"Wala naman akong exclusive contract with them kaya I can always work with any TV station. It just so happens na maganda talaga ang offer ng GMA-7 and I can't say no to it," explains Eula Valdes about her transfer from ABS-CBN to GMA-7. Photo: Noel Orsal


Mukhang at home na at home na si Eula Valdes sa kanyang bagong tahanan sa GMA-7. Noong kunan kasi siya para sa Christmas station ID ng Kapuso network ay kitang-kita ang pagiging masaya niya. Tila hindi naiilang si Eula sa mga bagong makakasama niya sa trabaho.



Si Eula ang napapabalita na taga-ABS-CBN 2 na lumipat na sa GMA-7. Kasama siya sa bagong action-fantasy series na Kamandag na pagbibidahan ni Richard Gutierrez.



Ayon kay Eula, wala naman daw ibinibigay na bagong show sa kanya ang Dos noong magtapos ang Maria Flordeluna. Matagal daw siyang naghintay, pero kinakailangan na niyang maghanap ng trabaho. Nagkataon daw na nag-offer ang GMA-7 at mabilis niya itong tinanggap.



"Maayos naman akong nagpaalam sa ABS-CBN," sabi ni Eula sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Wala naman akong exclusive contract with them kaya I can always work with any TV station. It just so happens na maganda talaga ang offer ng GMA-7 and I can't say no to it.

 

"Kaya happy ako na maging Kapuso na. But nasa puso ko pa rin naman ang maging isang Kapamilya dahil malaki ang naging utang na loob ko sa kanila."



Dahil sa paglipat ng istasyon ni Eula, marami tuloy ang nagbibiro sa aktres na baka sinundan lang niya ang kaibigan niyang si Jean Garcia sa GMA-7. Namamayagpag ngayon si Jean bilang primera kontrabida ng Kapuso network dahil sa sunud-sunod nitong projects tulad ng Majika, Atlantika, Impostora, at ngayon sa La Vendetta.



"Nagkataon lang magkasama kami ulit ng kumare ko. Masaya ako and I'm looking forward working with her. Why not, di ba? Mabubuhay ulit ang tarayan namin sa TV!" nakangiting sabi ni Eula, na unang nakasama si Jean sa soap opera na Pangako sa ‘Yo.



Napag-alaman ng PEP na bukod sa Kamandag ay may isa pang gagawing show si Eula sa GMA-7.