"Hindi pa po allowed na magkaroon ng kissing scene. Katulad nga po ng palagi kong sinasabi, role model po ako ng mga kabataan. So, parang hindi naman po yata maganda na makikita ako sa TV ng mga bata na nakikipaghalikan," replies Sarah Geronimo when asked about kissing scenes. Photo: Noel Orsal


Nagkaroon na ng maagang pa-presscon ang Pop Star Princess na si Sarah Geronimo kaugnay ng launching ng kanyang bagong album, ang Sarah Geronimo, Taking Flight, under Viva Records , at ang pinakabago niyang soap opera sa ABS-CBN na Pangarap Na Bituin.



Sa September pa nakatakdang umere ang Pangarap Na Bituin, kung saan kasama niya sina Rica Peralejo at Maja Salvador, pero kanina, August 10, ay pina-presscon na nga ng ABS-CBN si Sarah. Mawawala kasi si Sarah sa bansa for more than a month, due to her Sarah Geronimo's in Motion concert series sa iba't ibang lugar sa United States.



Ayon kay Sarah, sa August 15 na raw ang alis niya kaya sa pagbubukas ng Pangarap na Bituin ay siguradong wala pa siya. Binigyang-linaw rin ni Sarah na ang naturang soap opera ay hindi remake ng old movie ni Sharon Cuneta na Sana'y Wala Nang Wakas.



"Hindi po talaga," diin niya. "Original po ang kuwento ng Pangarap... Bale po, siguro puwedeng sabihing inspired sa Sana'y Wala Nang Wakas at meron din po sa Kadenang Bulaklak [another Viva Films movie]. Tatlo po kaming magkakapatid dito nina Maja at Ate Rica. Nagkahiwa-hiwalay po kami at pangarap ko nga po na magkasama-sama kaming muli."



First time niyang makatrabaho sina Rica at Maja, kumusta naman sila sa set?



"Ay, sobrang saya po! Si Maja pa naman po, sobrang jolly po niya. Sobrang funny at ang daldal kasama kaya ang saya-saya po namin sa set. Si Ate Rica naman po, hindi pa po kami masyadong nagkakasama sa taping. Pero dati na po kaming nagkakasama sa ASAP at doon pa lang po, sobrang saya na po kami," lahad ng 19-year-old singer-actress.



SARAH'S LEADING MAN. Bukod kina Rica at Maja, first time din niyang makakatrabaho at makakapareha si Jericho Rosales. Sa tingin ba ni Sarah ay magandang chemistry naman na nabuo sa kanila ni Echo sa Pangarap Na Bituin?



"Sa sobrang galing naman po ni Jericho na umarte, kahit sino po sigurong makakapareha niya ay magkakaroon ng chemistry sa kanya. At saka, sobrang pinaghihirapan din po naming dalawa ang lahat ng eksena."



This time ba kay Jericho ay napapayag na si Sarah na magkaroon ng kissing scene?



"Hindi...hindi po," mariin niyang tanggi. "Hindi pa po allowed na magkaroon ng kissing scene. Katulad nga po ng palagi kong sinasabi, role model po ako ng mga kabataan. So, parang hindi naman po yata maganda na makikita ako sa TV ng mga bata na nakikipaghalikan.



"Okay lang naman po mag-kiss—sa noo, sa pisngi po!"natatawa pa niyang sabi.



SECRET CRUSH.
Samantala, kahit anong pilit ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Sarah, hindi talaga siya nagawang paaminin kung sino ang isa pa niyang crush bukod kay Piolo Pascual.



"Secret po talaga," sabi niya. "Nakakahiya naman po kapag sinabi ko. ‘Yung kay Piolo naman po, kaya ko naman po palaging sinasabi at open ako, kasi parang sobrang dami naman po talaga ang nagkaka-crush sa kanya.



"E, ‘yung isa ko pa pong crush, basta secret lang po talaga ‘yon at wala pong nakakaalam—kahit mommy ko. Saka mas masarap naman pong magka-crush na walang nakakaalam."



May mga ilang male stars na binanggit at pinapasagot kay Sarah kung iyon ba ang crush niya, tulad nina John Prats, John Lloyd Cruz, Mark Bautista, at Erik Santos—though ang huli, ayon kay Sarah, ay dati pa niyang crush pero nawala na ang pagkaka-crush niya rito. Sa kakapilit, nagawa ngang sabihin ni Sarah na isa sa mga nabanggit ang tinutukoy niya. Pero hanggang doon na lang talaga at hindi na siya napilit pang magsabi ng pangalan.

TAPING INCIDENT. Samantala, napag-usapan din ang insidenteng nangyari sa taping ng Pangarap Na Bituin, na nataon pa naman sa mismong kaarawan niya, July 25. Pagdating niya raw sa taping, bigla siyang sinigawan at napagsabihan ng hindi maganda ng mismong executive producer ng soap opera.



Dahil dito, may lumabas na balitang tila plano na siyang i-pullout ng Viva management na siyang may hawak sa kanya sa ABS-CBN. Pero nilinaw ni Sarah na naayos na rin agad ang pangyayaring ‘yon.



"Ayoko na po sanang i-discuss ‘yon. Pero okay na po, nagkaaayos na po kami. Miscommunication lang po talaga. Pero okay na po ngayon, tapos na po ‘yon," sabi ni Sarah.



Pero ano nga ba ang totoong nangyari?



"Ganito po kasi ‘yon, hindi po ako late. On time po akong dumating. Meron lang pong agreement si Boss Vic [del Rosario] at ang production na kailangan po akong i-pullout sa taping ng 12 noon for a contract signing sa isang bago ko pong endorsement. Ang alam po pala nila [staff of Pangarap Na Bituin], dapat 1:30 PM babalik na rin ako.



"E, hindi po yata nasabihan na sa Makati pa po, sa Shangri-La, ang contract signing. E, na-traffic po kami. Three PM na po kaming nakarating. Iyon po," kuwento ng Viva discovery.



May balitang tine-text naman daw sila ng kanyang ina, pero hindi sila sumasagot. Kaya may isang oras at kalahati pang naghintay sa kanya ang lahat ng involved sa taping nung araw na ‘yon. Ano ang masasabi niya rito?



"Ay, hindi ko po alam ‘yung sa text na hindi nasagot," sabi ni Sarah. "Pero maayos na naman po ngayon. Sa PETA po, sa Quezon City ang location, tapos po sa Makati kami galing kaya imposible po talaga kaming makabalik ng 1:30 PM. Pero sabi ko nga po, okay na naman po. So, tapos na po ‘yon."

SARAH AS A STUDENT. Right now, masasabing sobrang busy talaga ang schedule ni Sarah. Bukod sa taping, concert, at iba pang mga shows, nag-aaral din si Sarah sa UP Open University, wherein she's taking up Associate in Communication Arts.



Kuwento ni Sarah, magkakaklase rin daw sila ng Megastar na si Sharon Cuneta sa isang subject.



"Kaklase ko nga po si Ms. Sharon sa isang subject po, sa Communication Skills I. Medyo na-delay po yata siya kaya kami naging magkaklase," banggit niya.



Pero hindi pa raw sila nagkikita dahil online-based ang schooling nila. Ganunpaman, ay nagte-text daw si Sarah kay Sharon.



"Through text messaging ko po nakakausap si Ms. Sharon. Wala na po kasi akong time na mag-chat. Madalas po, kung kailan lang po ako magsa-submit, doon lang po ako nag-o-online," lahad ni Sarah.



Nabibigyan ba siya ng mga advices ng Megastar since ahead ito sa kanya sa UP Open University?



"Sinasabi naman po niya sa akin, susuportahan daw po niya ako. Kasi, may forum po kami. Sabi nga po niya, kapag may gusto raw po akong topic, nandoon lang daw po siya. Minsan po kasi, parang may debate sa mga brainy students. Siyempre ako po, hindi pa po ako nakikipag-debate, pinaghahandaan ko pa po," natatawang kuwento ni Sarah.