ABS-CBN news anchor Korina Sanchez (left) and Batangas Governor Vilma Santos-Recto (right), who are both recipients of People Asia's Women of Style and Substance award this year, met for the first time after the elections. Korina's commentaries against Vilma's husband, former Senator Ralph Recto, were said to have started the rift between the two. Photo: Ruel Mendoza


Pinarangalan ng People Asia magazine ang ilan sa pinakahinahangaang mga kababaihan sa kani-kanilang larangan na tinawag nilang Women of Style and Substance kahapon, September 6, sa Legaspi Room ng Hotel Intercontinental.

 

Kabilang sa naparangalan this year ay sina Batangas Governor Vilma Santos-Recto; Senator Loren Legarda; beauty expert Vicki Belo; actress-TV host Toni Gonzaga; race driver Gaby dela Merced; singer Sitti; lifestyle columnist Millet Mananquil; restaurateur Gaita Forres; lawyers Katrina Legarda and Rowena Bengzon; socialites-philanthropists Lizzie Zobel and Margarita Delgado; and news personalities Korina Sanchez, Vicky Morales, and Tintin Bersola-Babao.

 

Isa sa inaabangan ng marami sa naganap na awarding ay ang unang paghaharap nina Gov. Vi at Korina. Matatandaang nagkaroon ng tampuhan ang dalawa dahil sa mga komentaryo ni Korina sa kanyang programa sa radyo laban kay Vilma at sa pamilya Recto, partikular na sa dating Senator Ralph Recto, noong panahon ng kampanya last May 2007 elections. Halos araw-araw kasi ang pambabatikos ni Korina kay Ralph dahil sa isyu ng E-VAT (Expanded Value Added Tax).



Pero kahapon ay parang walang anumang nangyari sa pagitan nina Vilma at Korina. Nagyakapan pa nga sila.

 

Mas naunang dumating si Vilma sa venue at nasa stage na lahat ng awardees nang dumating naman si Korina. Isa-isang nilapitan ni Korina sa entablado ang mga co-awardees niya upang bumati. Siyempre, hindi na niya naiwasan si Vilma na nandun din sa hanay ng mga awardees.

 

Kinunan ng pahayag ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Govenor Vi tungkol sa pagkikita nila ni Korina pagkatapos ng seremonyas. Ayon sa premyadong aktres at politician ay wala raw naman siyang sama ng loob na naramdaman kay Korina. Napalaki lang daw ‘yon ng showbiz at pati na rin ng pulitika.

 

Sinabi pa ng actress-politician na wala rin siyang dapat ikasama ng loob kina Mother Lily Monteverde, Richard Gomez, at ilan pang mga kasamahan niya sa showbiz na may pahayag noon laban kay Ralph. Parte lamang daw ito ng pulitika at ngayong tapos na ang eleksiyon ay hindi na ito dapat pagtuunan ng pansin.

 

"It's time to unite and move forward," sabi ni Governor Vi.