"Siyempre, kung wala nang maibigay na trabaho sa akin sa ABS, hindi naman siguro masama kung pumunta ako kung saan puwedeng may maibigay sa akin na trabaho," says AJ Dee about the possibility of transferring to rival network. Photo: Noel Orsal


Halos teary-eyed ang aktor na si AJ Dee habang nagpapahayag sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ng kanyang nararamdamang kalungkutan ngayon tungkol sa kanyang career. Wala kasing bagong project sa telebisyon si AJ.

After na mapanood siya sa Rounin bilang bad boy at sidekick ni Aubrey Miles, walang malinaw na proyektong alam si AJ na ibibigay sa kanya ng kanyang home studio, ang ABS-CBN.

Aminado si AJ na madalang na madalang ang trabaho niya ngayon. May mga pagkakataon pa raw na siya na mismo ang lumalapit sa mga executive producers at program managers ng iba't ibang shows para magtanong kung may bagong trabahong maibibigay sa kanya.

Madalas daw, walang maisagot sa kanya ang mga taong kinakausap niya.

"'Yung iba, sumasagot, na kapag may project raw na puwede ako, iku-consider ako. Pero as of now, wala pa talaga akong bagong trabaho," malungkot na pahayag ni AJ.

Dati raw, may mga lumalapit sa kanya para i-manage siya at dalhin siya sa ibang TV station, pero tinanggihan ni AJ.

"Noon kasi, ang iniisip ko talaga, hindi ako aalis sa ABS. Para sa akin kasi, importante ang loyalty," sabi niya.

Pero kahapon, July 23, sinabi sa amin ni AJ na kapag nag-expire na ang kanyang kontrata sa January 2008—which he renewed last January—at wala pa ring nangyayari sa kanyang career, hindi isinasara ni AJ ang pintuan na posible siyang magtrabaho for other TV stations, tulad ng GMA-7.

"Siyempre, kung wala nang maibigay na trabaho sa akin sa ABS, hindi naman siguro masama kung pumunta ako kung saan puwedeng may maibigay sa akin na trabaho," rason niya.

Nung nagsisimula pa lang si AJ sa showbiz, sabay-sabay raw ang mga TV shows niya, taliwas sa nangyayari sa kanya ngayon.

"Ganun yata talaga kapag bago," nasabi na lang niya.

Ngayon, mas maraming projects kaysa sa kanya ang nakababata niyang kapatid, ang swimmer na si Enchong Dee.

Isa ring swimmer si AJ bago siya pumasok sa showbiz via the talent search na TV Idol: Ur D Man sa dating noontime program ng ABS-CBN na MTB: Ang Saya-Saya.

Sa ngayon, habang walang trabaho, concentrated si AJ sa theater acting.

"Gusto ko kasi talagang umarte, passion ko ang acting. E, wala naman akong project, kaya sa stage muna ako. Sa stage acting, sa teatro, nailalabas ko ‘yung talent ko na hindi ko alam na meron ako."