Child star Eunice Lagusad, who became famous for her role as Charming in Bakekang, is now with the Kapamilya network. Her first soap opera in ABS-CBN is the TV adaptation of Princess Sarah. Photo: Noel Orsal


Sa paglipat ng child star na si Eunice "Charming" Lagusad sa Kapamilya network ay dalawang major shows agad ang ibinigay sa kanya—Goin' Bulilit at Princess Sarah.

 

Matatandaang kasama si Eunice sa mga nadamay sa hidwaan ng talent manager niyang si Becky Aguila at ng GMA-7, kung saan nakilala ang child actress dahil sa pagganap niya bilang batang Charming sa soap opera na Bakekang. Pagkatapos nito ay binigyan siya ng sarili niyang show, kasama si Krystal Reyes, sa Princess Charming. Ang huli niyang programa sa Kapuso network ay Boys Nxt Door.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Eunice sa taping ng Princess Sarah sa Coconut Palace noong Lunes, November 5.



"Siyempre po, masaya po. Ako po si Becky dito. Ako po yung first na katulong na alalay kay Sarah 'pag naghirap siya at kukunin niya ako sa end," kuwento ni Eunice sa kanyang role sa Princess Sarah na gagampanan naman ni Sharlene San Pedro.

 

Masaya ba siya sa paglipat niya sa ABS-CBN?



"Opo, happy ako," sagot niya.



Hindi ba siya naguluhan noong lumipat siya?



"Hindi po."



Aware ba siya noon na may gulong nagaganap sa pagitan ng manager niya at ng GMA-7?



"Hindi po. Napapanood ko lang naman po, e. Wala lang. Basta manonood lang po ako," napakinosenteng sagot ni Eunice.



Hindi ba siya natakot na baka wala na siyang gawing projects at hindi na mag-artista pa?



"Kinabahan din po ako ng konti," pag-amin ng bata. "Pero nung sinabi na lilipat na ako dito [ABS-CBN], sa Goin' Bulilit, okay naman po. At dalawa po agad ang shows ko."



Naging maayos naman daw ang pagtanggap sa kanya sa Goin' Bulilit.

 

"Naging close po agad sa show sina Shar-Shar, si Nash [Aguas], si Coby po, anak ni Tita Cory Vidanes [ABS-CBN-VP for Entertainment], ‘tsaka po sina Basti po," kuwento niya.



Major child star na siya sa GMA-7 bago siya lumipat sa ABS-CBN. At the same time, pagpasok niya ng ABS-CBN ay nandiyan na rin at nagbibida na sina Sharlene, si Celine na gumanap bilang batang Poknat sa Sana Maulit Muli, at ang young Judy Ann Santos na si Elisa Pineda. Naramdaman ba ni Eunice na kayang-kaya niyang makipagsabayan sa pagiging star ng mga nabanggit na child stars?



"Hindi po," tila nahihiya pang sagot ni Eunice. "Siyempre po, maghihintay ka pa rin po yung pagkatapos po. Halimbawa po, pagkatapos ko na maging kaibigan, siguro po sa susunod, ako naman ang bida."



Hindi ba siya nanghihinayang na lumipat pa siya samantalang bida na siya sa GMA-7?



"Ayos lang po. Hindi naman po masyado."



Nararamdaman ba niya na parang nagsisimula ulit siya?



"Hindi po."



Okay lang ba sa kanya na maging support muna sa teleserye?



"Okay lang po," sagot ni Eunice.