Sharlene San Pedro was chosen among all the child actresses of ABS-CBN to reprise the role of Princess Sarah. Photo: Noel Orsal


Masasabing napakasuwerte ni Sharlene San Pedro dahil among all the child actresses in ABS-CBN, siya ang napiling gumanap sa well-loved character ni Princess Sarah, ang role na unang nagpasikat at nagpakilala kay Camille Prats noong siya'y child star pa lang. Ayon sa eight-year-old na si Sharlene ay masayang-masaya siya na siya ang gumaganap ngayon na Princess Sarah.



"Siyempre po, napakasaya ko pong talaga dahil binigyan po ako ng ABS-CBN ng isang napakagandang role po," ani Sharlene sa presscon ng Princess Sarah kahapon, November 8.



Sa pamamagitan ng kanyang ina, nilinaw ni Sharlene na ipinatawag siya ng management at meron lang ipinagawa sa kanya. Taliwas ito sa lumabas na nag-audition siya for the role.



Hindi rin daw niya alam kung totoong si Celine na nasa sitcom na That's My Doc ang original choice na gumanap na Princess Sarah. Pero may conflict daw sa schedule ni Celine kaya hindi niya natanggap ang offer. Ayon kay Sharlene, wala raw kaso sa kanya kung siya o hindi ang original choice.



"Nasa production naman po ‘yon. At saka, gagawin ko naman po ang lahat ng best ko dahil pangarap ko nga po na maging magaling na artista," napaka-bibong sagot ni Sharlene.



Natawa si Sharlene nang tanungin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung isa rin ba sa pangarap niya ay ang maging prinsesa, gaya ng ginagampanan niyang role.



"Hindi naman po!" sagot ng child actress. "Yung middle lang po. At saka hindi naman po ako nagmamayabang na ako na po si Princess Sarah."

 

Aminado si Sharlene na hindi pa niya napapanood ang pelikula na ginawa ng Star Cinema at pinagbidahan ni Camille.



"Hindi ko pa po napapanood ‘yon, pero gusto ko nga pong mapanood. Kaso, wala po kaming mabiling kopya. Ang napanood ko lang po, yung cartoons po, pero konti lang din po."



Okay ba sa kanya na sundan ang yapak ni Camille?



"Okay po sa akin. Kasi gusto ko rin pong maging magaling na artistang katulad po niya," sagot ni Sharlene.



In real life ba, masasabing mabait at inosente rin siya tulad ng character na ginagampanan niya ngayon?

 

"Opo...minsan nga lang po makulit po," natatawa niyang sambit.



Pangalawa sa kanilang magkakapatid si Sharlene. Sa kasalukuyan ay nasa Home Study Program ng The Sanctuary siya para hindi raw makaabala sa taping niya. Enjoy naman daw siya dahil kapag may free time siya ay doon niya ginagawa ang lahat ng lessons niya.



Ang mga batang co-stars sa Princess Sarah ang itinuturing na mga kalaro at kaeskuwela na rin ni Sharlene. Sa mga hindi nakakaalam, four years old pa lang simula nang sumali siya sa Star Circle Kids Quest at nakagawa na siya ng ilang shows sa ABS-CBN gaya ng Cala Lilly, Anghel na Walang Langit, Goin' Bulilit, Margarita, at Pedro Penduko at Ang Mga Engkantao.



Sinabi rin ni Sharlene na ang pangarap niya talaga ay magtagal sa industriya at sumikat pa bilang isang artista. Nang tanungin kung may naipon na siya sa pag-aartista, proud nitong sinabi na naka-bangko ang lahat ng kinikita niya.



"Inilalagay po namin sa bangko. At saka nakapagpagawa na rin po kami ng bahay, tumulong din po ako dun. Kaya masaya po ako na dati maliit lang ang bahay namin, ngayon po mas maganda na rin po. Saka po yung kotse, ako rin po ang bumili," proud na pahayag ni Sharlene.



Itinanggi ni Sharlene na baka dahil sa pagiging Princess Sarah niya ngayon ay lumaki na ang ulo niya at maging mayabang.



"Hindi po mangyayari ‘yon. Hindi po ako magiging mayabang kasi gusto ko pong maging katulad ni Ate Juday at sumikat din po," pangako ni Sharlene, na aminadong si Judy Ann Santos ang pinaka-idol niya.