Young actor Dennis Trillo expressed his disappointment with his leading lady's decision to move to ABS-CBN. "Dapat pag-isipan mo muna ‘yung mga naging desisyon mo. Sa totoo lang, ang suwerte mo nandito ka sa GMA," he addressed Angel Locsin. Photo: Noel Orsal


Hindi maitago ng young actor na si Dennis Trillo ang kanyang panghihinayang nang mabalitaang lilipat ang paborito niyang leading lady na si Angel Locsin mula sa GMA-7 papuntang ABS-CBN.

 

Noong una ay hindi raw makapaniwala si Dennis sa naging desisyon ng dating kapareha.

 

"Akala ko kasi, marami pa kaming pagsasamahang telefantasya sa GMA, pero ayun na nga, lilipat na raw. Sayang naman kung lilipat siya. Kasi dito sa GMA, siya ang leading actress," ayon kay Dennis.

 

Nagkasama sa tatlong malalaking teleserye sina Dennis at Angel: Mulawin, Darna, at Majika. Nagkasama rin sila sa mga pelikulang Mulawin The Movie at Txt.

 

Sinabi rin ni Dennis na malaki pa ang kakulangan sa bilang ng mga sikat na aktor at aktres sa GMA-7. Iilan lang daw ang mga nangunguna sa Kapuso Network, hindi katulad sa Kapamilya Network na marami nang malalaking stars.

 

"Dapat pag-isipan mo muna ‘yung mga naging desisyon mo. Sa totoo lang, ang suwerte mo nandito ka sa GMA," mensahe ni Dennis para kay Angel.

 

Nilinaw ni Dennis na hindi naman daw siya tutol sa mga lumilipat ng istasyon. Maganda nga raw ang nagiging epekto nito para sa ilan. Pero dahil napakahalaga ng ganitong kabigat na desisyon sa career ng isang artista, dapat daw ay masusing pinag-aaralan ito bago gawin.

 

"Wala namang masama kung lilipat ang isang tao sa kabilang network, pero sana lang pag-isipan niya nang maraming beses ang kanyang desisyon," pahayag ng matinee idol.

 

Dating taga-ABS-CBN si Dennis pero lumipat ito sa Kapuso Network ilang taon na rin ang nakararaan.

 

"Lumipat ako dahil napakalaki ng opportunity. At heto nga, kita niyo naman nagbunga ng maganda ang desisyon ko," ani Dennis na itinuturing na isa sa top leading men sa Kapuso Network.

 

Kung matuloy man sa ABS-CBN si Angel ay magkakasama pa rin sila ni Dennis dahil nakatakda silang gumawa ng pelikula sa Regal Entertainment. Sinasabing ito na ang magiging huling pelikula ni Angel sa movie company ni Mother Lily dahil malamang na pumirma na rin siya ng kontrata sa Star Cinema, ang film arm ng ABS-CBN.