"Hindi naman sa niligawan. Ano lang siya, very friendly lang. Pero as of now po, talagang gusto ko munang mag-concentrate sa career ko," says Stef Prescott (right) about the rumor that Rainier Castillo (left) courted her. Photo: Noel Orsal (Rainier) & Courtesy of GMA-7 (Stef)

Nilinaw ng young actress na si Stef Prescott sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang balitang nililigawan siya ng young actor na si Rainier Castillo.

"Hindi naman sa niligawan. Ano lang siya, very friendly lang. Pero as of now po, talagang gusto ko munang mag-concentrate sa career ko, sa mga projects na ibinibigay sa akin ng GMA, lalo na nga po itong Boys Nxt Door," paliwanag ni Stef sa press con ng nasabing youth-oriented show last June 14 sa GMA complex.

The last time daw na nag-text sa kanya si Rainier ay noong ongoing pa ang StarStruck The Next Level. Gaya ni Stef ay produkto rin ng StarStruck si Rainier, na naging First Prince sa first batch ng nasabing reality-based artista search.

"Tsaka ‘yong text niya, hindi naman ‘yong araw-araw. Mga twice a week lang," dagdag ng dalaga.

Hindi rin daw sila nagkikita ni Rainier kaya nagulat si Stef nang kumalat ang balitang may nakakita raw sa kanila na magka-date sa Greenhills.

"Hindi po totoo ‘yon," tanggi niya.

Kapag nagseryoso si Rainier sa panliligaw sa kanya, may chance kaya na magustuhan niya ang binata?

"Lahat ng tao, may chance," sagot ni Stef. "Hindi ko naman isinasara ‘yong pinto ko para sa ganun. Siyempre po, mabait naman kasi si Rainier, tsaka wala naman akong narinig na masamang isyu about him. Hindi naman daw lumaki ang ulo, mabait naman, at seryoso sa trabaho."

Sa Boys Nxt Door ay ka-love triangle ni Stef sina Marky Cielo at Glaiza de Castro. Hindi ba nagtaka si Stef na si Marky ang partner niya imbes na ang mga ka-batch niya sa StarStruck na sina Mart Escudero at Aljur Abrenica?

"Okay naman po," sagot niya. "Para ibang opportunity naman kaya thankful ako. Ngayon may chance na akong i-partner sa iba, na hindi lang puro ka-batch ko.

"Ako, parang I'm just taking things slow. Lahat ng projects na darating sa akin, tatanggapin ko. Kasi nga, opportunity siya. Lalo pa nga at bago pa lang ako. I'm just trying to make a good start."