Maria Flordeluna star Eliza Pineda returns in new show Kung-Fu Kids, which she will co-star with former GMA-7 child actor Paul Salas. Photo: Noel Orsal


Nagulat ang child actress na si Eliza Pineda kung paano nalaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang susunod niyang teleserye sa ABS-CBN pagkatapos ng Maria Flordeluna. Ito ay ang Kung-Fu Kids kung saan makakasama rin ni Eliza ang bagong Kapamilya child actor na si Paul Salas, na produkto ng StarStruck Kids ng GMA-7.

Ayon kay Eliza, hindi pa raw kasi dapat ikuwento ang tungkol sa bagong teleserye nila dahil hindi pa talaga kumpleto ang buong cast ng programa.

Konting panahon na lang ay isa nang ganap na dalaga ang child star at Star Magic talent. Noong August 23 ay 12 years old na si Eliza. Nagdiwang siya ng kanyang kaarawan sa isang resort sa Laguna kasama ang kanyang buong pamilya at mga kaibigan.Grade Six na siya sa Living Heritage of Tomorrow.



Si Eliza ang bunso at pangatlong anak na babae sa pamilya. Thirty-one na ang panganay na ate niya at 28 naman ang sinundan niya. Forty years old na ang ina ni Eliza nang isilang ang child actress kaya muntik na siyang maging menopausal baby.

Hindi raw siya naniniwala sa intriga na inampon lang siya ng kanyang mga magulang.



"Kahit ampon po ako, okay lang sa akin," nakangiting saad ni Eliza.



Hinangaan si Eliza sa kanyang magaling na performance sa mga teleserye ng ABS-CBN na Mga Anghel na Walang Langit at Maria Flordeluna, pero sa huli siya nakilala nang husto. Sa katunayan, umabot pa raw sa 70 percent ang rating na nakuha ng Maria Flordeluna sa Davao City noong last episode nito.



"May isang viewer nga po sa Davao ang inatake dahil sa sobrang na-carried away nung namatay si Flordeluna. Namatay din po siya," nalulungkot na kuwento ni Eliza.