after a year. Iyon ay kung gusto pa nila ako at tatanggapin pa nila ako!" tawa ng lady director.



Wala palang TV contract sa ABS-CBN si Direk Joyce ever since, sa film arm ng Dos lang siya nakatali. Ibig sabihin ay puwede siyang magdirek ng shows sa ibang TV networks, kaya lang ay nagkasunud-sunod daw ang movie projects niya sa Star Cinema.

 

Ito ang dahilan kaya hindi rin siya nakapagdirek ng TV shows. Isa pa ay ayaw na rin daw niya kasing magdirek para sa telebisyon at mas gusto niyang magpelikula.



Dahil umalis na siya sa Star Cinema, mga isang taon din siyang hindi makikita sa bakuran ng Dos. Puwedeng magdirek ng pelikula sa ibang film companies si Direk Joyce, except for GMA Films dahil may existing contract pa siya with Star Cinema na nagbabawal dito.

 

Nabanggit ng direktora sa interview ng PEP na may pinaplano na siyang film project na hopefully ay magawa niya within the year. This time ay ipu-push daw niya ang mga project na siya mismo ang may gustong gawin at hindi lang dahil kinuha siya ng isang film studio to direct it.

 

Hindi ang Marimar ang unang programang hahawakan ni Direk Joyce Bernal sa GMA-7. Noong 2002 siya ang nagdirek ng star-studded drama series ng Siete na Ang Iibigin ay Ikaw which starred Richard Gomez, Christopher de Leon, Alice Dixson, Lani Mercado, Jackie Lou Blanco, Rufa Mae Quinto, Anne Curtis, Chubi del Rosario, and many others.