"I'm only twenty-six years old. Of course, siguro po, in the future. But now, wala pong plano. Matagal pa po," answered Jay-R when asked about marrying his girlfriend Liza Calove. Photo: Noel Orsal


Kung noon ay malihim ang R&B Prince na si Jay-R tungkol sa kanyang personal na buhay, lalo na sa kanyang lovelife, ngayon ay very proud na siya na nakikita silang magkasama ng non-showbiz girlfriend niyang si Myra Eliza Calove.

 

Pero sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Jay-R sa launching niya as one of the celebrity endorsers of Unisilver, nalaman namin na wala pa pala silang wedding plans ni Liza kahit eight years na ang kanilang relasyon.

 

Ayon kay Jay-R, ang kanyang career ang laging nasa isip niya. Nasabi niya rin na at this stage ay hindi pa siya ang matatawag na marrying type.

 

"I'm only twenty-six years old. Of course, siguro po, in the future. But now, wala pong plano. Matagal pa po," sabi ng R&B Prince, sabay birong ang ideal age niya para mag-asawa ay 50 or 60 years old.

 

Aminado si Jay-R na takot pa siya sa commitment at sa mga pressures na maaaring ihatid sa buhay niya kapag may-asawa na siya. Hindi pa rin siya handa na magkaroon ng mga anak.

 

Dagdag pa niya, sa ngayon daw ay ang sarili lang niya ang halos kaya niyang pangalagaan.

 

Kaya, sa ngayon, imposible raw humantong sa kasalan ang relasyon nila ni Liza. Positibo rin si Jay-R na hindi mabubuntis nang wala sa tamang panahon ang kanyang kasintahan.

 

Hindi man siya marrying type, hindi rin naman siya babaero. "To the highest level" daw ang pagiging faithful niya sa kanyang girlfriend.

 

Bukod sa pagiging magkasintahan, dahil sa sobrang closeness nilang dalawa, parang best of friends din sila kung magturingan.

 

Lalaki si Jay-R, kaya natural lamang na humanga rin siya sa kagandahan ng ibang babae kahit pag-aari na ni Liza ang kanyang puso. Dalawa lang sa showbiz ang crush ng singer: sina Angel Locsin at Anne Curtis.

 

Samantala, hindi raw nagtampo si Jay-R kahit may sariling show na si Billy Crawford sa GMA-7 na kakabalik lang sa Pilipinas.

 

Si Billy ang host ng Move! (The Billy Crawford's Search for Pinoy Dancers) na napapanood tuwing Linggo ng hapon after ng SOP, kung saan isa naman si Jay-R sa mga featured performers.

 

Hindi nahiyang umamin si Jay-R na fan siya ni Billy. Kung para raw sa ibang tao ay may rivalry sa pagitan nila, flattered siya pero healthy competition lamang daw iyon.