This Management Engineering graduate left the corporate world to pursue his passion—singing. With his talent and charm, Jan Nieto is sure to receive a warm welcome from the showbizlandia. Photo: Noel Orsal

Isa nang ganap na Kapuso si Jan Nieto, one of the top three finalists ng kauna-unahang Philippine Idol. Dalawang linggo na siyang napapanood sa afternoon variety show ng GMA-7 na S.O.P. at mukhang magiging regular na ang paglabas niya.

"Happy talaga ako, kasi, ang Philippine Idol, nasa GMA-7 na, and I'm here na rin. Although, may negotiations pa para pumirma ako ng exclusive contract sa kanila, at least, 'yung deal nila with my manager [Sandra Chavez] is okay.

"Kasama ko sa management ni Sandra si Gian Magdangal, kaya kampante ako. Magkasama na nga kami sa show. Iba yung feeling na nasa isang malaking network ka, at sana, alagaan din lang nila ako nang gaya roon sa ibang talents nila," sabi pa ng simpatikong Philippine Idol runner-up.

Marami ang nagsasabing baka may panghihinayang kay Jan, na kung sana'y nasa GMA-7 na agad ang Philippine Idol noon, baka nga nagtuluy-tuloy ang pagsikat niya.

"Hindi ko iniisip na ganoon. Malaking network ang GMA-7 kung ikukumpara sa ABC-5, at alam kong mas maganda sana ang itinakbo ng career ko sa simula pa lang kung GMA-7 na agad ang nag-alaga sa akin.

"Pero, nang mag-audition ako, alam kong ABC-5 na. Kung mas malaking network siguro, baka hindi rin ako nag-audition. Kasi, ayoko rin yung parang biglang napakalaki na agad na napapanood na ng napakarami.

"Feeling ko lang, hindi ako maglalakas ng loob kung nasa bigger network like GMA-7 ang Philippine Idol during that time," sunud-sunod na ipinahayag ni Jan Nieto.

In terms of visibility and exposure, nakalalamang siguro kung sa Siete na agad nagsimula si Jan. Pero, sa nangyayari sa career niya, magiging magkasabay ang paglulunsad sa kanya bilang Kapuso artist at ang pag-ere ng Philippine Idol.

"Noon kasi, sabay halos yung auditions sa Pinoy Dream Academy at Philippine Idol, pero fan ako ng American Idol kasi. Yun ang pinapanood ko at doon ko gustong sumali if given the chance.

"Kaya hindi ko na naisip na sa PDA ako mag-audition dahil mas malaki ang ABS-CBN," sabi pa ni Jan.

No regrets kay Jan na iniwan niya ang kanyang high-paying job sa Unilever noon para makipagsapalaran at tuparin ang pangarap niyang maging singer.

"Worth it talaga kasi hilig ko ang pagkanta," aniya pa. Mababalikan ko rin siguro yung trabaho kung hindi ako pinalad na maging finalist sa Idol. Pagkatapos ng contest, maraming lumapit sa akin, gusto raw nila akong i-manage. Kaso lang, may kasunduan between Freemantle and Sandra Chavez, na si Sandra ang dapat humawak sa lahat ng finalists ng PI, even a year more after the contest."

And so far, so good. Unti-unti ay nangyayari ang kanyang mga plano. "Natutuwa naman ako sa pamamalakad ng manager ko sa career ko. Heto nga, nasa GMA-7 na ako kaya walang magiging problema sa agreement namin ni Sandra. Masaya ako sa nangyayari sa career ko, lalo ngayong lumalabas na ako sa Kapuso network.

"Nakalabas na rin ako sa ibang shows ng GMA-7 like All Star K, na nag-e-enjoy ako," banggit pa niya.

No nonsense celebrity itong si Jan, who finished Management Engineering sa Ateneo de Manila University. Ang kanyang tinapos ay isa raw ito sa mahihirap na kurso sa Ateneo.