(From left) Star Awards for TV winners Charo Santos-Concio, Ading Fernando Lifetime Achievement Award; Pauleen Luna and Gina Pareno, Best Single Performance by an Actress; Sunshine Dizon, Best Drama Actress; and Ronnie Lian, Best Male New TV Personality.

Photo: Jude Bautista


Itinanghal ang ABS-CBN na Best Station sa ginanap na 21st Star Awards for TV kagabi, November 18, sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo de Manila University, Quezon City. Sa kabuuan ay 32 trophies ang napanalunan ng ABS-CBN, samantalang ang rival station nitong GMA-7 ay nakakuha ng 19 trophies. Lima naman ang naiuwi ng sister station ng GMA-7 na QTV 11, dalawa sa IBC 13, at isa sa UNTV 37.

Ang Star Awards for TV ay taunang parangal na iginagawad ng mga miyembro ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Star-studded ang naturang parangal na halos lahat ng winners ay dumalo, maliban kina Piolo Pascual na may sakit daw at Vicky Morales na tatlong taon nang hindi sumisipot sa awards night.

Hosts noong gabing 'yon sina Boy Abunda, Pops Fernnadez, Ara Mina, at Lorna Tolentino. Incidentally, sina Pops at Ara ay may one thing in common: si Jomari Yllana. Ex ni Jomari si Ara at si Pops naman ang present girlfriend ng aktor.

Trivia hosts sina Dingdong Dantes at Luis Manzano.

Ang performers ay sina Ogie Alcasid, Dulce, Sam Milby, Joross Gamboa, Mark Herras, Wendy Valdez, Jopay Paguia, Baywalk Bodies, Saicy Aguila, Anime, Rubi Rubi, Cover Boys, Boyz.Com, at Marian Rivera.

CONTROVERSIAL & FUNNY MOMENTS. Parehong ginawaran ng Excellence in Broadcasting Award sina Mel Tiangco ng GMA-7 at Korina Sanchez ng ABS-CBN.

Naging usap-usapan ang speech ni Mel dahil malutong at maintriga ang nilalaman nito. Ten years ago, sabi niya, maraming gustong magpagbasak sa kanya. Matatandaang sa panahong ‘yon ay kalilipat lang niya sa Kapuso network mula sa ABS-CBN. Isa lang daw ang nagbigay ng tiwala at naniwala sa kakayahan niya, ang GMA-7. Buti na lang daw at natagpuan niya ang GMA-7, kung hindi ay wala siya ngayon para tanggapin ang naturang karangalan.


Pagkatapos ng awards night ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Mel sa lobby ng Henry Lee Irwin Theater. Tinanong namin siya kung hanggang ngayon ba ay may kinikimkim pa rin siyang sama ng loob kaya siya nagsalita ng ganoon sa kanyang acceptance speech.

"Ay, hindi kimkim ng sama ng loob ‘yon," sagot ng respetadong newscaster. "Yun ay pasasalamat sa GMA. Gusto kong iparamdam sa GMA kung gaano sila kahalaga sa akin. Hindi ganoon ang ibig kong sabihin.

"Sila ang naniwala sa aking kakayahan at talento. Itinaguyod nila ang aking career. Ginalang nila ang aking pagkatao at ang aking integridad. Binigyan nila ako ng pagkakataon para ipagpatuloy ang aking career. Kung wala sila, wala ako."

Natarayan din ang ilang manonood at mukhang may parinig din si Mel nang tanggapin niya ang tropeyong Best Female Newscaster para sa 24 Oras. May kulay raw ang pagkakasabi niya ng motto ng GMA News & Public Affairs na "Walang kinikilingan, walang pinapanigan. Serbisyong totoo lamang." Mukhang pasaring daw ito sa Bandila na nanalong Best News Program.

Character din si Tiya Pusit nang tanggapin ang kanyang tropeyo na Best Comedy Actress para sa wala na sa ere na Bahay Mo Ba 'To, ka-tie si Pokwang para sa Aalog-Alog na wala rin sa ere.

Sa isang bahagi ng acceptance speech ng beteranang komedyante, sabi niya: "After 27 years, ngayon lang ako nagka-trophy, gusto pang hiramin ni Pokwang. Buti na lang si Pokwang ang kahati ko. Plastik!"

Sinagot naman ni Pokwang: "Fetus pa lang ako, pinapanood ko na si Tiya Pusit."

Nagkuwento naman si Charo Santos-Concio ng kanyang achievements at karanasan sa kanyang career nang gawaran siya ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award.